Alamin kung ano ang Arthiritis
Ang salitang Arthritis ay mula sa Greek word na ang ibig sabihin ay namamagang kasukasuan. Ang kasukasuan ng tao ay may cartilage. Ito ang natural na unan o cushion na nasisira o napupudpod sa katagalan. Ang cartilage ang humahadlang sa mga buto para hindi ito magkiskisan sa isa't isa. Kaya masakit para sa mga taong may arthritis ang kumilos dahil kapag nagbangga ang mga buto na walang cartilage, masakit ito.
Ang Arthritis ay hindi lang isang klase ng sakit. Hindi lamang kasu-kasuan ang naaapektuhan nito kundi pati na rin ang kalamnan, buto, at litid. Mayroong ibang uri ng arthritis na maaaring makaapekto sa internal organs, balat, mata, puso at baga. Ayon sa Center for Disease Control and Prevention, 52.5 milyong tao ang sinasabing may arthritis. Karaniwan ang sakit na ito sa mga taong may edad higit 65 pataas ngunit kahit bata ay maaaring dapuan ng kondisyon na ito. Ayon sa pag-aaral, 60% ng lahat ng taong may arthritis ay babae.
Ang sanhi na arthritis ay depende sa kung anong klase ito. Mayroong ibang nagkakaroon ng sakit na ito dahil sa injury, abnormal metabolism, namamana sa kamag-anak, impeksyon o di kaya’y problema sa immune system. Ayon sa ilang pananaliksik, maaaring magkaroon ng arthritis ang mga taong naninigarilyo, labis ang katabaan at nakaranas ng pagsasalin ng dugo.
Tatlong Warning Signs ng Arthritis
- Sakit. Ang sakit na dulot ng arthritis ay maaaring permanente o pawala-wala. Maaaring sa iisang lugar lang ang masakit o di kaya’y sa maraming parte ng katawan.
- Pamamaga. Ang ibang klase ng arthritis ay nagdudulot ng pamumula at pamamaga ng balat kung nasaan ang apektadong kasukasuan.
- Paninigas. Sa ilang uri ng arthritis, ang pasyente ay nahihirapang gumalaw pagkagising sa umaga o pagkatapos umupo ng matagal.
Tamang Diet
Napakaimportante ng pagkain sa buhay ng isang taong may arthritis. Ang pagdagdag ng timbang ay labis na nakakaapekto sa kundisyon dahil ang taba sa katawan ay naglalabas ng leptin, isang hormone na nagpapalala ng pamamaga sa rayuma. Kung kaya’t isa sa mga ipinagbabawal na pagkain ay ang red meat kasama ng mga pagkaing mataas sa sugar, mga gulay na tinatawag na ‘nightshade’na mayroong kemikal na tinatawag na solanine at mga processed food. Mainam para sa mga taong may arthritis ang isda, mani, prutas, gulay, beans, seeds, olive oil, whole grains at mga pagkaing mayaman sa calcium.
Ang paggamot sa arthritis ay kombinasyon ng paginom ng gamot, ehersisyo, tamang pagkain at pagbago sa lifestyle.
Mayroong ibang uri ng arthritis gaya ng Lyme arthritis na nagagamot ng antibiotics, ngunit walang gamot na lunas sa lahat ng klase ng arthritis. Ang gamot sa arthritis ay para lamang mawala ang sakit at sintomas na nararamdaman ng pasyente, pigiliang lumala ito at bawasan ang damage sa mga kasu-kasuan.
Inirerekomenda para sa mga taong may arthritis ang pagsailalim sa physical therapy. May iba’t-ibang uri ng therapy na tumutulong sa mga pasyente na mabuhay ng normal kahit may arthritis. Ayon sa pag-aaral, ang tamang ehersisyo ay makatutulong at hindi makakapagpalala ng arthritis. Karaniwan ng mga taong may ganitong sakit ay natatakot mag ehersisyo dahil sa sakit na dulot nito, ngunit ang tuloy-tuloy na ehersisyo ay isang epektibong paraan para maibsan ng pang matagal ang mga sintomas.
Sources: