Mahalaga na mabigyan ng tamang impormasyon ang madla at masupil ang paglaganap ng hypertension myths o mga haka-haka tungkol sa madalas nating tawagin na ‘high blood.’ Peligroso ang paglaganap ng hypertension myths dahil ang mga paniniwalang ito ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng isang tao, partikular na ang pagkakaroon ng iba’t-ibang uri ng sakit sa puso at iba pang kumplikasyon ng hypertension.
HAKA-HAKA #1: Walang kinalaman ang blood pressure sa pagkakaroon ng sakit sa bato.
KATOTOHANAN: Ayon sa National Kidney Foundation ng United States, high blood pressure ang isa sa mga dahilan sa pagkakaroon ng sakit sa bato at ang nangungunang sanhi ng sakit sa bato sa mga taong may edad na.
HAKA-HAKA #2: Namamana ang high blood pressure at ako rin ay magkakaroon nito. Wala na akong magagawa ukol dito.
KATOTOHANAN: Ayon sa mga dalubhasa, malaki ang posibilidad na magkaroon ng high blood pressure ang isang tao kung marami sa kanyang malapit na kaanak ay may kaparehong karamdaman. Ngunit hindi totoo na wala nang pwedeng gawin. Maraming paraan upang ang katawan ay mailayo sa pagkakaroon ng high blood, kabilang na ang pag-iwas sa mga karaniwang sanhi ng alta presyon, gaya ng paninigarilyo, pagiging sobra sa timbang o overweight, kakulangan ng ehersisyo at matamlay na araw-araw na pamumuhay, at ang labis na konsumo ng alak ay kabilang sa ilan.
HAKA-HAKA #3: Ang normal na systolic blood pressure ay katumbas ng edad na may dagdag na 100.
Tuwing susukatin ang ating blood pressure o presyon ng dugo, dalawang pangkat ng bilang ang ating naririnig na binabanggit ng nurse o attendant, gaya halimbawa ng 120 over 80 (120/80). Ang bilang sa ibabaw ay ang systolic blood pressure, at diastolic naman ang nasa baba. Iniisip ng karamihan na ang normal blood pressure ay may systolic reading na katumbas ng edad na dadagdagan ng 100. Kung ikaw halimbawa ay 32, ang normal systolic reading ay 132 o malapit sa ganitong numero.
KATOTOHANAN: Ang dapat na pamantayan pagdating sa systolic blood pressure lalo na sa mga may edad 40 pataas ay 140/90 o mas mababa pa. Hinihikayat ng mga doktor ang mga matatanda na gumawa ng paraan kasama na ang pag-inom ng gamot sa hypertension para makasigurado na ang karaniwang blood pressure ay nasa 140/90 mm Hg lamang.
HAKA-HAKA #4: Maayos ang aking pakiramdam at wala akong nararamdaman na kakaiba. Hindi ko kailangan na mangamba na mataas ang aking blood pressure.
KATOTOHANAN: Maraming tao na hypertensive ang walang nararamdaman na kakaiba. Hindi ibig sabihin nito na walang dapat ipangamba. Tandaan na kalimitang hindi nararamdaman ang sintomas ng high blood hanggang sa nakapagdulot na ito pinsala sa katawan. Ugaliin ang magpa-check up, at kung mataas ang blood pressure, sundin ang payo ng doktor kahit walang nararamdaman na kakaiba.
HAKA-HAKA #5: Bumaba na ang aking blood pressure readings. Hindi ko na kailangan ituloy ang gamot.
KATOTOHANAN: Maaaring dumating ang panahon na hindi na kailangan ang gamot para sa high blood, ngunit hindi ito madalian at tanging ang duktor lamang ang makapagbibigay ng pasya.
Bukod sa aming mga natalakay, maaaring makasagap ka pa ng mga haka-haka. Kung hindi ka sigurado sa iyong kondisyon o dapat gawin, huwag mag-atubiling pumunta sa ospital. Bibigyang liwanag ng doktor ang iyong mga katanungan at tutulungan kang magkaroon ng normal blood pressure.
Sources:
- http://www.webmd.com/hypertension-high-blood-pressure/guide/blood-pressure-causes#1
- http://www.heart.org/HEARTORG/Conditions/HighBloodPressure/AboutHighBloodPressure/Myths-About-High-Blood-Pressure_UCM_430836_Article.jsp#.WIroB9J95dg
- https://www.kidney.org/news/kidneyCare/winter10/MythsAboutKD
- http://my.clevelandclinic.org/health/articles/myths-about-hypertension
- http://www.heart.org/HEARTORG/Conditions/HighBloodPressure/AboutHighBloodPressure/Understanding-Blood-Pressure-Readings_UCM_301764_Article.jsp#.WIqXJ9J95dg