Photo from Pixabay
Ang tuberculosis o TB ay isang nakakahawang sakit kung saan nagdudulot ng malubhang sakit sa baga, bato, gulugod, at utak ang Mycobacterium tuberculosis bacteria. Mahirap at matagal puksain ang nasabing mikrobyo, ngunit dahil sa Directly Observed Treatment Short Course (DOTS) program, na minandato ng gobyerno, marami ang gumagaling sa TB.
Upang mapatay ang Mycobacterium tuberculosis bacteria, nangangailangan ng disiplina, mahabang pasensya, at matinding dedikasyon. Tinatayang umaabot ng anim hanggang siyam na buwan ang tagal ng masugid na pag-inom ng antibiotics at pagkukulong sa kwarto para hindi makahawa sa iba. Mahirap man ang daang tatahakin, maraming paraan upang mapadali ang proseso.
Isulat sa kwaderno ang schedule ng pag-inom
Ang pulmonary tuberculosis (PTB), na nakakaapekto sa baga, ay maaaring manumbalik kapag hindi nasunod ang takdang oras ng pag-inom ng gamot, maski na wala nang nararamdamang sintomas ng sakit. Dahil dito, dapat parati kang alerto sa oras ng pag-inom. Gumawa ng talaan sa iyong kwaderno o journal na naglalalaman ng schedule ng iyong pag-inom ng gamot at itabi ito sa iyong kama.
Maaari ring isulat ang schedule sa isang papel at ipaskil ito sa sulok ng kwarto kung saan ikaw ay namamalagi.
Pumili ng taong malapit sa iyo para sa DOTS program
Ang taong may malasakit ay buong pusong magsasakripisyo upang matulungan kang gumaling. Sa pagsunod sa DOTS program, kinakailangan ng magbabantay sa iyong pag-inom ng gamot habang hindi ka pa tuluyang gumagaling sa TB. Maganda kung malapit sayo ang taong ito. Tandaan na hindi madaling tungkulin ang pagbabantay nang anim hanggang siyam na buwan, kaya mainam na malapit ang iyong kalooban sa iyong bantay.
Kung wala talagang mahanap na magbabantay, maaaring kumuha ng tutulong sayo sa health center. Bukod sa babantayan ka, alam din ng health center workers ang mga dapat mong inuming gamot sa mga nakatakdang oras.
Gamitin ang alarma ng cellphone
Photo from Pixabay
Isa sa mga rason kaya hindi nasusunod ang schedule ng pag-inom ng gamot ay dahil nakakatulog ang pasyente. Sa kabutihang palad, ang ating paboritong gadget ay malaki ang maitutulong sa larangang ito. Alinsunod sa iyong antibiotics schedule, mag-set ng alarm sa iyong cellphone para sa lahat ng oras na kailangan mong uminom ng gamot. Maaari din itong samahan ng note o mensahe na magpapaalala kung anong mga gamot ang iyong dapat inumin sa mga nasabing oras.
Tandaan na maraming libangan sa kwarto
Matitinding kalaban ng mga nagpapagaling sa tuberculosis ang boredom at depression. Hindi lahat ng oras mong makakasama ang iyong bantay, lalo na kung siya ay may trabaho. Upang hindi ka malungkot, maaari kang manood ng telebisyon at tunghayan ang iyong mga paboritong programa. Pwede ka ring magbasa ng mga nobela galing sa iyong mga paboritong manunulat habang nagpapagaling.
Kung ikaw ay may smart phone, maaari kang mag-download ng games, manood ng mga nakakatuwang videos sa YouTube, at makinig sa iba’t-ibang uri ng musika sa Spotify app. Pwede ka ring magpabili ng mga nakakatuwang bagay, tulad ng libro, comics, at DVD, sa iyong bantay. Sa madaling salita, tratuhin mong mahabang bakasyon ang iyong pagpapagaling sa tuberculosis.
Huwag kakalimutang linisin ang mga bagay pagkatapos gamitin dahil kumakalat ang sakit kapag nalanghap ang mikrobyong galing sa ubo at sputum o sipon. Baka mahawa ang iyong bantay.
Kumain ng healthy food
Photo from Pixabay
Upang matulungan ang gamot labanan ang TB, kumain ng maraming gulay, tinapay, cereal, at prutas. Pinapalakas ng mga ito ang katawan at resistensya. Iwasan naman ang paninigarilyo, alak, at matatabang karne, at limitahan ang konsumo ng kape at softdrinks. Mahihirapan ang atay i-proseso ang mga ito kasabay ng antibiotics laban sa tuberculosis. Magdudulot din ng pinsala ang paninigarilyo sa baga.
Sa panahon ng pagpapagaling, kung ikaw ay nakaranas ng mataas na lagnat, paninilaw ng balat, hindi malinaw na ihi, at kawalan ng gana kumain, konsultahin agad ang iyong doktor. Maaaring nahihirapan ang atay tanggapin ang mga antibiotic. Ikaw ay mabibigyan ng mas angkop na gamot at rehimen upang mapanatiling healthy ang iyong atay at mapadali ang iyong paggaling sa TB.