Photo from Pixabay
Ang hindi pag-iingat sa pakikipagtalik ay nagbubunga ng iba’t-ibang uri ng venereal diseases. Isa sa mga ito ay nagdudulot ng mga paltos sa ari at matinding pagkabalisa, ang genital herpes. Hindi agarang lumilitaw ang mga sintomas nito, kung kaya inaakala ng mga apektado na wala silang karamdaman habang patuloy nilang kinakalat ang sexually transmitted infection sa pakikipagtalik.
Karaniwang hindi nakamamatay ang sakit, ngunit ito ay nagdudulot ng paghihirap sa mga taong apektado ng karamdaman. Ating kilalanin ang genital herpes upang ito ay maiwasan o makontrol nang wasto.
Ano ang herpes at genital herpes?
Ang herpes ay isang sakit na dulot ng virus na herpes simplex. Ito ay may dalawang uri: ang Type 1 (HSV-1) na sanhi ng oral herpes, at ang Type 2 (HSV-2) na nagdadala ng genital herpes. Ang Type 1 ay nagdudulot ng singaw at paltos sa bibig at labi. Ang Type 2 naman (HSV-2) ay nagreresulta sa kumpol-kumpol na singaw at paltos sa ari, singit, hita at puwit, at iba pang sintomas.
Kalimitang umaabot ng apat hanggang pitong araw bago maramdaman ang sintomas ng genital herpes, at maaari itong manumbalik sa loob ng ilang buwan o taon kapag hindi ito nakontrol. Sa ngayon, wala pang natutuklasang permanenteng gamot sa nasabing sakit, ngunit may mga gamot at paraan upang mapanatiling hindi aktibo ang herpes virus.
Paano nakukuha ang genital herpes?
Photo from Pixabay
Nakukuha ang genital herpes sa pakipagtalik sa taong mayroong herpes simplex virus. Maaaring hindi alam ng may sakit na mayroon siyang herpes, kaya dapat mag-ingat kung nais na ihayag nang sekswal ang nararamdaman.
Pagkatapos ng panimulang impeksyon, nananahimik ang herpes virus. Maaari itong gisingin ng stress, paghina ng immune system, pag-bibilad sa ultraviolet light, at labis na pagkalasing. Tandaan na maski na walang nararamdamang sintomas, nakakahawa pa rin ang sakit.
Mga sintomas ng genital herpes
Mas matindi ang sintomas ng herpes sa unang pagkakataon nang pagkahawa. Wala mang rektang gamot sa herpes, maaaring solusyonan ang mga sintomas nito upang hindi makaramdam ng pagkabalisa. Bantayan ang mga sumusunod na reaksyon ng katawan:
1. Pangangati, o pagkahapdi sa paligid ng ari o sa binti
2. Mga paltos at mahapding singaw sa ari, singit, tumbong, hita, at puwit.
3. Matinding hapdi kapag umiihi.
4. Sa mga kababaihan: mga paltos at singaw sa cervix (ang pang-ilalim na bahagi ng matris), at makapal na vaginal discharge. Maaring maputi o madilaw ito, at maaari ring masangsang o malansa ang amoy.
5. Pangkalahatang pagsama ng pakiramdam - kasama na rito ang sipon, lagnat, sakit ng katawan, namamagang kulani, at mala-trangkasong karamdaman.
Maaring tumagal ang mga sintomas ng 20 araw. Kalimitan ang mga paltos ay kusang gumagaling at hindi nag-iiwan ng marka. Subalit mas mabuti pa ring kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng gamot sa herpes, na mas mabilis na nagpapawala ng mga nasabing sintomas.
Gamot sa herpes
Photo from Pixabay
Maaaring pagalingin ang mga paltos at iba pang sintomas na dala ng herpes simplex virus gamit ang ilang gamot. Ang medisina na irinerekomenda ng doktor ay kadalasang naglalaman ng acyclovir, famciclovir, at valacyclovir - mga antiviral drugs. Kinakailangang inumin ito ng ilang beses sa isang araw.
Marami ring supplements na maaaring magpabilis ng pagkawala ng mga sintomas tulad ng Vitamin D, Vitamin A, at Vitamin C. Kausapin ang iyong doktor tungkol sa karagdagang lunas at pangkaraniwang gawain na makakatulong sa pagkontrol ng karamdaman.
Upang maka-iwas sa genital herpes, kilalanin nang mabuti ang iyong partner. Dapat siya ay tapat tungkol sa kaniyang sexual history at nakita na ng doktor para sa venereal diseases. Gumamit ng condom, dental dam, at iba pang aparato para sa ligtas sa sakit. Alalahanin na nakakahawa ang genital herpes kahit hindi nakikita o nararamdaman ang mga sintomas nito.
Sources:
http://www.webmd.com/genital-herpes/guide/genital-herpes-overview-facts
http://www.webmd.com/genital-herpes/pain-management-herpes
http://www.nhs.uk/Conditions/Genital-herpes/Pages/Symptoms.aspx
http://www.webmd.com/genital-herpes/pain-management-herpes
http://www.ashasexualhealth.org/stdsstis/herpes/signs-symptoms/
https://www.plannedparenthood.org/learn/stds-hiv-safer-sex/herpes
http://www.webmd.com/genital-herpes/guide/genital-herpes-treatment-options