Mga masustansya at masarap na handa sa Pasko

December 26, 2016

 

Lechon, Brazo de Mercedes, leche flan, queso de bola, hamonado – ilan lamang yan sa mga karaniwang handa sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon. Masarap man ang mga ito, mapanganib para sa may high blood o altapresyon ang labis na pagkonsumo ng mga nasabing pagkain. Tumataas ang panganib ng heart disease, atake sa puso, stroke, at heart failure.

Kung ikaw ay may hypertension, hindi mo naman kailangang iwasan nang tuluyan ang mga masasarap na pagkain ngayong Pasko. Ang kailangan lamang ay kontroladong konsumo at ang  pagkakaroon ng balanced diet. Heto ang ilang mga paalala upang maiwasan ang pagtaba ngayong darating na kapaskuhan.



Uminom ng fruit o vegetable juice

Ang soft drinks ay naglalaman ng labis na asukal, na masama ang epekto sa mga taong may mataas na BP. Samantala, ang alak naman ay nagdudulot-pinsala sa mga blood vessels bukod sa pagpapataas ng blood pressure. Imbis na inumin ang mga ito, piliin na lamang ang fruit o vegetable juice.

Ang mga gulay at prutas ay mayaman sa fiber na nagpapababa ng presyon. Maaaring uminom ng unsweetened fruit juice o pinaghalo-halong katas ng gulay at prutas. Kung marami kang pinamili, pwede mong gawing salad o sangkap ng iyong handa sa pasko ang mga ito.

 

Gumamit ng olive oil sa pagluluto ng mga handa

Ugaliing mag-isip ng mga alternatibong sangkap na pwedeng ipalit sa mga sahog ng lulutuing handa. Subukang gumamit ng olive oil kapalit ng normal na palm o vegetable oil sa pagluluto. Pwede rin itong ipanghalo sa mga palaman kapalit ng butter o margarine. Ang olive oil ay may good fats na nakakabawas sa cholesterol intake at nakakatulong sa pagbabawas ng timbang. .

 

Maghanda ng masasarap na vegetable dishes

 

undefined


Masarap kapag hinaluan ng malasang sangkap, ang mga gulay ay pangontra sa weight gain at obesity. Mababa ang calorie content at ang ilan sa kanila ay nakakabawas sa bad cholesterol sa katawan.

Mga halimbawa ng maaari mong lutuin ay ang chopsuey, vegetable salad, vegetarian pasta, at vegetarian pizza. Pwede mo ring ipalit ang pipino, celery, at carrot sticks na may yogurt dip sa mga popular snacks katulad ng mixed nuts at potato chips. Imbes na magluto ng meatballs, bakit hindi magluto ng Mediterranean food gaya ng falafel na gawa sa dinurog na garbanzos.

 

Idisiplina ang sarili  

Hindi masamang mag-celebrate tuwing Pasko pero pigilan ang sarili sa pagkain ng madami. Maaaring tikman ang lahat ng putahe pero i-limit sa maliliit na portions, lalo na sa ma-cholesterol na pagkain. At para balanse ang iyong kinakain, samahan ng prutas at gulay.

Para lalong mapigilan ang sarili sa sobrang pagkain, (1) maaaring uminom ng tubig bago kumain dahil ito ay mabigat sa tiyan at agarang nakakabusog. (2) gumamit ng maliit na plato para ma-limit ang dami ng kukuning pagkain.

 

Huwag kalimutang mag-ehersisyo  

 

undefined


Pagkatapos ng isang masayang Noche Buena, maaari kang mag-ehersisyo kinabukasan para magbawas ng taba at lumapit ang presyon sa normal blood pressure. Maaari ding mag-brisk walking, jogging, swimming, cycling at iba pang simpleng cardio workout. Maliban sa pagpapababa ng mataas na BP, ang pag-eehersisyo ay nakapagpapalakas ng katawan at resistensya para iwas sakit.

Tandaan na hindi bawal kumain ng mga handa sa Noche Buena. Bawasan lamang ang pagkain ng sobra at i-ayon ang uri at dami ng kakainin sa iyong blood pressure. Upang maliwanagan lalo sa iyong holiday diet, maaaring konsultahin ang iyong doktor o dietician. Masusuri nila ang iyong katawan at mabibigyan ka ng angkop na diet plan para sa iyong altapresyon.   

 

Sources:

  • http://www.doctorshealthpress.com/heart-health-articles/blood-pressure-articles/5-ways-to-avoid-blood-pressure-over-the-holidays

  • http://greatist.com/health/ways-to-avoid-holiday-weight-gain

  • http://www.parccommunities.com/blog/tips-on-holiday-eating-for-those-with-high-blood-pressure/

  • http://www.everydayhealth.com/high-cholesterol/diet/ways-to-manage-high-cholesterol-during-the-holidays/