Ang pagiging healthy ay maaaring masimulan sa murang edad, at ito’y posibleng dalhin ng mga bata sa kanilang pagtanda. Bago pa man sila tuluyang mahilig sa mga masasarap ngunit unhealthy na pagkain tulad ng ice cream, hotdog, at hamburger, maganda kung masanay sila kumain ng mga masustansyang pagkain, gayun din ang pagtuklas sa saya ng pag-eehersisyo.
Kung sasanayin ang mga bata sa pagiging healthy, kailangan gumamit ng imahinasyon at simpleng lengguwahe dahil hindi nila lubos na maiintindihan ang konsepto ng nutrisyon. Narito ang ilang tips na maaari mong gawin:
Matuto kang maging healthy
Karaniwang tinitingala ng mga bata ang kanilang mga magulang sa lahat ng larangan. Bilang role model para sa iyong anak, ipakita sa kaniya ang iyong mga kinakain at ang mga ehersisyo na iyong ginawa. Ipaliwanag mo kung bakit mo ginagawa ang iyong mga pang-araw-araw na gawain upang sila’y maging interesado. Malamang ikaw ay gagayahin ng iyong anak.
Siyempre, hindi mo naman kailangang maging perpekto, pero huwag mo na lang ipakita sa iyong anak kung meron ka mang kinahihiligan na hindi makabuluhan para sa kaniyang kalusugan.
Hiyakatin silang maglaro imbis na magbabad sa TV o computer
Marami sa ating mga nakatatanda ang masyadong nagbababad sa TV at computer na hindi maganda sa kalusugan. Tandaan na maaari itong magdulot ng obesity, kawalan ng tulog, at high blood dahil sa kakulangan ng pisikal na gawain. Okay lang naman na manood ng TV at mag-computer ang mga bata basta hindi sobra.
Hikayatin silang pumunta sa playground at makipaglaro sa mga kaibigan. Ang mga laro gaya ng habulan, taguan, at langit lupa ay magagandang ehersisyo. Matututo rin silang makitungo sa ibang tao, na importanteng katangian sa kanilang pagtanda.
Samahan silang kumain ng gulay at prutas
Likas na mausisa ang mga bata at matutuwa sila pag nakita nila ang iba’t ibang kulay at anyo ng mga gulay at prutas. Ipakita sa kanila na hindi lang nakakatuwa ang itsura ng mga nasabing pagkain, masarap din pala ang mga ito kainin. Samahan ang anak na kumain ng mga nilatag na gulay at prutas at ipakita sa kaniya na nasasarapan ka.
Kung hindi siya mahilig sa prutas at gulay, gawing laro ang pagkain sa mga ito. Bigyan mo siya ng premyo kapag naubos niya ang mga nakahaing pagkain, hanggang sa masanay siyang kainin ang mga ito. Sa katotohanan, ang mga gulay at prutas ay mga mainam na pagkain para sa mga bata dahil sa nilalamang bitamina at mineral ng mga ito.
Gumawa ng ice candy gamit ang prutas
Tiyak na mahilig ang mga batang Pinoy sa ice candy sapagkat ito’y malamig at matamis. Maaari mong gawing mas healthy ang paboritong meryenda kapag ang gamiting sangkap ay totoong prutas. Mas masarap ang ganitong uri ng ice candy at mas kaunti ang nilalamang asukal, na masama sa katawan kapag marami at madalas ang konsumo.
Kumuha ng matamis na prutas tulad ng mangga (hiwa na) o strawberries at ilagay ito sa blender. Magdagdag ng kaunting tubig kung kinakailangan. Isalin ang juice sa maliliit na plastic at pagyeluhin ang mga ito sa loob ng freezer. Ang resulta ay masarap at healthy na ice candy na maituturing na masustansyang pagkain para sa mga bata.
Bigyan sila ng mga mas healthy na alternatibo
Totoong mahilig ang mga bata sa softdrinks at mga junk food, na parehong unhealthy. Sa kagandahang palad, may mga mas healthy na alternatibo na magugustuhan ng mga bata.
Sa halip na bilhan sila ng tsitsirya, maaaring magluto ng baked French fries sa bahay gamit ang patatas na nabibili sa palengke o supermarket. Magandang kapalit naman ng ice cream ang non-fat at unsweetened na yogurt (may kasamang prutas), sorbet, at homemade na ice candy – ang lahat ay masagana sa bitamina at mineral. Maaring humalili naman sa softdrinks ang fruit juice o sparkling water na may halong katas ng prutas – mas masarap pa ito sa regular na soda.
Bukod sa mga natalakay, marami pang paraan upang maging mas healthy ang iyong anak. Tingnan lamang ang kaniyang mga hilig at hanapan ng paraan na maging mas healthy ang mga ito. Kung hindi sigurado sa gagawin, maaaring sumangguni sa doktor o nutritionist.
Sources:
- http://www.heart.org/HEARTORG/HealthyLiving/HealthyKids/HowtoMakeaHealthyHome/Top-10-Tips-to-Help-Children-Develop-Healthy-Habits_UCM_303805_Article.jsp#.WJ-CwPmGPIU
- http://kidshealth.org/en/parents/eating-tips.html
- https://www.helpguide.org/articles/healthy-eating/nutrition-for-children-and-teens.htm
- http://www.nestle.com/nutrition-health-wellness/health-wellness-tips/healthy-habits-kid