Photo courtesy of pexels.com
Ano nga ba ang impeksyon? Ito ay hatid ng pagdami ng mikrobyo tulad ng bacteria, virus, at parasites sa ating katawan. Bagamat hindi gaanong kalakasan ang sakit na ito, maaari pa rin itong makapagdulot ng mas malalang sakit kapag hindi naagapan. Ito ay pwedeng manatili sa isang bahagi ng katawan o kumalat sa ating dugo o sa ating iba pang sistema.
Maraming iba’t ibang uri ang infection. Nariyan ang pigsa, fungal infection, alipunga, ringworm infection, ear infection, at sore eyes. Bawat impeksyon ay may nakalaang first aid o paunang lunas. Nararapat natin itong malaman upang maagapan ang infection at hindi makagawa ng mga bagay na mas makapagpapalala rito.
Pigsa
Ang pigsa ay impeksyon sa balat partikular sa bahagi kung saan matatagpuan ang ating hair at oil glands. Karaniwan itong nakukuha tuwing mainit ang panahon, at madalas na mairita ang bahaging ito ng balat lalo na kung nadadampian ng maruming kamay o nakakaskasan ng makakapal na tela ng damit.
Kung nagkakaroon ka na ng mapula at matigas na umbok sa balat, maaaring pigsa na iyon. Siguraduhing magpareseta na agad ng antibiotic upang maagapan ang paglala. Maaari ring lagyan ng warm compress at ibabad ang pigsa sa mainit-init na tubig. Iwasang putukin, pisain, o butasan ang pigsa upang hindi kumalat ang infection.
Fungal Infection
Isa sa maituturing na dulot ng fungal infection ay ang buni o ringworm. Ang buni ay maaaring matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa paa, ito ay tinatawag na alipunga o athlete’s foot.
Ang alipunga ay ang impeksyon sa pagitan ng daliri ng paa na nagdudulot ng pamamalat at pangangati nito. Ang impeksyong ito ay karaniwang sanhi ng palagiang pagkabasa at pagpapawis ng ating paa.
Maaari ring magpahid ng mga anti-fungal cream dalawang beses sa isang araw sa loob ng 1-2 linggo.
Photo courtesy of Workandapix via Pixabay
Ear infection
Ang kadalasang sanhi ng ear infection ay ang mga bacteria at virus na makikita sa middle ear. Ang infection ay maaaring manggaling sa sipon, trangkaso, o allergy.
Kahit hindi gamutin, ang ear infection ay nawawala sa loob ng isa o dalawang linggo. Upang mabawasan naman ang sakit, lagyan ng warm compress ang apektadong tenga o gumamit ng mga over-the-counter medicines.
Sore eyes
Ang sore eyes ay ang pamamaga o impeksyon sa mata na kusa na lamang nawawala. Upang maibsan ang hapdi, kirot, at pangangati ng mata, gamitan ito ng cold compress. Iwasan ding hawakan o kamutin ang mata at ugaliing maghugas palagi ng kamay.
Photo courtesy of dbreen via Pixabay
Tandaan na bagamat ang impeksyon ay maaaring simple lamang at hindi gaanong malubha, nararapat pa rin na hindi ito ipagsawalang bahala. Kung sakaling lumala at kumalat na ang impeksyon, siguraduhing hingin na ang konsulta ng doktor upang maagapan ang maaaring maging malubhang dulot nito.
Ang mga paunang lunas na nailahad ay makatutulong upang malunasan ang impeksyon, ngunit mas makabubuti pa rin na iwasan ang pagkakaroon nito. Panatilihing malakas ang resistensya at kumain ng mga pagkaing makapagpapalusog at makapagpapatibay ng ating katawan.