Tamang Alaga sa May Ulcer

January 22, 2017

 

Mahirap ang pang-araw-araw na pamumuhay para sa taong may ulcer. Hindi man nakamamatay ang sakit, ito ay nagdudulot ng matinding pagkabalisa dahil sa malalang sakit sa tiyan na nararamdaman. Sa kagandahang palad, maaaring makontrol at mapagaling ang karamdaman. Gayunman, kailangang sabayan ng lifestyle change at mga pagbabago sa diet ang gamot sa ulcer upang mapabilis ang paggaling.

 

Ang ulcer ay napagagaling gamit ang antibiotics kung ang sanhi nito ay ang Helicobacter pylori (H. pylori) bacteria, at mayroon ding mga angkop na gamot para sa iba pa nitong mga sanhi. Magpatingin sa duktor para sa ulcer para makuha ito. Habang nagpapagaling, maaring gawin ang mga sumusunod:

 

Iwasan ang maaanghang na pagkain

Hindi man totoo na nagdudulot ng ulcer ang spicy food, ito naman ay nagpapalala ng sintomas ng nasabing karamdman. Maaaring tumindi ang sakit sa tiyan dahil naiirita nito ang mga sugat na dala ng ulcer. Imbis na kumain ng spicy food, piliin na lamang ang mga high-fiber foods. Bukod sa maaanghang na pagkain, iwasan din ang mga ulam na masyadong mataba at mamantika.

 

Iwasan ang aspirin at mga over-the-counter pain relievers

 

Maliban sa bacteria, ang isa pang pangunahing sanhi ng ulcer ay ang madalas na pag-inom ng aspirin at iba pang pangkaraniwang pain reliever tulad ng ibuprofen at naproxen sodium. Kahit na bacteria ang sanhi ng iyong ulcer, maaaring lumala ang pananakit ng tiyan kapag uminom ng mga ito.

 

Kung masakit ang iyong ulo o katawan, maaari kang uminom ng acetaminophen. Maaari ding magpatingin sa doktor upang mabigyan ka ng iba pang alternatibo sa aspirin at ibuprofen.

 

 

undefined


Kumain ng lima o anim na small meals

Karaniwan sa atin ang kumain ng tatlong meal sa isang araw. Ang problema dito, para sa taong may ulcer, ay maaaring sumakit ang tiyan doon sa panahon na wala kang kinakain. Tandaan na kapag walang laman ang tiyan, patuloy ang proseso nito ng pagtutunaw ng pagkain, na maaaring ikasama ng iyong kondisyon.

 

Ang solusyon dito ay ang pagkonsumo ng lima o anim na maliliit na meals kada araw. Hindi mawawalan ng laman ang tiyan, kaya mapoprotektahan ang mga sugat na dala ng ulcer hanggang sa ikaw ay gumaling. Kontrolin na lamang ang dami ng kinakain dahil baka naman magdulot ng high blood at obesity ang madalas na konsumo.

 

Iwasan ang alak at paninigarilyo

 

Maraming dalang masasamang epekto sa katawan ang alak at sigarilyo, at kasama dito ang pagpapalala ng mga sintomas ng ulcer. Ang alak ay pinaparami ang stomach acid, na nakakairita sa mga sugat sa tiyan, samantalang ang usok ng sigarilyo ay naglalaman ng mga kemikal na pinapatagal ang proseso ng paggaling. Umiwas na lamang sa bisyo upang makalayo sa maaaring sakuna.

 

undefined

 


Matutong mag-relax

Gaya ng spicy food, napagkamalan ang stress na sanhi ng ulcer dahil pinapalala nito ang sakit sa tiyan na nararamdaman. Hindi ito sanhi ng nasabing kondisyon, ngunit pinapagrabe nito ang mga sintomas. Upang makaiwas sa stress, panatilihing payapa ang iyong kalooban at pag-iisip. Maaari kang makinig ng soft music at mag-meditate. Pwede ring sumabak sa mga ehersisyong hindi gaanong nakakapagod.

 

Patuloy na inumin ang gamot

 

Kung H. pylori bacteria ang sanhi ng karamdaman, patuloy na inumin ang gamot na rineseta ng duktor para sa ulcer hanggang sa ito ay maubos, kahit tila nawala na ang sakit sa tiyan. Maaaring manumbalik ang sakit kapag hindi napatay ang bacteria, at hindi ito basta-basta napupuksa. Inumin ang gamot sa takdang oras hanggang sa ikaw ay gumaling.

 

Kapag hindi ka sigurado na ikaw ay tiyak na wala nang ulcer, huwag mag-atubiling dumaan sa pagamutan. Susuriin ng doktor ang iyong katawan kung naroon pa ang bacteria. Maaari rin niyang silipin kung tuluyan nang gumaling ang mga sugat sa iyong tiyan.

 

 

Sources:

 

  • https://www.verywell.com/living-with-peptic-ulcers-1742816

  • http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/peptic-ulcer/home/ovc-20231363

  • http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/peptic-ulcer/diagnosis-treatment/diagnosis/dxc-20231745

  • http://www.webmd.com/digestive-disorders/understanding-ulcers-treatment#1

  • https://www.cdc.gov/ulcer/consumer.htm

  • http://health.howstuffworks.com/diseases-conditions/digestive/spicy-food-ulcers.htm