Ano ba ang New Year’s resolution? Kasama na sa kaugalian nating mga Pilipino ang pagkakaroon nito sa tuwing sasapit ang bagong taon. Ang New Year’s resolution ay isang personal commitment ng isang indibidwal sa kanyang sarili.
Maaaring ito ay pangako ng pagpapa-unlad sa sarili, personal changes, o di kaya nama’y isang bagay na ipagsasakatuparan sa pagpasok ng panibagong taon. Marami tayong pwedeng maging New Year’s resolution at ilan dito ay ang mga sumusunod.
Magbawas ng stress
Walang makakatanggi na ang stress ay nakakasama sa bawat isa sa atin. Kaya sa darating na 2017, isa sa gawing personal changes ay ang pagbabawas ng stress. Maraming pwedeng gawin upang ma-cut ang stress na iyong naranasan ngayong 2016. Umpisahan sa pag-eevaluate ng mga bagay na nakakapag pa-stress sa iyo at isulat ang mga hakbang upang maiwasan na ang mga bagay na ito. Gawing isa sa iyong 2017 goals ang pagrerelax at pakikisalamuha ng mas matagal kasama ang pamilya.
Regular na ehersisyo
Ang regular na pag-eexercise ay makakatulong upang mapalakas at mapasigla ang ating katawan. Upang makatulong sa iyong pag-eehersisyo, gumamit ng pedometer. Ayon sa isang pag-aaral, ang paggamit ng equipment na ito ay makapaghihikayat sa iyong maglakad ng mas mahaba kumpara sa normal na layo na nilalakad mo sa araw-araw. Ang paggamit ng pedometer ay nakakapagpabawas ng timbang at nakakatulong sa pagpapababa ng iyong blood pressure. Iminumungkahi ang paglalakad ng mabilis sa loob ng 30 minuto at 10,000 na hakbang araw-araw.
Matulog sa tamang oras at magkaroon ng sapat na pahinga
Kung ang iyong 2016 ay punung-puno ng pagpupuyat at pagta-trabaho, gawing 2017 goals ang pagtulog ng maaga at pagkakaroon ng sapat na pahinga. Ito ay makakatulong upang makapag renew ng lakas ang katawan at mapahinga ang ating isipan. Makapagbibigay din ito ng magaang pakiramdam at makakatulong upang makaiwas tayo sa pagkakaroon ng heart diseases, at mapatalas lalo ang ating memorya.
Umiwas o huminto sa paninigarilyo
Hindi na lingid sa ating kaalaman ang mga masamang dulot ng paninigarilyo. Kung ikaw ay sumubok nang huminto sa gawaing ito, ngunit makailang beses na ring nabigo, huwag sumuko at isama pa rin ito sa iyong new year’s resolution. Maaari kang makipag-usap sa isang ex-smoker upang mabigyan ka ng mga epektibong hakbang. Maaari rin namang sumangguni at manghingi ng guidance sa mga ahensya o grupo na tumutulong para matulungan ang mga smokers na huminto sa paninigarilyo. Subukan ding magbawas ng pagkonsumo ng sigarilyo. Unti-untiin ito hanggang sa tuluyang maiwasan na ang bisyo. O di kaya nama’y sumailalim sa mga medikasyon na available tulad ng nicotine patch na nakakabawas sa iyong ganang manigarilyo.
Kumain ng tama at masustansyang pagkain
Gawing isa sa personal changes din ang pagkain ng tama at masustansyang pagkain. At dahil sa magkasunod ang pasko at bagong taon, tiyak na marami sa atin ang mangangakong mag da-diet pagpasok ng 2017. Ngunit, isaisip na ang pagbabawas ng timbang sa pamamagitan ng pag di-dyeta ay hindi nangangahulugan na ikaw ay malusog na. Mas mabuting kumain ng tama tuwing 4 na oras at kumain ng “second lunch.” Ang pagkain nito ay makapagpapanatili ng enerhiya sa hapon at makakapawi ng pagkagutom sa gabi. Samantala, tiyakin din na masustansya ang pagkain na iyong kinokonsumo. Tandaan na hindi magiging mabisa ang pagbabawas ng timbang kung hindi naman tama at masustansya ang proseso nito.
Ang mga inilahad sa itaas ay ilan lamang sa ating pwedeng maging healthy New Year’s resolution. Nariyan pa ang pagpapatibay ng samahan ng pamilya, pakikisalamuha sa mga kaibigan, at pagpapa-unlad pa lalo ng career.
Ano man ang iyong plano sa darating na taon, sikapin na maisakatuparan ang mga 2017 goals na ito upang mas mapabuti pa ang ating kalusugan at kabuhayan.
Sources:
http://www.remate.ph/2011/01/new-year%E2%80%99s-resolution/
http://phildigest.jp/?p=3791
http://www.akoaypilipino.eu/libangan/libangan/editoryal/bagong-taon-na-kailangan-ba-ng-new-year-s-resolution.htm