Chronic Series: Healthy Living Tips para sa May Diabetes

January 13, 2017

 

Ang diabetes ay maraming delikadong komplikasyon kapag ito ay hindi nakontrol. Ang pananatili ng mataas na blood sugar level ay nagdudulot ng sakit sa bato, stroke, heart disease, at pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan gaya ng paa, kamay, at mata. Huwag mabahala dahil ang pagkakaroon ng healthy living ay mainam na gamot sa diabetes.

 

Maaaring makontrol ang nasabing sakit sa pag-kain ng tamang diet, pagbabawas ng timbang, at pag-eehersisyo. Upang mas maintindihan, narito ang ilang healthy living tips.

 

Mga pagkain na dapat iwasan ng diabetic

 

Ang unang dapat pagtuunan ng pansin kung ikaw ay may diabetes ay ang iyong kinakain. Dahil mataas ang iyong blood sugar, dapat limitahan ang konsumo sa mga pagkaing maraming asukal. Hindi naman kinakailangang iwasan ang sweets at mga dessert nang tuluyan; dapat lamang limitado at kontrolado ang konsumo. Bukod dito, ano pa ba ng dapat mong limitahan o iwasan?

 

  • Trans fats – baked goods, processed food, margarine, at mga katulad na pagkain

  • Cholesterol foods – sisig, atay, lamang-loob, pula ng itlog, matatabang karne, dairy products na high fat

  • Saturated fats – matatabang karne (hotdog, bacon, beef steak, hamburger, etc) at mga dairy products na maraming taba

  • Asin at sodium – maaalat na pagkain gaya ng mga piniritong biyanda

 

Mga pagkain para sa diabetic

 

Sa halip na lagiang kumain ng mga pagkaing maalat, mataba, at maasukal, piliin na lamang ang mga pagkaing mataas sa fiber tulad ng gulay, prutas, oats, at tinapay na whole grain. Nakakatulong sa pagpapababa ng blood sugar ang mga nasabing pagkain.

 

Maliban dito, paglaanan ng malaking bahagi ng iyong meals ang mga pagkaing maraming good fat tulad ng avocado, nuts, olives, saka whole milk. Mabuti rin ang mga pagkaing nagtataglay ng healthy protein gaya ng yogurt (unsweetened), beans, gatas, keso, at egg white.

 

undefined

 

 

Ehersisyo para sa diabetic

 

Malaking parte ng healthy living ang ehersisyo. Nakakatulong ito sa pagbabawas ng timbang at pagkontrol ng blood sugar. Tandaan na ang pagiging overweight ay nagko-contribute sa diabetes at sanhi ng maraming karamdaman. Upang makontrol ang iyong sakit, mainam ang 30 minutes na ehersisyo kada araw.

 

Kung mag-eehersisyo, maganda kung pagsamahin ang aerobic exercises (jogging, walking, o dancing) sa mga ehersisyong nagpapalakas ng muscles tulad ng weightlifting, push-ups, at yoga. Mag-stretching bago mag-ehersisyo para hindi mabigla ang katawan at maka-iwas sa injury.

 

Bantayan ang paa ng diabetic

 

Isa sa mga pangunahing bahagi ng katawan na inaatake ng diabetes ay ang paa. Dahil nagdudulot ng pinsala sa blood vessels ang diabetes at pinipigilan ang wastong pagdaloy ng dugo, nagiging sanhi ang sakit ng mga komoplikasyon sa paa. Kabilang dito ang fungal infection, kalyo, ulcer sa paa, kulugo, matagal na paggaling sa mga sugat at impeksyon, at gangrene na nagreresulta sa pagputol sa paa.

 

undefined

 

 

Upang maiwasan ang mga ito, panatilihing malinis ang iyong paa, laging magsuot ng sapatos, at maging aktibo. Ang paggalaw sa toes at paa at pag-eehersisyo ng legs ay pinapaganda ang daloy ng dugo sa paa, na nakakatulong sa pag-iwas sa mga naitalang komplikasyon.

 

Wastong gamot sa diabetes

 

Maraming gamot sa diabetes ang maaaring ireseta sa iyo ng doktor ayon sa iyong kondisyon at hiyang ng katawan. Ang pangunahing gamot para sa type 1 ay insulin, dahil hindi na ito kayang gawin ng katawan. Para sa type 2 naman, maraming pinagpipilian ang doktor, at kasama dito ang metformin, sulfonylureas, meglitinides, SGL2 inhibitors, at mga katulad na oral medication.

 

Dahil hindi pareho ang reaksyon ng tao sa mga gamot pati ang antas ng diabetes, susuriin ng doktor ang iyong kondisyon upang maibigay sayo ang pinakaangkop na medisina. Kung hindi kaya ng iyong budget ang mga nireseta, maaaring magpunta sa generic drugstore. Doon ay makakakuha ka ng murang gamot sa diabetes na kasing epektibo ng “branded” sa pagpapabuti ng iyong karamdaman.

 

Sources: