Ang paggaling sa tuberculosis o TB ay hindi madaling proseso. Kumpara sa ibang impeksyon na dulot ng bacteria, mas matagal ang paggamot dito. Nangangailangan din ito ng matinding disiplina at pasensya. Mahaba ang guguguling oras sa pag-inom ng gamot sa TB at pagpapagaling, kaya kailangan ng pasyente ng suporta bukod sa ibibigay sa kaniya ng doktor.
Bilang tagapag-alaga ng pasyente, maaari mong ihayag ang iyong pagmamahal sa pagtulong sa kaniyang pagpapagaling. Narito ang ilang bagay na dapat mong tandaan.
Tulungan ang pasyente magpa-test sa TB
Mahalaga na alam ng tagapag-alaga ang medical history ng pasyente na may kinalaman sa TB. Maaari kasing mayroon siyang latent TB o hindi tuluyang napagaling ang naunang kaso. Tandaan na maaaring manumbalik ang sakit kung hindi napuksa ang bacteria. Alalayan ang pasyente sa pagsailalim sa iba’t ibang uri ng pagsusuri gaya ng skin test, blood test, sputum test, at x-ray.
Kapag napatunayang may TB ang pasyente, siya ay reresetahan ng angkop na antibiotic na dapat niyang inumin sa takdang oras sa loob ng ilang buwan.
Siguraduhin na iniinom ang gamot sa tamang oras
Gaano katagal ang gamot sa TB? Humigit kumulang anim hanggang siyan na buwan ang panahon ng pagpapagaling ng pasyente. Sa loob ng panahong ito, dapat patuloy ang kaniyang pag-inom ng gamot sa TB sa takdang oras, kung hindi, maaaring bumalik nanaman siya sa simula ng treatment period. Hindi madaling patayin ang TB bacteria.
Mainam ang pagkakaroon ng talaan o schedule ng pag-inom ng gamot upang maipaalala sa pasyente ang takdang oras. Maaari ding magsabit ng schedule ng pag-inom malapit sa pasyente upang hindi niya makalimutan uminom. Pwede ring i-set ang alarm ng kaniyang cellphone sa lahat ng oras na dapat siyang uminom ng gamot.
Alamin ang mga tipikal na epekto ng gamot sa pasyente
May mga gamot na maaaring magdala ng mga side-effect sa pasyente gaya ng pagkahilo, pagpapantal, pagsusuka, pagsakit ng tiyan, paglabo ng mata, pagkawala ng gana kumain, panunuyo ng bibig, at pananakit ng lalamunan.
Bilang tagapag-alaga, sabihan agad ang doktor o nars kung naranasan ng pasyente ang mga nasabing side-effect pagkatapos uminom ng gamot. Papalitan ng doktor ang gamot na iniinom upang hindi mapasama ang kondisyon ng pasyente.
Alamin ang tamang pag-hawak at pagligpit ng gamit ng pasyente
Nakakahawa ang TB kapag ito ay aktibo. Para hindi na mahawa pati ang mga kasama sa bahay, ibukod ang mga personal gamit ng pasyente Magsuot ng face mask kung papasok sa silid ng pasyente, lalo na kung aktibo ang kaniyang chronic cough.
Libangin ang pasyente
Ang pagkalumbay o labis na pagkalungkot (depression) ay sanhi ng kawalan ng ginagawa ng pasyente sa mga panahon na siya ay ginagamot. Maaari din niyang maramdaman na siya ay pinandidirihan dahil nakakulong lamang siya sa silid. Bukod sa pagtulong sa pag-inom ng gamot sa TB, dito niya pinakakailangan ng suporta.
Huwag mo siyang tratuhin na naiiba kapag siya ay nalulungkot. Makipagkwentuhan at bigyan siya ng rason ngumiti. Upang hindi siya tamarin, himukin ang pasyente na magbasa tungkol sa kanyang karamdamanan gamit ang TB information leaflets. Maglagay din ng telebisyon, radyo, at iba pang bagay na nakakalibang sa silid. Higit sa lahat, bigyan siya ng lakas at pag-asa na talunin ang kaniyang karamdaman.
Bukod sa mga natalakay, huwag kakalimutang kunin ang contact information ng doktor. Maaari mo siyang tawagan kung may emergency o kung hindi ka sigurado sa iyong gagawin.
Sources:
- http://www.health24.com/Medical/Tuberculosis/Treatment/how-to-manage-the-side-effects-of-tb-medication-20160225-2
- http://www.tbalert.org/what-we-do/uk/patient-support/
- http://www.tbalert.org/about-tb/global-tb-challenges/side-effects/
- https://www.nursingtimes.net/the-treatment-of-patients-with-tb-and-the-role-of-the-nurse/204131.article
- http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/tuberculosis/diagnosis-treatment/diagnosis/dxc-20188951
- http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/tuberculosis/symptoms-causes/dxc-20188557