Mga Kondisyon na Nagsasanhi ng Joint at Muscle Pain

October 05, 2016

Kapag nananakit ang ating mga kalamnan at kasukasuan, nagiging mahirap gampanan mga simpleng gawain. Hindi madaling maglakad, yumuko, o gumalaw nang mabilis habang iniinda ang sakit. Upang maka-iwas sa malaking perwisyo, kailangang alamin ang mga maaaring pagmulan ng joint pain at muscle pain o myalgia.

 

Ano nga ba ang mga sanhi nito at mga angkop na solusyon? Ating talakayin.

Trangkaso

Ang trangkaso ay isa sa mga pangkaraniwang sakit na maaring maranasan ng tao. Kasama sa mga sintomas nito ang muscle at joint pain, na sinasabayan ng mataas na lagnat at panghihina ng katawan. Sumasakit ang mga kasukasuan at kalamnan dahil ilinalaan ng katawan ang white blood cells na tagapag-alaga ng mga ito sa pakikipaglaban sa flu virus.

Gumagawa din ang white blood cells ng kemikal na panlaban sa trangkaso, ang cytokines. Kasama sa mga epekto nito ang myalgia.

Upang makontrol ang karamdaman, kailangan ang sapat na pahinga, tubig, at pag-inom ng tamang gamot tulad ng paracetamol, ibuprofen, at antiviral medicines (oseltamivir at zanamivir). Kumonsulta sa iyong doktor kung hindi gumaganda ang pakiramdam.

Exercise injury at muscle strain

Ikaw ba ay mahilig sa sports? Kung ikaw ay aktibo sa paglalaro ng basketball, volleyball, at pagwo-workout sa gym, maaaring mabigla at mapagod ang katawan, lalo na kung hindi ito sanay sa mabibigat na tungkulin. Ito ay nagdudulot ng muscle at joint pain, gayun din ang mga injury na kalimitang nangyayari sa larangan ng palakasan.

Kapag nakaranas ng exercise injury,muscle strain at muscle trauma, agarang lagyan ng cold compress ang nasaktang bahagi ng katawan. Ipahinga ito at lagyan ng benda kung kinakailangan. Huwag muna ito isailalim sa mabigat na gawain hangga’t hindi gumagaling, dahil baka lumala ang kondisyon.

Tandaan na maaaring maging sanhi ng pulikat ang dehydration, kaya huwag kalimutang uminom ng tubig tuwing nagpapapawis. Maaaring uminom ng ibuprofen at iba pang uri ng painkiller upang mapawi ang sakit.

Arthritis

undefined

 

Ang arthritis ay nagmumula sa pagkasira ng mga kasukasuan sa paulit-ulit na paggamit, gayun din ang pagkakaroon ng sobrang aktibong immune system. Nagreresulta ito sa pamamaga, paninigas, at pagkakaroon ng joint pain sa iba-ibang parte ng katawan, tulad ng kamay, paa, at tuhod.

Upang makontrol ang nasabing kondisyon, kinakailangan magpatingin agad sa doktor. Nakakatulong din ang paglagay ng cold at hot compress, banayad na ehersisyo, at pagkakaroon ng kasama na tutulong sa iyong mga gawain.

Gout

Ang gout ay isang uri ng arthritis kung saan may mga namumuong kristal na gawa sa uric acid sa mga kasukasuan. Isa ito sa pinakamasakit na klase ng arthritis, kaya dapat mabigyan ito agad ng atensyon. Mainam na i-konsulta ito agad sa doktor upang mabigyan ng angkop na gamot. Umiwas din sa mga pagkaing mataas sa purine gaya ng shellfish, labis na asukal, alak, at red meat,

Chronic Fatigue Syndrome (CFS)

Ang CFS ay isang mala-misteryosong sakit. Nagdudulot ito ng di-maipaliwanag na pagkapagod na hindi nasosolusyonan ng maigihang pagpapahinga. Kabilang sa mga sintomas nito ang pananakit ng ulo, katawan, at kasukasuan; insomnia; paglaki ng kulani sa leeg at kili-kili; sore throat; at memory loss.

Hanggang ngayon, hindi malinaw ang sanhi ng CFS, ngunit ito ay maaaring sintomas ng mas malulubhang sakit tulad ng Lyme Disease, Mononucleosis, at Lupus. Kumonsulta agad sa doktor kapag maramdaman ang mga nasabing kondisyon.

Fibromyalgia

undefined

 

Ang fibromyalgia ay maaring mapagkamalang CFS dahil bahagyang magkatulad ang mga sintomas nila. Ito ay nagdudulot ng malawakang sakit ng katawan at pagiging sensitibo sa physical contact. Pwedeng makaranas ng sakit sa simpleng paghipo at pagtapik sa balat. Kung nakaranas ng mga sintomas nito, pumunta agad sa pagamutan para maresetahan ka agad ng iyong doktor ng antidepressants at iba pang angkop na gamot para isa iyong kondisyon.

Hindi biro magkaroon ng muscle pain at joint pain, ngunit maraming solusyon na ihinahain ang mundo ng medisina. Lumapit lang sa iyong doktor at sundin ang nakasaad na solusyon upang magamot o makontrol ang karamdaman.

 

Sources:

http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/flu/expert-answers/flu-symptoms/faq-20057983

http://www.avogel.co.uk/health/immune-system/flu/symptoms/aching-joints/

http://www.webmd.com/first-aid/sprains-and-strains-treatment

http://www.medicinenet.com/gout_gouty_arthritis/article.htm

http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/chronic-fatigue-syndrome/basics/definition/con-20022009

http://www.webmd.com/fibromyalgia/guide/fibromyalgia-treatment-medications-that-can-and-cant-help

Image 1: Photo from Pixabay

Image 2: Photo from Pixabay

Image 3: Photo from Pixabay