Chronic Series: 5 Common Myths Tungkol sa Asthma

April 09, 2017

Isa sa walong Pilipino ay may asthma, isang chronic na kondisyon na nakakaaapekto sa milyun-milyong tao sa buong mundo. Ayon sa isang pag-aaral noong 2013, 10.7 milyong Pilipino ang may asthma o hika sa bansa.

Ang hika ay isang kondisyon kung saan namamaga ang bronchial tubes na nagdudulot para sumikip ang daanan ng hangin sa baga. Dahil sa pagsikip ng daluyan ng hangin, ang isang taong may hika ay nahihirapan sa paghinga, naninihikip ang dibdib, umuubo at hinihingal. Wala pang gamot na makapagpapagaling sa mismong hika, ang tanging nagagawa lamang ay kontrolin ang mga sintomas na nararanasan.

Ang hika ay isang karaniwang health condition lalo na sa Pilipinas, kung kaya't mahalagang malaman ang mga tamang impormasyon tungkol dito. Narito ang limang common misconceptions sa hika.

Myth: Nawawala ang asthma kasabay ng pagtanda.

Fact: Kasabay ng pagtanda, nagbabago ang mga sintomas ng hika. Nawawala minsan ang mga ito habang nasa puberty stage, ngunit bumabalik din dahil sa mga bagay sa paligid na nakakapag-trigger sa asthma. Sa isang pag-aaral sa Arizona, 2/3 ng mga taong nagkaroon ng hika sa edad na 22 ay nakaranas na ng 'wheezing' o paghingal noong sila'y tatlong taong gulang pa lamang.

Myth: Ang mga taong may hika ay hindi dapat nag-eehersisyo.

Fact: Ang regular na pag-eehersisyo ay nirerekomenda sa mga taong may hika para sa ikabubuti ng kanilang kalusugan. Hangga't under control ang asthma, ayos lang na maging physically active. Sa katunayan, importanteng laging mag-ehersisyo ang mga taong may hika para maiwasan nilang maging obese dahil mas mahirap i-control ang hika ng taong obese o overweight at mas liliit ang bisa ng gamot sa kanila. Ang pag-eehersisyo din ay nakakatulong para mag-improve ng lung function at kakayanang huminga. Mahalagang kumonsulta sa doktor para sa naaayon na ehersisyo.

undefined

Myth: Kailangan lang uminom ng gamot para huminto ang asthma attack

Fact: Nirerekomenda ng National Heart, Lung and Blood Institute na laging uminom ng long-term control medication araw araw. Kahit hindi lumalabas ang sintomas ng hika araw araw, hindi ibig sabihin ay wala ng inflammation sa daanan ng hangin. Pinababa ng pang matagalan na gamot sa hika ang inflammation. Kung mababa ang inflammation, mas mababawasan ang pagiging sensitibo ng daanan ng hangin. Ang gamot sa asthma ay depende sa klase ng asthma na mayroon ang isang tao.

undefined

Maaaring makalimutan o hindi gustuhing uminom ng gamot kung maganda ang pakiramdam, kaya't mahalagang gawing parte ng daily routine ang pag-inom nito. Ayon sa pag-aaral, mas ginagamit ng isang taong may asthma ang inhaler kung ito ay nakalagay sa CR o sa tabi ng kama.

Myth: Hindi nakaka apekto ang paninigarilyo sa asthma.

Fact: Mataas ang tsansa na magkaroon ng hika ang mga taong naninigarilyo samantalang ang mga taong may asthma na naninigarilyo ay may mas mababang lung function at mas mababang response sa kanilang gamot. Ayon sa isang survey, higit 40% ng naninigarilyo na may hika ang hindi naniniwala na nakakaapekto ang sigarilyo sa kanila kalusugan. Ang usok ng sigarilyo ay isa mga maaaring mag trigger ng asthma.  

Myth: Ang asthma at allergy ay parehas.

Fact: Ang mga sintomas ng asthma ay halos kaparehas ng allergic reaction, ngunit sila ay magkaiba. Magkaiba ang paraan kung paano lumalabas ang sintomas ng hika at allergy at ang history sa likod nito. Ayon sa isang pag-aaral, 50% ng kaso ng hika ay linked sa allergies.

Sources:

  • http://www.rappler.com/brandrap/health-and-self/110002-managing-asthma
  • http://www.buhayofw.com/medical-advice/other-diseases-of-ofws/asthma-o-hika-sintomas-lunas-gamot-sanhi-paano-maiwasan-53504b9062468#.WMT7f3N97C8
  • http://kalusugan.ph/mga-kaalaman-tungkol-sa-hika-o-asthma/
  • http://www.webmd.com/asthma/understanding-asthma-basics
  • http://www.everydayhealth.com/news/common-myths-about-asthma/
  • https://www.practo.com/healthfeed/6-golden-rules-for-endurance-for-athletes-26496/post
  • http://www.caageorgia.com/Blog/2016/July/5-Common-Asthma-Myths-Debunked.aspx
  • https://asthma.net/basics/myths-misconceptions/
  • http://blog.uvahealth.com/2012/09/26/seven-asthma-myths-and-facts-you-need-to-know/ http://www.co.imperial.ca.us/index.asp?fileinc=countyevents&newsnumber=186