Matters of the Heart: Tamang Pagkontrol sa Heart Disease

September 28, 2016

Photo from Pixabay

 

Ang coronary heart disease (CHD) o sakit sa puso ay wala mang permanenteng lunas, ngunit ang karamdaman ay maaaring makontrol kapag mayroong healthy lifestyle, bukod sa pag-inom ng gamot at pagsailalim sa mga angkop na medical procedure.

 

Upang magkaroon ng healthy lifestyle, kinakailangan ang wastong diet, pag-eehersisyo, at pagkonsulta sa doktor tuwing kinakailangan. Tiyak na mapapagaan ang mga sintomas ng karamdaman kapag ginawa ang mga sumusunod.

 

Medisina at mga medical procedure

 

Bago baguhin ang iyong lifestyle, konsultahin muna ang iyong doktor. Kanyang irereseta ang mga wastong gamot at maaari ka ring sumailalim sa isang operasyon kung grabe na ang iyong kondisyon. Papayuhan ka rin tungkol sa mga bagay, pagkain, at activities na dapat gawin at iwasan.  

 

Ang mga layunin ng treatment ay pagaanin ang mga sintomas, pigilan o alisin mga bara sa arteries at mga heart valve, pigilan ang pagbubuo ng blood clots na sanhi ng heart attack, at pag-iwas sa mga maaaring komplikasyon. Kapag nakontrol na ng gamot ang iyong sakit, maaari na tayong tumungo sa diet at ehersisyo.

 

Diet laban sa heart attack
 

Photo from Pixabay

 

Hindi sapat ang mga medical procedure sa pagkontrol sa sakit sa puso. Kinakailangan ang diet na nagpapababa ng blood pressure at blood sugar, nakakatulong sa pagpapapayat, at nagpapababa ng bad cholesterol level sa katawan. Ang isang uri ng diet na maaari mong gawin ay ang Dietary Approach to Stop Hypertension (DASH) diet.

 

Kumain ng maraming gulay, prutas, whole grains, at mga beans tulad ng sitaw at patani. Ang mga pagkaing galing sa halaman ay mayaman sa fiber at iba pang nutrients, na tumutulong sa pag-alis ng toxins at cholesterol sa katawan. Sa pagluto naman ng ulam, gumamit ng mantikang naglalaman ng monounsaturated fat - tulad ng olive at peanut oil - o polyunsaturated fat tulad ng soybean, corn, at sunflower oil.

 

Piliin ang hindi matatabang protina gaya ng lean na karne at isda. Ang mga isda tulad ng salmon, tuna, at mackerel ay mayaman sa omega-3 fatty acids na pinapababa ang panganib sa puso. Suriin din ang mga pagkukunan ng carbohydrates. Ang brown rice, oatmeal, at kamote ay ilang magandang halimbawa ng healthy carbs. Naghahatid sila ng fiber at nakakatulong sa pagkontrol ng blood sugar levels.

 

Mga pagkaing dapat iwasan

 

Mahalagang malaman ang mga pagkaing dapat iwasan dahil maaaring lumala ang sakit at ang mga sintomas na dala nito. Umiwas sa saturated fats, trans fats, at matatabang pagkain. Limitahan ang pagkonsumo sa red meat, full cream milk, chichirya, taba ng karne, keso, itlog, at mga pagkaing labis na maalat. Bawasan din ang pag-inom ng alak at umiwas sa paninigarilyo.

 

Mga angkop na exercise

 

Photo from Pixabay

 

Mahalaga ang exercise para sa mga taong may sakit sa puso dahil nakakababa ito ng cholesterol at taba, at nagpapalakas ng katawan. Ang mga aerobic exercises tulad ng walking, swimming, light jogging, o biking nang hindi bababa ng 30 minuto sa isang araw ay mainam lalo na sa mga nakatatanda.

 

Maaari ring mag-ehersisyo gamit ang resistance weight training, para sa mga taong malakas ang pangangatawan. Ang halimbawa nito ay ang pagbubuhat ng weights, push ups at squats, at mga weight machine sa gym. Dahil maaaring nakakapagod ang mga nasabing exercise, konsultahin muna ang iyong doktor bago sumabak sa mga ito.

 

Bago mag-ehersisyo, huwag kalimutan mag warm-up upang hindi mabigla ang katawan. Ugaliin ding mag-cool down nang limang minuto bago tapusin ang pag-eehersisyo. Mag-exercise nang tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo.

 

Ngayong alam na natin ang wastong diet at ehersisyo, panatilihin nating malusog at malakas ang ating katawan habang iniiwasan ang matatabang pagkain at masasamang bisyo. Bukod dito, palaging ipa-check ang blood pressure at makipag-usap sa iyong doktor kung mayroong kakaibang nararamdaman.

 

Sources:

http://www.webmd.com/heart-disease/guide/heart-disease-eat-right

https://www.nhlbi.nih.gov/health/health-topics/topics/hdw/treatment

https://www.nhlbi.nih.gov/health/health-topics/topics/dash

http://bodyecology.com/articles/6_benefits_monosaturated_fats.php

https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/healthyliving/resistance-training-health-benefits