Kung nag-aalaga ka ng mayroong high cholesterol, tandaan na maaari itong magdulot ng maraming karamdaman kung pababayaan lamang. Ang labis na dami ng cholesterol sa katawan ay sanhi ng pagbabara sa mga daluyan ng dugo, na maaaring tumuloy sa stroke at mga sakit sa puso. Habang maaga pa, dapat ay gumawa ng mga hakbang na pampababa ng cholesterol upang maging ligtas sa maaaring panganib.
Upang maalagaan nang mabuti ang taong may high cholesterol, dapat payuhan siya na kumain ng mga masustansyang pagkain, umiwas sa bisyo, at magkaroon ng mas healthy na pamumuhay. Kusang bababa sa normal level ng cholesterol ang taglay ng kanyang katawan kung sundin ang aming mga hinandang payo.
Magbawas ng timbang
Ang pagiging overweight ay kadalasang nangangahulugang maraming naipong triglycerides o bad fat at bad cholesterol (LDL) ang katawan. Sa pagpapababa ng timbang, bumababa din ang cholesterol level ng katawan. Sa paghahandaan ng diet o meal plan ng iyong inaalagaan, bawasan ang konsumo ng mga pagkaing mataas sa calories, carbohydrates, at cholesterol. Sabayan ang weight loss diet ng ehersisyo para bumilis ang pagbaba ng timbang at cholesterol level. Mainam na may kasamang mag-ehersisyo ang pasyente para ganahan ito.
Ipalit ang fiber-rich foods at omega-3 sa matatabang pagkain
Kapag mataas ang taglay na cholesterol ng iyong katawan, mainam ang pagkain ng fiber-rich foods. Pinapababa ng fiber ang cholesterol levels at tumutulong sa mga operasyon ng digestive system. Imbis na kumain ng maraming matatabang pagkain, ipalit dito ang gulay, prutas, nuts, tofu, oats, unsweetened yogurt, at whole wheat bread.
Bukod sa fiber, hainan rin ang pasyente ng mga pagkaing mayaman sa omega-3, na naglalaman ng good cholesterol (HDL), dahil tinatanggal nito ang LDL sa iyong sistema. Dagdagan ang konsumo sa tuna, salmon, mackerel, nuts, at tofu.
Hindi mo naman kailangang iwasan nang tuluyan ang matatabang pagkain - limitahan lamang ang paghahanda nito para hindi magkaroon ng komplikasyon ang kondisyon ng inaalagaan. Ipaiwas din sa kanya ang mga pagkain na mayaman sa trans fats tulad ng baked goods, frozen pizza, French fries, cookies, at margarine.
Mag-ehersisyo araw-araw
Maraming dalang benepisyo ang pag-eehersisyo. Maliban sa pagpapababa ng cholesterol level, pinalalakas din nito ang muscles, pinapatatag ang resistensya, at tumutulong sa pagpapapayat. Gumagawa din ang katawan ng endorphins tuwing nag-eehersisyo, na nakakapagpasaya sa’yo at pumapawi ng stress. Mag-ehersisyo araw-araw nang hindi bababa ng 30 minutes. Maaari itong dagdagan kung kaya ng katawan ng maysakit.
Para sa mga nakatatanda, hindi naman kinakailangang sobrang nakakapagod ang ehersisyo. Maaaring mo siyang samahan gawin ang mga low-impact exercise gaya ng paglalakad, pagbibisikleta, swimming, o Zumba. Gagaan ang kanyang pakiramdam pagkatapos mag-eehersisyo.
Iwasan ang paninigarilyo
Ang paninigarilyo ay nakakapagdala ng pinsala sa mga daluyan ng dugo ng iyong katawan, na magpapasama sa mga epekto ng high cholesterol. Bukod dito, pinapahina nito ang baga kaya mahihirapan kang mag-ehersisyo o gumawa ng mabigat na tungkulin nang matagal. Pinapababa din nito ang resistensya kaya mas madali kang kakapitan ng sakit. Ipatigil ito sa pasyente at siguraduhing malayo siya sa amoy ng usok ng sigarilyo.
Silipin ang cholesterol level
Upang malaman kung bumababa ang cholesterol level ng iyong inaalagaan, pumunta sa ospital para ipasailalim siya sa laboratory test para sa cholesterol. Makikita ng doktor kung nasa healthy level na ang cholesterol sa kanyang katawan o kung gumagana ang mga hakbang na inyong ginagawa para mapababa ito.
Base sa kanyang lipid profile at sa resulta ng test, maaari siyang bigyan ng mga gamot na pampababa ng cholesterol at blood pressure. Bibigyan din siya ng mga makabuluhang payo upang gumanda ang kanyang kondisyon.
Hindi agarang bumababa ang cholesterol level, lalo na kung ang pasyente ay overweight. Pagtiyagaan mo lang ang kanyang panibagong lifestyle hanggang sa pareho kayong masanay sa ganitong routine. Sa huli, makaka-iwas ang inaalagaan sa peligrong dala ng mga sakit sa puso at stroke. Magiging mas masaya at mas maginhawa ang buhay.
Sources:
- http://www.everydayhealth.com/hs/healthy-living-with-high-cholesterol/lifestyle-choices-to-lower-cholesterol/
- http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/high-blood-cholesterol/manage/ptc-20181978
- http://www.nhs.uk/Conditions/Cholesterol/Pages/Treatment.aspx
- http://www.webmd.com/cholesterol-management/guide/steps-to-reduce-cholesterol
- https://www.healthaliciousness.com/articles/high-omega-3-foods.php
- http://www.heart.org/HEARTORG/HealthyLiving/HealthyEating/Nutrition/Trans-Fats_UCM_301120_Article.jsp#.WItbQPl9600