Tara, Takbo Tayo: 6 Benepisyo ng Running

September 26, 2016

Photo from Pixabay

 

Kasalukuyan, ang pagtakbo ay isa sa mga pinakasikat na paraan ng pag-eehersisyo, at hindi mahirap makita kung bakit. Masaya tumakbo dahil uso, masaya, at epektibo ito sa pagpapalakas ng katawan. Bukod dito, maganda tingnan ang running shoes at damit pang-ehersisyo sa pagsali sa mga marathon, fun run, at simpleng jogging bago at pagkatapos ng trabaho.

 

Sa katotohanan, marami pang benepisyo ang maaaring makuha sa pagtakbo. Ating talakayin ang mga ito.

Pampalakas ng buto at kasukasuan

Ang malimit na pagtakbo ay hindi lang nagpapaganda ng galaw ng mga kasukasuan, ito rin ay nagpaparami ng bone mass at maaaring mag-antala ng osteoporosis pati bone loss na kalakip ng pagtanda.

Marami ang nag-aakala na ang pagtakbo ay “nakasasama sa tuhod”. Ngunit base sa pagsasaliksik ng mga eksperto, mas matibay pa ang tuhod ng mga mananakbo kaysa sa pangkaraniwang taong hindi nag-eehersisyo.

Ayon sa isang interview ni David Felson, isang Boston University researcher, nadiskubre niya na mas malimit magkarayuma ang mga pasyenteng wala masyadong karanasan sa pagtakbo.

Pampatalas ng isip

 

Alam ba ninyo na ang pagtakbo ay magandang paraan upang dagdagan ang kapasidad ng ating isipan? Ayon sa isang pagsusuri na inilathala sa Psychonomic Bulletin & Review noong 2012, napatunayan na ang pagtakbo at pag-eehersisyo ay pinapatalas ang ating pag-iisip, lalo na sa larangan ng memorya, pag-imbak ng impormasyon, at maayos na pagpapalit-palit ng gawain.

Nagbibigay ng karagdagang drive at motivation

 

Photo from Pixabay

 

Para sa mga mahilig tumakbo, lalo na sa mga sumasali sa fun run, malaking achievement ang pagtapos sa mahirap na race course o ang pagkumpleto ng full marathon sa loob lamang ng ilang oras. Upang magawa ito, kinakailangan ang matinding dedikasyon at tiwala sa sarili.

Sa simula, maaaring hindi mo kaagad maabot ang kagustuhang distansya dahil sa kapaguran. Ngunit sa tuluyang pag-eensayo, tulong ng iyong coach, at sariling dedikasyon, makukuha mo ang lakas para tapusin ang marathon. Gaganda rin ang iyong mga oras habang patuloy kang nagsasanay. Karamihan sa mga mananakbo ay nabigla na kaya pala nilang takbuhin ang malalayong distansya nung sila ay nagsisimula pa lamang.

 

Nakakatulong sa pag-iwas sa mga seryosong sakit

 

Kalimitang sinasabi ng mga doktor at fitness trainer na importante ang ehersisyo sa pangangalaga ng kalusugan. Bukod sa pinapalakas ng running ang katawan, pinapatibay din nito ang ating immune system.

Tumutulong ang pagtakbo sa pag-iwas sa mga karamdaman gaya ng high blood, diabetes, stroke, breast cancer, at atake sa puso.

 

Nagpapaganda ng mood

Ang pagtakbo ay isang paraan ng pag-alaga sa ating damdamin. Habang tumatakbo, ang katawan ay gumagawa ng endorphins, isang kemikal na nag-iimpluwensiya ng kasayahan at pagiging “on the go.” Nilalabanan nito ang depression, stress, anxiety, at iba pang negatibong emosyon. Nakakagaan din ito ng loob, kaya kalimitang maligaya ang mga runner pagkatapos tumakbo.

Ang endorphins ay nakakadagdag din ng gana sa mga pang-araw-araw na gawain, kaya maraming tao ang tumatakbo o nagja-jogging bago pumasok sa trabaho.

 

Nakakababa ng timbang

 

Photo from Pixabay

 

Isa sa mga pangunahing rason kung bakit sumikat ang running ay dahil sa kakayahan nitong magtanggal ng body fat. Maraming calories ang nasususunog sa bawat takbo, maging sa pag-eensayo o opisyal na marathon, kung kaya hindi mabibilang ang dami ng napapayat ng nasabing ehersisyo. Makakaiwas ka sa obesity kapag ikaw ay seryoso sa pagtakbo, na siyang sanhi ng maraming malulubhang karamdaman.

Bukod sa pagpapapayat, nakakatulong din ito sa pagbuo ng muscles. Lalakas ang iyong katawan at tataas ang iyong kumpiyansa dahil dito.

Sadyang maraming benepisyo ang pagtakbo, ngunit huwag kakalimutang mag-stretching bago sumabak dito. Kinokondisyon ng pag-uunat ang katawan para sa mabigat na tungkulin. Kumuha rin ng sapat na hydration para tumagal sa takbuhan, at bumili ng running shoes na may tamang suporta sa paa at katawan upang makaiwas sa pinsala.

Sources:

https://baldrunner.com/2015/08/11/2nd-running-boom-in-the-philippines/

http://www.runnersworld.com/general-interest/runners-have-much-healthier-knees-than-scientists-thought

http://www.npr.org/2011/03/28/134861448/put-those-shoes-on-running-wont-kill-your-knees

http://www.springer.com/about+springer/media/springer+select?SGWID=0-11001-6-1398641-0

http://www.active.com/running/articles/6-benefits-of-running

http://www.webmd.com/depression/guide/exercise-depression

http://www.runnersworld.com/start-running/6-ways-running-improves-your-health/slide/1