Joint pain, knee pain, at finger pain ay kabilang sa mga karaniwang nararamdaman ng taong may arthritis. Mahirap gampanan ang mga normal na kilos dahil pinatitigas ng karamdaman ang mga kasukasuan at kung minsan sinasamahan pa ito ng pamamaga. Kailangang makakuha ng gamot sa arthritis nang maaga, bago pa ito magdala ng karagdagang pinsala sa mga kasukasuan.
Ang pagkontrol sa arthritis ay nakasentro sa pagpapawala ng mga sintomas at pagpigil sa patuloy na pagkasira ng mga kasukasuan. Nakokontrol ito sa kombinasyon ng gamot, pagbabawas ng timbang, at mga simpleng exercise. Ating talakayin ang mga ito.
Gamot sa pananakit at pamamaga
Dahil nagdadala ng matinding joint pain ang arthritis, maaari kang uminom ng mga pangkaraniwang pain reliever tulad ng acetaminophen at tramadol. Kung namamaga ang mga kasukasuan, piliin ang mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAID) gaya ng ibuprofen at naproxen sodium.
Upang makaiwas sa mga side-effect at komplikasyon, kumonsulta sa iyong doktor. Kanyang aalamin ang mga pinaka-angkop na gamot sa arthritis base sa iyong kaso. Pumunta sa pagamutan kapag hindi pa rin nawawala ang mga sintomas sa loob ng 10 araw.
Mga corticosteroid
Para sa matitinding kaso ng rheumatoid arthritis, kung saan ang immune system ang nagdadala ng pinsala sa mga kasukasuan, maaaring uminom ng corticosteroid (prednisone o cortisone). Tumutulong ang nasabing gamot sa arthritis sa pagpapawala ng maga at pinipigilan nito ang immune system sa pag-atake sa mga kasukasuan. Malakas ang epekto ng gamot kaya siguraduhing inumin ito sa tamang dosage.
Hyaluronic acid
Kung malubha ang knee pain maaaring turukan ang tuhod ng hyaluronic acid, na nagpapaluwag sa mahihigpit at matitigas na kasukasuan. Pinipigilan din nito ang tuluyang pagkasira ng mga joints na dala ng osteoarthritis at rheumatoid arthritis.
Operasyon sa kasukasuan
Maaaring hindi na tumalab ang mga karaniwang gamot sa arthritis kapag malubha ang kaso. Sa ganitong kalagayan, kinakailangan ang operasyon sa mga apektadong bahagi ng katawan. Gamit ang mga instrumento sa ospital, maaaring ayusin ng doktor ang mga kasukasuan na bahagyang nasira, palitan ng artificial joints kung malubha ang pinsala, at pagdikitin ang mga kasukasuang napatid.
Acupuncture
Ang acupuncture ay isang uri ng treatment kung saan itinuturok ang mga karayom sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Maaring makaramdam ng panandaliang sakit dahil sa tuloy-tuloy na pagturok ng karayom, ngunit mawawala ito – kasama ang pananakit sa kasukasuan – dahil sa paggawa ng endorphins ng katawan. Ang endorphins ang tinaguriang “natural pain killer” ng katawan.
Mga simpleng exercise
Malaki ang nagagawa ng pag-eehersisyo sa mga taong may arthritis. Pinalalakas at pinatitibay nito ang mga kasukasuan; tumutulong ito sa pagpapaluwag ng masisikip na kasukasuan; nakakababa ito ng timbang; at nagpapaganda ng kalusugan. Magandang uri ito ng non-medical intervention laban sa nasabing karamdaman, basta hindi malubha ang iyong kondisyon.
Hindi kinakailangang gawin ang mga nakakapagod na ehersisyo, lalo na kung malubha ang kaso ng arthritis. Sapat na ang mga simpleng exercise tulad ng swimming, paglalakad, pagba-bike, at pagbubuhat ng magagaan na weights.
Maaaring konsultahin ang iyong doktor bago pumili ng exercise upang makasiguro na hindi nito mapapalala ang iyong kondisyon. Sabayan ang ehersisyo ng weight loss diet dahil ang labis na timbang ay nagdudulot ng pinsala sa mga kasukasuan, na siyang sanhi ng arthritis.
Ngayong alam mo na kung papaano kontrolin ang mga sintomas ng arthritis, makakakuha ka na rin ng ginhawa sa mga epekto ng nasabing karamdaman. Panatilihing mababa ang timbang at malakas ang katawan upang makaiwas sa pagbabalik ng mga sintomas. Kapag nanumbalik ang pananakit, paninigas, at pamamaga ng mga kasukasuan, konsultahin agad ang iyong doktor upang agad na mabigyan ng lunas ang mga ito.
Sources:
http://www.medicalnewstoday.com/articles/7621.php?page=3#treatments_for_arthritis
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/arthritis/diagnosis-treatment/treatment/txc-20169117
http://www.nhs.uk/conditions/rheumatoid-arthritis/Pages/Introduction.aspx
http://www.nhs.uk/conditions/Corticosteroid-(drugs)/Pages/Introduction.aspx
http://www.webmd.com/vitamins-supplements/ingredientmono-1062-hyaluronic+acid.aspx?activeingredientid=1062&activeingredientname=hyaluronic+acid
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/arthritis/diagnosis-treatment/treatment/txc-20169117
http://www.webmd.com/rheumatoid-arthritis/guide/arthritis-acupuncture#1
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/arthritis/in-depth/arthritis/art-20047971
Images from Pixabay