Photo from Pixabay
Sadyang hilig nating mga Pilipino ang pagkain ng masarap at magarbo. Sa ating lagiang pag-eenjoy sa pagkain, kung minsan nakakalimutan natin na hindi lahat ay maaaring kainin kung tayo ay mayroong food allergy.
Ang karaniwang sintomas ng food allergy ay ang pagkakaroon ng rashes, pangangati, pagbabara ng ilong, pamumula ng mga mata, at pagkasira ng tiyan. Ngunit, kapag malala ang kondisyon, maaaring makaranas ng mas malulubhang sintomas.
Upang makaiwas dito, ating alamin ang mga pagkaing karaniwang nagdudulot ng allergy.
Isda at iba pang lamang dagat
Karamihan sa mga taong may food allergies ay hindi hiyang sa isda at shellfish. Marami sa mga kaso ay naramdaman ang allergy nung sila ay tumapak na ng adulthood. Kapag ikaw ay allergic sa isda, hindi ibig sabihing allergic ka rin sa shellfish at iba pang lamang dagat.
Lingid sa kaalaman ng iba, ang allergens ng isda ay nahahanap sa mga protina ng balat, samantala ang sa shellfish naman ay nasa kanilang shell at mga protina ng kalamnan. Bukod sa pag-iwas sa isda at lamang dagat, basahin ang mga label ng mga de-lata pati mga pangkaraniwang produkto gaya ng medisina, cosmetics, at mga lotion.
Itlog
Photo from Pixabay
Nakararami sa mga taong allergic sa itlog ay mga bata, ngunit ito ay puwedeng mawala sa kanilang pagtanda. Ang reaksyon ng katawan na hindi hiyang sa itlog ay kadalasang malumanay lamang at naidadaan sa pag-inom ng gamot na antihistamine.
Tatlo sa mga proteins na nahahanap sa egg white -- ang ovomucoid, ovalbumin, at conalbumin – ay ang kadalasang nagbibigay ng masamang reaksyon sa mga taong hindi hiyang sa pagkonsumo nito. Maliban dito, maaaring maging sanhi din ng food allergy ang egg yolk at balahibo at karne ng manok at iba pang katulad na ibon.
Gatas
Ang gatas ay masustansyang inumin na nagpapalusog sa mga bata. Sa kasamaang palad, karamihan sa mga allergic dito ay bata, ngunit marami sa kanila ay madadaig ang kondisyon sa pagpasok ng kanilang mid-teens.
Kadalasang ipinapainom sa mga sanggol ang gatas kaya dapat maging alerto sa mga sintomas ng milk allergy. Kapag ang iyong anak ay nakaranas ng pangangati, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at pagkakaroon ng dugo sa dumi, agarang itigil ang pagpapainom ng gatas at dalhin ang bata sa ospital.
Mangga
Ang mangga ay masarap, masustansya, at paborito ng maraming Pilipino. Sa kasawiang palad, ang matamis na prutas ay isa sa mga pangkaraniwang pinagmumulan ng food allergy. Isang kemikal na nahahanap sa balat ng mangga, ang urushiol, ay nagdudulot ng mga allergic reaction. Ito rin ay maaaring mahanap sa ibang prutas at mga gulay tulad ng peras, carrots, mansanas, at mani.
Mani, legumes, at iba pang uri ng nuts
Photo from Pixabay
Kasama ang allergy sa gatas, shellfish, at itlog, ang allergy sa mani at iba pang nuts ay mapanganib at maaaring magdulot ng anaphylaxis - isang nakamamatay na kondisyon na maaaring nagdudulot ng hirap sa paghinga, mabilis na pagtibok ng puso, pagkahilo, pananakit ng tiyan, diarrhea, at cardiac arrest.
Kadalasan ay pang-habang-buhay ang peanut allergy, gayun din ang alerhiya sa iba pang nuts at legumes, ngunit mga 20% ng mayroon nito ang nadadaig ang kondisyon. Ang paggagamot sa aksidental na pagkonsumo nito ay kailangang mabilis upang hindi lumala ang karamdaman. Epinephrine ang irinereseta laban sa alerhiyang ito.
Hindi madaling iwasan ang mani at iba pang nuts at legumes. Basahing mabuti ang label ng mga bagay, gamot, at pagkain na binabalak bilhin dahil maaaring mayroon itong mani. Karaniwang hinahalo ang mga ito sa mga sarsa, cookies, malapot na sabaw, at salad dressing. Kung hindi sigurado, magtanong sa nagbebenta, magsaliksik sa internet, o konsultahin ang iyong doktor.
Maliban sa mga nabanggit na pagkain, bantayan din ang reaksyon ng katawan sa soy, mais, karne, spices, at gelatin. Huwag mag-atubiling lumapit sa iyong doktor para madaliang mabigyan ng lunas ang food allergy.
Sources:
http://www.allergy.org.au/patients/food-allergy/food-allergy
http://acaai.org/allergies/types/food-allergies/types-food-allergy/fish-allergy
http://acaai.org/allergies/types/food-allergies/types-food-allergy/egg-allergy
http://acaai.org/allergies/types-allergies/food-allergy/types-food-allergy/milk-dairy-allergy
foodallergysurvive.com/mango-allergy/
http://acaai.org/allergies/types/food-allergies/types-food-allergy/peanut-allergy