Hindi masaya magkaroon ng gout attack. Kaakibat nito ang matinding pananakit ng katawan, hirap sa paggalaw, at pagkasira ng mga kasukasuan. Nakaka-apekto ito sa pang-araw-araw na pamumuhay kaya dapat itong makontrol bago pa lumala ang mga sintomas.
Labis na dami ng uric acid sa dugo ang pangunahing sanhi ng gout, at ito ay namumuo dahil sa purine, isang kemical na matatagpuan sa iba’t-ibang uri ng pagkain at inumin gaya ng alak, lamang-loob, at matabang karne. Ating talakayin ang mga pagkaing dapat mong iwasan.
Lamang-loob
Ang madalasang pagkain ng lamang-loob ay isa sa mga pangunahing sanhi ng gout. Ito ay maaring magdulot ng madaliang pag-usbong ng mga sintomas ng nasabing karamdaman. Naglalaman ng high purine ang lamang-loob na nagdudulot ng pamumuo ng mga kristal sa mga kasukasuan.
Iwasan ang mga pagkaing naglalaman ng atay, bituka, dila, puso, tripa, at utak. Kasama dito ang dinuguan, igado, lengua, papaitan, sisig, kare-kare at iba pang katulad na biyanda.
Red meat, pabo, gansa
Bawasan ang konsumo ng karne kapag nakaranas ng gout attack. Kapag umatake ang mga sintomas, iwasan ito nang pansamantala hanggang sa makontrol ang kondisyon. Mayaman sa purines ang karne, lalo na ang red meat. Mas maiging kainin ang white meat ng baboy.
Huwag kumain ng pabo at gansa dahil ang mga ito ang nagtataglay ng pinakamataas na lebel ng purines sa lahat ng klase ng pagkain. Piliin na lamang ang manok at pato. Maaring kainin ang hita ng manok, ngunit iwasan ang balat dahil sa high purine at fat content nito.
Maaari ring palitan ang karne sa iyong diet plan ng beans tulad ng red beans, munggo, at kidney beans. Ang mga ito ay masagana sa protein at hindi kasing mapanganib ng karne para sa may gout. Naglalaman man ito ng purine, madali naman itong natutunaw ng tiyan. Iwasan na lamang ang pagkonsumo nang labis.
Ilang isda at seafood
Ayon sa pagsusuri ng American College of Rheumatology, mas malaki ang probabilidad magkaroon ng gout ang mga taong mahilig sa seafood. Gayun din ang pagkakaroon ng gout attack. Nangyayari ito dahil sa mataas na lebel ng purines na taglay ng ilang uri ng lamang-dagat.
Ang mga dapat iwasan ay anchovies, bakalaw (codfish), hadok (haddock), mackerel, sardinas, tawilis, trout, itlog ng isda (roe), scallops, at tahong. Limitahin naman ang pagkonsumo sa alimasag, hipon, talaba, at ulang (lobster).
Fructose at asukal
Tulad ng purines, ang fructose ay maaring magpataas ng lebel ng uric acid sa katawan.
Maaari din itong magdulot ng isa pang sakit para sa mga may gout, ang hyperucimea, dahil pinahihirapan nito ang katawan ilabas ang uric acid.
Huwag kumain ng mga pagkaing sobrang tamis tulad ng cake, ice cream, soft drinks, at high fructose corn syrup. Umiwas din sa refined carbohydrates tulad ng white bread, white rice, at pasta dahil sa taglay na asukal ng mga ito.
Processed food
Iwasan ang mga pagkaing processed gaya ng tsitsirya, snack foods, at frozen meals. Kasama dito ang mga paboritong agahan tulad ng hotdog (naglalaman ito ng karne at lamang loob), bacon, nitrates, at mga pagkaing maraming asin. Bukod sa gout, nagdudulot din ang labis na pagkain ng mga ito ng sakit sa bato, diabetes, pagtaas ng blood sugar at iba pang malubhang karamdaman.
Beer
Totoong masarap uminom ng beer pagkatapos ng isang nakakapagod na araw, ngunit dapat itong iwasan kung ikaw ay mayroong gout. Mataas ang lebel ng purines ng nasabing inumin at sinasabing kapareho ang epekto ng pag-inom nito sa labis na pagkonsumo ng fructose. Mas magandang alternatibo ang wine, basta paunti-unti lamang ang pag-inom.
Marami mang limitasyon sa diet para sa taong may gout, marami pa ring natitirang masasarap na pagkaing maaaring kainin. Imbis na kumain ng red meat at lamang-loob, pwedeng bumuo ng sample menu na nilalalaman ang sumusunod: prutas, tinapay na hindi whole grain, mani, itlog, keso, at yogurt. Maaari ding kumain ng white meat basta hindi sobra.
Sources:
http://paleoleap.com/gout-forget-purines-skip-sugar/
http://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/nutrition-and-healthy-eating/in-depth/gout-diet/art-20048524
http://www.health.com/health/gallery/0,,20448674,00.html/view-all#red-meat-2
http://www.health.com/health/gallery/0,,20448674,00.html/view-all#turkey-2
http://goutandyou.com/gout-and-seafood/
http://www.everydayhealth.com/gout-pictures/what-not-to-eat-when-you-have-gout.aspx#04
http://paleoleap.com/gout-forget-purines-skip-sugar/
http://www.everydayhealth.com/gout-pictures/what-not-to-eat-when-you-have-gout.aspx#07
http://www.overcomepainwithdiet.com/gout-diet/
http://www.webmd.com/arthritis/tc/diet-and-gout-topic-overview
Image 1: Photo from Pixabay
Image 2: Photo from Pixabay
Image 3: Photo from Pixabay