Kasama sa kulturang Filipino ang paghahanda ng masasarap na pagkain, gaya ng adobo, liempo, at barbecue, at ang pagsasalo-salo ng pamilya o magkakaibigan sa hapag-kainan. Ang magandang karanasang ito ay maaaring maudlot kung ang iyong digestive system ay tamaan ng mga karamdaman tulad ng diarrhea, constipation, heartburn, at kabag. Dapat alagaan ang digestive system para sa “healthier you.”
Upang mapangalagaan ang digestive system, kailangang piliin ang mga laging kinakain, mag-ehersisyo nang madalas, at magkaroon ng healthy lifestyle. Narito ang ilang tips.
Parating uminom ng fluids
Malaki ang pakinabang ng pag-inom ng tubig at iba pang fluids sa digestive system. Nililinis ng mga ito ang mga toxins sa katawan at tumutulong sa pagtunaw ng mga nilalalaman ng tiyan. Gaya ng fiber, tumutulong din ang fluids sa tamang paglalabas ng mga dumi sa tiyan at bituka. Para sa kalalakihan, ugaliing uminom ng 3 liters ng tubig bawat araw, samantala 2.2 liters naman ang mainam para sa kababaihan.
Limitahan ang konsumo ng matatabang pagkain
Ang madalas na konsumo ng taba ng karne ay nagdudulot ng pagbagal sa pagtunaw ng pagkain sa tiyan, na maaaring magresulta sa constipation. Samantala, ang labis na pagkain ng oily at greasy food ay maaaring maging sanhi ng diarrhea. Kung kakain ng karne, piliin na lamang ang lean cuts na hindi naglalaman ng maraming taba.
Ngumuya nang mabagal
Nakaugalian na ng marami ang pagnguya nang mabilis tuwing masarap ang kinakain. Nakakatuwa man itong gawin, ito ay maaaring magdulot ng indigestion o impasto at heartburn. Upang makaiwas sa digestive problems, nguyain ang kinakaian nang mabagal at relaxed. Mapipigilan kang kumain nang labis dahil mabibigyan ng sapat na oras ang utak iproseso ang dami ng iyong nakain at sabihin sa iyong katawan na ikaw ay busog na.
Bukod dito, nabigigyan din ng sapat na oras ang tiyan na tunawin ang bawat subo bago ito magkaroon ng panibagong laman.
Kumain ng mga pagkaing masagana sa fiber
Importante ang fiber sa ating katawan dahil tumtulong ito sa pagtunaw ng mga laman ng tiyan pati sa paglalabas ng dumi sa ating katawan. Nakakatulong din ang fiber sa pagtanggal ng toxins at sa pagbabawas ng timbang.
Upang makabuo ng healthy diet, kumain ng mga high-fiber foods tulad ng saging at iba pang prutas, oatmeal, leafy vegetables, nuts, peas, beans, at low fat yogurt.
Lagiang mag-ehersisyo
Maraming benepisyo ang pag-eehersisyo sa katawan, at kabilang dito ang pangangalaga sa ating digestive system. Tumtulong ito sa pagkakaroon ng mas magandang daloy ng pagkain sa ating digestive tract. Sinusunog din ng ehersisyo ang mga labis na pulgada sa baywang at pinaliliit ang ating appetite.
Pinapatibay ng exercise ang ating resistensya upang tayo ay makaiwas sa iba pang uri ng karamdaman.
Magbawas ng timbang
Ang pagiging overweight ay hindi lamang nagdudulot ng mga digestive disorders tulad ng acid reflux at heartburn, ito rin ay maaaring maging sanhi ng high blood, stroke, at sakit sa puso. Upang makaiwas sa panganib, magkaroon ng balanced diet at ugaliing mag-ehersisyo nang madalas.
Umiwas sa stress at mga bisyo
Para sa maraming tao, ang stress ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay. Kadalasan ang tao ay nalululong sa bisyo upang labanan ito. Sa kasamaang palad, ang stress ay sanhi ng pagbagal ng digestion, habang ang labis na konsumo ng alak at paninigarilyo ay maaaring maging dahilan ng ulcer, heartburn, at mga malulubhang sakit gaya ng cancer at stroke.
Upang malabanan ang stress, matutong mag-meditate at lumahok sa mga gawaing nakaka-relax tulad ng yoga at tai-chi. Kung mahilig ka sa hayop, maaaring mag-alaga ng pusa o aso dahil nakakababa ito ng blood pressure. Planuhin din nang maaga ang iyong mga gawain upang hindi ka matambakan ng trabaho, na kadalasang nagdudulot ng stress at anxiety.
Sources:
-
http://www.everydayhealth.com/hs/healthy-eating/tips-for-better-digestive-health/
-
http://www.doctoroz.com/slideshow/8-tips-improve-your-digestive-health
-
http://www.globalhealingcenter.com/natural-health/how-to-keep-your-digestive-system-healthy/
-
http://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/nutrition-and-healthy-eating/in-depth/water/art-20044256
-
http://www.livestrong.com/article/283716-what-are-the-causes-of-diarrhea-after-a-moderate-to-high-fat-meal/