Ang asthma o hika ay isang kondisyon kung saan namamaga ang daanan ng hangin, na siyang nagdudulot ng hirap sa paghinga, pagiging hapo, at matinding pag-ubo. Matindi ang hirap na dinadanas ng taong may hika kaya mahalagang malaman ang mga sanhi o trigger nito. Importante ang pagkakaroon ng rescue medication sa lahat ng oras.
Kung may kasaysayan ng hika ang iyong pamilya, dapat maging alerto sa mga reaksyon ng katawan kapag napalapit o nakasagi ng mga sanhi ng nasabing sakit. Ating talakayin ang mga ito.
Alikabok
Ang mga airborne substances tulad ng pollen, dust mites, dust particles, dumi ng mga ipis, amag o “mold spores” ay ilan sa mga pinaka-karaniwang sanhi ng hika. Upang maiwasan ang mga ito, panatilihing malinis ang iyong kapaligiran. Huwag kaligtaang linisin, labhan, i-disinfect, o gamitan ng vacuum ang upholstery, lalo na ang ilalim ng kama, unan, sofa, at iba’t-ibang lugar kung saan pwedeng maipon ang alikabok.
Makakabuti ring masinagan ng araw ang bahay pati ang pagkakaroon ng maayos na daloy ng hangin sa loob ng iyong silid. Nakakatulong ang mga ito para hindi mamuo ang amag sa kisame at iba pang tagong parte ng bahay.
Usok
Dahil sa malalang polusyon sa lungsod, maraming inaatake ng hika habang nasa biyahe. Ang alikabok, dumi sa hangin ang fumes o singaw mula sa mga truckk, bus, lumang sasakyan, at pabrika ay hindi lamang nagdudulot ng hika. Ang mga ito ay sanhi rin ng iba’t-ibang uri ng respiratory diseases.
Kung usok ang trigger ng iyong hika, makabubuting gumamit ng face mask habang bumabiyahe sakay ng mga open-air bus, jeep, at motorsiklo. Nakagiginhawa rin pumirme sa probinsya o sa mga lalawigang walang gaanong sasakyang nagbubuga ng usok.
Paninigarilyo
Hindi mahirap maintindihan kung bakit masama sa baga ang paninigarilyo. Ang usok na dala ng sigarilyo ay nagiging sanhi ng hika at iba pang sakit sa baga. Madalas hindi nararamdaman kaagad ng smoker ang masamang epekto nito sa paghinga. Ngunit sa pagtanda, maaari siyang dapuan nang sari-saring karamdaman.
Mapanganib din ang paglanghap ng sigarilyo para sa mga non-smoker dahil ito ay nagdudulot ng biglang pag-atake ng hika.
Tigilan ang paninigarilyo at umiwas ka sa mga naninigarilyo. Kung hindi mo ito maiwasan, magbaon ka ng inhaler saan ka man pumunta. Magdala rin ng gamot sa hika, gaya ng salbutamol kung ikaw ay lalabas.
Malamig na hangin
Mas marami ang hinihika tuwing lumalamig ang panahon. May ilan ding hinihika dahil sa lamig ng aircon o pag nakaranas ng pabago-bagong panahon. Upang maka-iwas sa sakuna, maaaring uminom ng kape dahil pinapaluwag nito ang daluyan ng hangin sa ating katawan.
Kung hindi maiiwasan ang lamig ng panahon, bumili ng mga angkop na kasuotan, mag-ehersisyo sa loob ng bahay, uminom ng kape, at laging dalhin ang gamot sa hika.
Stress
Hindi lang external at environmental factors ang nagdudulot ng hika. Ang stress at mabibigat na emosyon tulad ng sobrang galit o lubos na pag-iyak ay maaaring pagmulan ng hika. Kung ikaw ay may asthma, ugaliing magpakalma tuwing nakararanas ng paninikip ng dibdib at pagkabigat ng pakiramdam nang dahil sa emosyon. Humanap ng oras para magpahinga kung ikaw ay laging subsob sa trabaho.
Pagkain ng preservatives
Maaari ring mag-trigger ng hika ang mga preservatives sa pagkain o inumin. Kung may history ng hika ang iyong pamilya, piliin ang iyong pagkain at magkaroon ng balanced diet. Malaki ang maitutulong ng healthy eating sa iyong kalusugan bukod sa pag-iwas sa hika.
Maliban sa mga natalakay na sanhi, ang hindi lubos na pagkontrol sa hika ay nakaka-apekto sa pag-eehersisyo. Karaniwang mabuti sa katawan ang ehersisyo, ngunit nagdudulot ito ng atake kung hindi maayos na napigilan ang mga sintomas ng karamdaman. Huwag kakalimutang uminom ng gamot sa hika at kumonsulta sa doktor tuwing kinakailangan upang makabalik sa pagkakaroon ng healthy lifestyle.
Sources:
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/asthma/basics/causes/con-20026992