Ngayong kapaskuhan, marami ang excited at abala sa paghahanda ng mga masasarap na putahe na patok na patok sa Noche Buena. Marami sa atin ang hindi makapaghintay sa pagdating ng lechon, christmas ham, leche flan, at kung anu-ano pang mga handa sa hapag-kainan. Pero kamusta naman ang blood pressure? Hindi pwedeng maging pabaya sa kalusugan kung ikaw ay may altapresyon.
Sa kahit anumang okasyon, mapa-pasko man o bagong taon, kailangan pa rin nating mag-ingat sa mga pagkaing nagdudulot ng mataas na BP at cholesterol. Anu-ano nga ba ang mga pinakamalalang salarin nito?
Lechon, paksiw, at crispy pata
Ito ma’y paboritong putahe sa mga pistang Pilipino, kailangang maging alerto tayo sa maaaring perwisyong dala nito sa kabila ng sarap. Alalahanin na ang crispy pata at lechon ay mataas sa cholesterol, sodium, at saturated fats, na siyang nakakapagpataas ng blood pressure at nagdudulot ng iba’t-ibang sakit.
Gayun din ang peligro ng pagkain ng lechon paksiw: ang matabang baboy na niluto sa gravy o liver sauce ay mapanganib sa may hypertension dahil pinapataas nito ang blood pressure at maaaring magdulot ng stroke at obesity.
Hindi mo naman kailangang iwasan nang tuluyan ang mga nasabing putahe. Ang importante ay huwag damihan at dalasan ang kain sa mga ito. Upang mapababa ang presyon papunta sa normal blood pressure, ugaliing mag-ehersisyo araw-araw. .
Isa pang paboritong ulam ng bayan ang kare-kare. Sino bang aayaw sa makrema, manamis-namis na peanut sauce, sa malambot na pata, at koleksyon ng masasarap na gulay? Walang masama sa gulay, ngunit ibang usapan na kapag sinamahan ito ng matabang karne, mantika, at labis na dami ng mani.
Ang beef, oxtail, at ang peanut sauce ay mataas sa saturated fats at cholesterol na maaaring magdulot ng komplikasyon para sa mga may altapresyon. Maliban dito, ang labis na pagkain ng mani ay maaaring magdulot ng gout.
Ang magandang balita ay maaaring gawing healthy ang kare-kare. Gumamit ng lean meat sa halip na oxtail at matabang karne. Damihan din ang sangkap na gulay, bawasan ang lamang mani, at tubigan ang sabaw para hindi ito masyadong malapot.
Menudo, Mechado, Humba -- makulay, masarsa, at bagay na bagay sa bandehadong kanin. Ang problema ay ang taglay na cholesterol at triglycerides ng mga ito, na hindi nakakabuti sa mga may hypertension. Para mabawasan ang panganib, maghanda na lamang ng grilled o steamed dishes. Huwag kakalimutang alisin ang taba at balat ng karne kapag baboy o manok ang lulutuin.
Mas healthy na alternatibo ang seafood basta’t alisin ang matatabang parte gaya ng ulo ng hipon at aligue para maka-iwas sa peligro.
Ang pickles at mayonnaise ay parehong paboritong sangkap sa mga salad at sawsawan. Sa kasamaang palad, ang pickles ay pugad ng sodium habang ang mayonnaise naman ay mayaman sa sodium, cholesterol, fat, at calories. Sa madaling salita, pareho silang maaaring magdulot ng obesity, sakit sa puso, stroke, at pagpapataas ng blood pressure. Kung ikaw ay may altapresyon, iwasan ang mga ito.
Kung kailangan ng healthy na alternatibo para sa salads, gumamit ng vinaigrette na may olive oil, suka, bawang, konting asin at paminta. Masarap at malasa ito kaya hindi mo mami-miss ang pickles at mayonnaise.
Alak, soft drinks, at kape
Sa larangan naman ng mga inumin, maganda kung maiiwasan o malilimitahan ang konsumo sa alak, kape, at soft drinks. Ang alak ay mabilis na nagpapataas ng blood pressure at nagdadala ng pinsala sa mga blood vessels. Labis na dami naman ng asukal ang dala ng soft drinks, kaya masama ito sa mga may hypertension at diabetes. Gaya ng alak, ang kape rin ay nagpapataas ng BP at ang lagiang pag-inom nito ay makakasama sa estado ng taong may altapresyon.
Ano ang maaaring inumin? Sa katotohanan, hindi ka mauubusan sa dami ng pagpipilian. Nakabubuti sa iyong kondisyon ang cranberry juice, pomegranate juice, skim milk, tubig, at ang iba’t-ibang uri ng unsweetened fruit juice.
Sources:
-
https://www.nhlbi.nih.gov/health-pro/resources/heart/filipino-health-manual/session-9/vegetable-recipe
-
http://www.foodnetwork.com/recipes/ina-garten/vinaigrette-for-green-salad-recipe.html
-
http://www.healthcentral.com/high-blood-pressure/cf/slideshows/10-foods-to-avoid-with-high-blood-pressure#slide=13
-
http://www.healthline.com/health/high-blood-pressure-hypertension/foods-to-avoid#Sugar8
-
https://www.caring.com/articles/6-drinks-that-lower-blood-pressure
-
http://www.livestrong.com/article/419120-at-what-level-is-total-cholesterol-dangerous/