Nalalapit na ang Valentine’s Day at tayo’y abala kung ano ang ihahandog na sorpresa para sa ating mga kasintahan o asawa. Imbis na kumain sa mahal na restaurant, maaari kang maghanda ng special dinner na binubuo ng mga masustansyang pagkain. Ang magandang kalusugan ay makabuluhang regalo lalo na kung gusto mong maging healthy ang puso ng iniibig sa Araw ng Mga Puso.
Kami ay bumuo at naglikom ng ilang low fat at low cholesterol na recipes. Ang mga ito ay ikakatuwa mo at ng iyong sweetheart dahil masarap at masustansyang pagkain ang iyong mga lulutuin.
Tinapa and Mango Burrito
Kinahihiligan ng maraming Pinoy ang tinapa dahil sa taglay na pinausukang linamnam. Sasarap pa ito lalo kapag ipinareha sa matamis na mangga, sour cream, sibuyas, bawang, at tortilla wrapper. Sa unang tingin, parang kakaiba ang kombinasyon, ngunit mabibigla ka sa nakakatuwang pagkakahalo ng mga lasa.
Mga Sangkap
1 mangga, sliced into inch-long pieces
1 tinapang bangus
1 tortilla wrapper
1 lata ng sour cream
1 sibuyas, chopped
1 ulo ng bawang, minced
1 dahon ng letsugas
Paminta
Asin
Hakbang sa Pagluluto
-
Prituhin ang tinapang bangus gamit ang canola oil para makapaghanda ng low cholesterol food. Pagkatapos ay i-mince ang laman.
-
Ilagay sa blender ang sour cream, bawang, at ¼ na bahagi ng minced tinapa, para gawin ang sauce. Idagdag ang paminta at asin nang ayon sa iyong panlasa.
-
Ilagay sa tortilla wrapper ang letsugas, sibuyas, mangga, at laman ng tinapa.
-
Maglagay ng sauce.
-
Tustahin nang bahagya sa kalan ang Tinapa and Mango Burrito, tapos ay i-serve.
Tuna, Pomelo, and Mango in Asian Dressing
Naghahanap ka ba ng salad na low salt, nagdudulot ng weight loss, at masagana sa heart healthy properties? Walang kahirap-hirap gawin ang recipe na ito. Pumunta ka lang sa Salad Dressing Section at tiyak na mahahanap mo ito. Habang andun, kumuha ka na rin ng canned tuna, letsugas, pomelo, mangga, at kasoy.
Mga Sangkap
1 balot ng Asian Dressing
2 maliit na lata ng tuna
2 ulo ng letsugas
1 cup ng kasoy
1 mangga, sliced into inch-long pieces
3 parte ng pomelo, chopped
2 sibuyas, chopped
2 - 3 kamatis, chopped
1 tsp katas ng calamansi o lemon
Hakbang sa Pagluluto
-
Igisa ang isang sibuyas hanggang sa lumambot.
-
Ilagay ang tuna at lutuin nang medium heat sa loob ng 3 minuto.
-
Isama ang lemon juice at lutuin ng 5 minuto.
-
Ilagay sa salad bowl ang tuna, mangga, letsugas, pomelo, at kasoy.
-
Idagdag ang Asian Dressing nang ayon sa panlasa at haluin.
-
Dagdagan ng Asian Dressing kung nakukulangan ka pa sa sauce.
-
I-serve.
Grilled Eggplant and Mixed Vegetables in Vinaigrette
Gaya ng Asian Dressing, nahahanap ang vinaigrette sa halos lahat ng grocery kaya huwag masindak sa eleganteng pangalan. Bumili na rin ng mga talong, cheddar cheese, olive oil, bell pepper, canned mushrooms, at sibuyas.
Mga Sangkap
2 talong
2 cups olive oil
½ bell pepper, diced
½ canned mushrooms
Grated cheese
2 tsp. vinaigrette
1 sibuyas, chopped
2 maliit na kamatis, chopped
Hakbang sa Pagluluto
-
Ihawin ang mga talong hanggang sa matusta sila nang bahagya.
-
Balatan ang mga talong at tanggalin ang tangkay.
-
Sa isang bowl, paghalu-haluin ang olive oil, kamatis, bell pepper, at canned mushrooms upang magawa ang mixed vegetables.
-
Ilagay ang mixed vegetables at sibuyas sa taas ng talong.
-
Budburan ng keso at ilagay ang vinaigrette.
-
I-serve kasama ang kanin.
Kung gusto mo naman ng mas healthy na option, ihalo ito sa mga dahon ng letsugas para sa isang exciting na salad.
Sources:
-
Based on the recipes of the owner of Wrap Battle, a Mercato booth
-
https://www.helpguide.org/articles/diet-weight-loss/heart-healthy-diet-tips.htm