Photo from Pixabay
Ang diabetes ay mapanganib na karamdaman na nagdudulot ng maraming komplikasyon. Bukod sa nakamamatay ito, ang sakit ay maaaring magdulot ng disability kapag ito ay hindi agarang makontrol. Ang labis na glucose o asukal sa dugo ay nagdadala ng pinsala sa organs, blood vessels, nerves, at iba pang parte ng katawan.
Hindi madaling mahalata ang diabetes sa mga unang yugto nito, kaya dapat maging alerto sa mga sintomas. Maaaring humantong sa mabibigat na komplikasyon kapag hindi kaagad nakatanggap ng wastong gamot at lunas. Ating talakayin ang masasamang epekto ng diabetes.
Malabong mata at pagkabulag
Ayon sa mga mananaliksik, ang diabetes ay isa mga nangungunang sanhi ng pagkabulag sa Estados Unidos. Ang kondisyong tinatawag na diabetic retinopathy ay nangyayari kapag ang mata at mga blood vessels nito ay patuloy na dinadaluyan ng dugong labis ang nilalalamang asukal. Nagdudulot ang asukal ng maraming komplikasyon sa mata, tulad ng pagkabulag, katarata, at glaucoma.
Kung hindi agarang maagapan ng diabetic retinopathy, maaring humantong sa blindness ang kaso ng pasyente. Dapat makainom agad ng maintenance medication para hindi lumala ang mga sintomas at makaiwas sa mga komplikasyon ng chronic disease. Magpatingin agad ng mata kung ikaw ay diabetes.
Malubhang foot sores
Photo from Pixabay
Dahil nagdudulot ng nerve damage ang diabetes, ang paa ay maaaring tubuan ng foot sores. Kapag malubha ang kaso, kinakailangang putulin ang paa, daliri ng paa, o kahit anong apektadong bahagi ng katawan upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon. Ang wastong pagkontrol sa komplikasyon ng diabetes at tamang pag-aalaga sa paa ay kinakailangan upang maibsan ang mga malubhang epekto ng karamdaman.
Sakit sa puso at blood vessels
Ang puso ang nagpapadala ng dugo sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Kapag ang dugo ay labis ang nilalamang asukal, ito ay maaaring magdulot ng mga problema sa puso at mga blood vessels. Diabetes ang isa sa mga sanhi ng atake sa puso, stroke, high cholesterol, high blood, at iba pang katulad na sakit. Nakamamatay ang ilan sa mga ito, kaya dapat makontrol ang diabetes nang maaga. Makakatulong ang iyong maintenance medication upang maiwasan ang mga ito.
Kidney failure
Sa Estados Unidos, diabetes ang isa sa mga nangungunang sanhi ng kidney failure. Napupuspos ang bato nang dahil sa mataas na level ng glucose sa dugo, na nagtutulay sa pagkasira ng blood vessels at ng mismong bato. Kapag hinayaan ang pinsala, kakailanganin na ng pasyente ang dialysis o kidney transplant upang makaiwas sa kamatayan.
Maaaring makaiwas sa kidney failure kapag uminom ng gamot na nagpapababa ng presyon ng dugo kahit na ikaw ay hindi high blood.
Nerve damage
Ang nerves ay napipinsala kapag matagal ang mga itong napalibutan ng maasukal na dugo. Kapag malubha na ang sitwasyon, ang diabetic ay maaaring makaramdam ng pananakit sa kamay, paa, at iba pang bahagi ng katawan. Nawawalan din ng pakiramdam ang ari at tumatagal ang proseso ng pagtunaw ng pagkain sa tiyan.
Upang makaiwas sa mga nasabing komplikasyon, sikaping pababain ang glucose levels ng dugo at iwasan ang paninigarilyo.
Mga sakit sa gilagid
Photo from Pixabay
Maski ang ating ngipin at gilagid ay hindi ligtas sa mga epekto ng diabetes. Maaaring magkaroon ng gingivitis at periodontis, na parehong nagdudulot ng pananakit, pagdurugo, at paglabas ng nana sa gilagid, bad breath, at pananakit at pagkatanggal ng mga ngipin.
Pagkatapos uminom ng gamot laban sa diabetes, maaaring mapagaling ang mga sakit sa gilagid gamit ang dental floss, mouthwash, at lagiang pagsisipilyo.
Marami mang komplikasyong dala ang diabetes, maaaring maibsan ang karamihan sa mga ito kung agad na magpatingin sa iyong doktor. Ikaw ay mabibigyan ng angkop na maintenance medication at papayuhan ng mabuting rehimen upang gumanda ang kondisyon. Kapag tuluyan nang nakontrol at napababa ang blood sugar, maaari ka nang mamuhayan nang masaya at malusog.