Photo courtesy of stevepb via Pixabay
Sa panahon natin ngayon, hindi maiiwasan ang magkasakit. Ngunit bago isipin ang madaliang paggaling, mas makabubuting suriin muna ang mga gamot na bibilhin upang makasigurado na mabisa at cost effective ito.
Makabubuting alamin ang mga hakbang na pwedeng gawin at mga impormasyong dapat malaman bago bumili sa botika.
1. Bumili lamang sa mga mapagkakatiwalaang drug outlets
Sinasabing mapanganib sa ating kalusugan ang umasa sa mga gamot na ipinagbibili sa mga sari-sari store at iba pang hindi lisensyadong establishments na nagbebenta ng mga gamot. Walang kasiguraduhan na ligtas ang gamot na iyong mabibili sapagkat maaaring expired na ito o kaya naman ay mali ang naibigay sa’yo. Delikado ring makabili ng gamot na peke at may hindi tamang ingredient.
Kung sakaling nagkaroon ng side effect o hindi magandang epekto sa katawan ang nabiling gamot, siguraduhing magpasuri agad sa doktor.
2. Kumonsulta sa doktor bago bumili o uminom ng anumang gamut
Bagama’t madali na ang mag-search sa internet ng mga gamot para sa iba’t ibang uri ng sakit, mas makabubuting iwasan natin ang self-medication. Ito ay maaaring makapagdulot sa atin ng kapahamakan.
Ugaliing kumonsulta muna sa doktor at sundin ang kanilang prescription. Sa pamamagitan nito, makasisigurong ligtas at epektibo ang gamot na iyong mabibili at iinumin.
Photo courtesy of DarkoStojanovic via Pixabay
3. Suriin ang bibilhing gamut
May mga sangkap ang gamot na maaaring mag cause ng allergy kaya’t siguraduhing na-check mo ang mga ito. Mahalaga rin na alamin ang tamang dosage ng gamot na bibilhin.
Kung sakaling may mga katanungan tungkol sa gamot, huwag mahihiyang magtanong sa doktor. Tiyakin din na alam mo ang iba pang impormasyon ukol sa naturang gamot. May mga branded na gamot na may generic counterpart. Itanong din ito sa doktor upang makatipid. Kapag malinaw na ang lahat tungkol sa gamot, maaari mo na itong bilhin.
4. Ihanda ang listahan ng gamot bago magtungo sa botika
Bago tuluyang bumili, mas makabubuting ihanda ang listahan ng iyong mga bibilhin. Siguraduhin na dala-dala mo ang reseta ng doktor. Siguraduhin din na may dalang sapat na halaga ng salapi upang hindi mabitin at mabili ang lahat ng gamot na iyong kailangan.
5. Alamin ang dahilan ng pagbili ng gamut
Alalahanin na mahalaga ang bawat gamot na bibilhin sapagkat dito nakasalalay ang paggaling o paglala ng sitwasyon ng iinom nito. Siguraduhin na ang gamot na bibilhin ay epektibo at akma sa sakit.
Photo courtesy of DarkoStojanovic via Pixabay
Maging mapanuri sa bawat gamot na bibilhin mula sa pangalan nito, sangkap, label, presyo, at lugar kung saan mo ito bibilhin. Ang bawat gamot ay magkakaiba ng epekto sa ating katawan kaya’t hindi natin dapat ipagsawalang bahala ang mga bagay na ito. Mas makabubuting kumonsulta sa doktor at hingin ang kanilang payo bago gumawa ng hakbang.
Ang mga inilahad sa itaas ay pawang mga gabay lamang sa tamang pagbili ng gamot.