Ayon sa ikasiyam na gabay sa Nutritional Guidelines for Filipinos ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI – DOST), kinakailangang “Kumain ng malinis at ligtas na pagkain.” Ito ay upang makaiwas sa mga food-borne diseases o food poisoining mula sa ating mga kinakain at iniinom.
Ang food-borne diseases ay tumutukoy sa mga sakit na nakukuha mula sa pagkain na maaaring nagtataglay ng sari-saring uri ng bacteria, viruses, at parasites. Ang iba naman ay maaaring dahil sa lason, toxins, at chemicals na nahahalo sa ating pagkain.
Karaniwang nakukuha ang mga sakit na ito sa pamamagitan ng pagkain ng mga lutong galing sa hayop na may sakit na bago pa ito katayin at kontaminado ng mga bacteria mula sa mga insekto, ipis o daga. Maaaring dahil din ito sa hindi ligtas at maayos na pag-prepare ng mga pagkain o sa mga nakakalasong sangkap na taglay. Pwede ring naman na hindi sinasadyang naihalo ang toxin o chemical sa naturang pagkain.
1. Linising mabuti ang mga kitchen utensils bago ito gamitin
Ihanda ang mga gagamitin sa pagluluto at tiyaking nalinis na itong mabuti. Siguraduhin din na maayos na nahugasan ang iyong kamay bago humawak ng anumang sangkap. Matapos gamitin, linisin kamay at ang mga ginamit na kitchen tools tulad ng lutuan, tadtaran, at kutsilyo gamit ang antibacterial soap at maligamgam na tubig.
Tiyakin din na nakalagay sa malinis na lagayan ang mga lutong pagkain, at i-refrigerate ang mga tirang pagkain upang maiwasang mapanis ang mga ito. Samantala, kung hindi naman sigurado sa lagay ng pagkain, mas makabubuting itapos na lamang ito.
Mas makabubuti kung tayo ay may sinusunod na food hygiene at maayos na sanitation upang siguradong ligtas ang lahat ng ating kakainin, maging ang mga utensils na ginamit dito.
2. Lutuing mabuti ang pagkain
Ugaliing lutuing mabuti ang karne, manok, at itlog. Ito ay upang maiwasan ang mga mikrobyo tulad ng salmonella sa mga hilaw na pagkain. Ang pagkain ng mga hilaw na pagkain o iyong mga lutuing undercooked ay maaring maghatid sa atin ng stomach pain at diarrhea. Ito ay maaaring magtagal mula isa hanggang dalawang araw.
Kung sa isang restaurant kumain at napansing hilaw ang pagkain, ibalik ito at manghingi ng panibagong plato. Siguraduhing ise-serve ang pagkain sa bago at malinis na lalagyan.
Ugaliin na maging mapagmatiyag sa sanitation ng restaurant na kakainan. Mas makabubuti pa rin ang maging sigurado, kaysa magsisi sa huli.
3. Maging mausisa sa expiry dates
Isa pang dahilan ng food poisoning ay ang pagkonsumo ng mga pagkaing lagpas o umabot na sa itinakdang expiry dates para dito. Karaniwan ito sa mga sardinas, noodles, gatas, at maging sa mga iba pang sangkap na nabibili sa merkado.
4. Hugasang mabuti ang mga gulay at prutas
Siguraduhing nahugasan ng mabuti ang mga gulay at prutas bago ito lutuin o direktang kainin. Ang mga ito ay maaaring nagtataglay ng kemikal tulad ng pesticide na tiyak na makakasama sa ating kalusugan kapag nakapasok sa ating sistema.
5. Iwasan ang pagtikim sa mga pagkain upang malaman kung ito ay maaari pang kainin
Huwag tikman o amuyin ang pagkain kung hindi sigurado na maaari pa itong kainin. Maging ang maliit na pitak nito ay maaaring magdulot sa atin ng sakit, sapagkat naka-spread na rin dito ang mga bacteria. Mas makabubuting itapon na lamang ang pagkain upang hindi na mag-multiply lalo ang mga bacteria.
6. Piliin ang mga lugar na kakainan
Kung ikaw naman ay bibili sa mga street vendors o food stalls, tiyakin munang mayroon itong malinis na supply na tubig sapagkat nakapagdudulot ng typhoid fever ang pag-inom ng maruming tubig.
Samantala, kalimitang makakakuha naman ng sakit na Hepatitis sa mga kainan na matatagpuan sa tabi lamang ng daan o iyong mga nagbebenta ng walang maayos na lugar at lutuan. Hepatitis A ang dulot na sakit ng mga ito.
Kasabay ng pagdaraos natin ng Food Safety Awareness Week sa darating na October 25 hanggang 29, ang mga inilahad na patnubay ay naglalayong makatulong upang makaiwas tayo sa anumang nagdudulot ng food poisoning. Ang mga buntis, mga taong may mahinang immune system, mga sanggol, at matatanda ay may high risk para sa mga ganitong uri ng sakit kaya’t mas makabubuting mag-dobleng ingat.
Kung sakaling lumala ang sakit ng tiyan, pagsusuka, o diarrhea, mas makabubuti nang kumonsulta sa doktor. Lalo na kung ito ay may kasamang mataas na lagnat, may dugo sa dumi, dehydration, kaunting ihi, at pagkahilo na tumagal ng mahigit sa tatlong araw.
Sources:
http://archives.pia.gov.ph/?m=12&sec=reader&rp=5&fi=p100212.htm&no=48&date=
http://kalusugan.ph/sakit-na-nakukuha-sa-pagkain-food-borne-disease/
https://tuklasinnatin.wordpress.com/2011/01/10/food-borne-diseases-iwasan-ligtas-at-malinis-na-pagkain-tiyakin/
http://www.buhayofw.com/medical-advice/other-diseases-of-ofws/food-poisoning-lason-pagkain-o-panis-gamot-pagkaon-pan-os-53ae4aea85461#.V9JOL5h97IX
http://www.philstar.com/opinyon/2012-10-07/856858/anong-dahilan-ng-typhoid-fever
Image 1: Photo courtesy of duybox via Pixabay
Image 2: Photo courtesy of poppicnic via Pixabay
Image 3: Photo courtesy of skeeze via Pixabay