Mga Simpleng Ehersisyo Para sa mga May Sakit sa Puso

February 03, 2017

 

Karamihan sa mga sakit at karamdaman ay maaaring maiwasan o bahagyang napapabuti ng ehersisyo. Sa katotohanan, marami sa mga sakit ay may katapat na mga tamang ehersisyo, at hindi naaiba rito ang sakit sa puso. Ngunit tandaan na may mga limitasyon dapat ang pag-eehersisyo. Hindi pwedeng masyadong mabigat ang tungkulin at baka makasama ito sa iyong kondisyon.

 

Bago sumabak sa kahit anong workout, konsultahin muna ang iyong doktor. Kanyang aalamin ang estado ng iyong kondisyon at papayuhan ka kung gaano kabigat ang mga tungkulin na maaari mong gawin. Kung hindi malubha ang iyong kalagayan, ito ang ilan sa exercises na makabubuti para sa iyong katawan.

 

Walking

 

Ang paglalakad ay isa sa mga pinakamagagandang ehersisyo para sa may sakit sa puso dahil kontrolado mo ang tulin at intensity nito. Maaari mong isaayos ang mga ito nang ayon sa iyong kondisyon. Madali rin itong gawin at isama sa mga pang-araw araw na gawain. Kung kaya ng iyong katawan, umikot sa subdivision o labas ng bahay para malibang.

 

Pwede ring maglakad ng paulit-ulit sa hagdanan. Ang dagdag na presyon sa iyong lower body ay nakakapagpalakas ng iyong mga leg muscles at tatag ng katawan, at nakakatulong din ito sa pagbabawas ng timbang. Maaari ring bilisan ang kilos at paglalakad sa iyong pang-araw-araw na gawain para pawisan at mabawasan ang katawan ng taba at calories.

 

Swimming  

 

Masaya at nakaka-relax ang swimming. Hindi masyadong nakakapagod ito at kontrolado rin ang bilis at intensity ng ehersisyo. Isa rin itong aerobic activity kung kaya’t napapalakas nito ang iyong resistensya pati lahat ng bahagi ng iyong katawan. Kabilang dito ang puso at baga. Dahil sa dami ng stroke na mapagpipilian, maaari kang mag-concentrate sa ilang muscle groups na gusto mong palakasin.

 

Kung gusto mong maging mas masaya ang workout, maaari kang magsama ng mga kaibigan o kapamilya.

 

Light jogging

 

undefined

 

 

Kapag nasanay ka na sa paglalakad, maaring dagdagan ng intensidad ng ehersisyo at gawin itong light jogging. Mas nakapagbibigay ito ng lakas sa muscles at resistensya. Kung nagpapababa ng timbang, mas mabilis din itong nagdadala ng magandang resulta kumpara sa paglalakad.

 

Subalit, bago mag-light jogging, siguraduhin munang may pahintulot ito ng iyong doktor. Ang biglaang pagbigat ng tungkulin ay maaaring makaapekto sa iyong puso. Magsimula muna sa malumanay na jogging at sa maiikling distansya. Magdagdag na lamang kapag siguradong kaya mo na.

 

Cycling

 

Isa pang aerobic exercise ang cycling pero hindi tulad ng mga naunang suhestyon ay pwedeng gawin sa loob ng bahay kung mayroon kang stationary bike. I-ayon na lamang ang intensidad sa iyong nararamdaman. Maaari ka ring umikot-ikot sa labas ng bahay gamit ang tunay na bike, pero laging mag-iingat.

 

Ilang paalala

 

undefined

 

 

 

Bago sumabak sa mga tamang ehersisyo, tandaan na mag-warm up upang hindi mabigla ang iyong muscles. Tumutulong din itong sa pag-iwas sa injury. Pagkatapos ng ehersisyo, magkaroon din ng simpleng cool down exercises, gaya ng paglalakad at stretching, dahil binabawasan nito ang trabaho ng puso, na maganda para sa iyong kondisyon.

 

Kung makaramdam ng pagod, huwag mag-atubiling magpahinga at mag-break muna. Kapag masyadong mainit ang panahon, maaring ipagpaliban muna ang ehersisyo o gawin na lamang ito sa loob ng bahay, ganun din kapag masyadong malamig. Uminom din ng tubig para mapawi ang init at pagod ng katawan.  

 

Tandaan na ang iyong kaligtasan ang pinakamahalaga sa lahat. Sumangguni sa iyong doktor kapag may hindi magandang naramdaman habang nag-eehersisyo.  

 

Sources: