‘Di maipagkakailang masarap kumain sa dami ng masasarap na byandang Pinoy, kung kaya madalas napaparami ang konsumo, lalo na kung may selebrasyon. Dahil dito, marami sa atin ang nakakaramdam ng hindi magandang reaksyon sa ating tiyan. Upang maiwasan ito, kailangang alalahananin ang tamang nutrisyon para sa digestive system.
Kung tutuusin, kailangan lang naman natin ayusin ang ating diet upang matulungan ang ating tiyan at bituka sa pagtunaw ng ating mga kinakain. Kabilang dito ang H.O.P.E. Formula o mga pagkaing high fiber at naglalaman ng omega 3, 6, and 9, probiotics, at mga enzyme. Narito ang iba’t ibang pagkaing ayon sa apat na kategoryang ito.
High Fiber
Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng ating digestive system ay ang fiber. Kailangan natin ng 20-30 grams ng fiber kada araw, dahil importante ito sa pagtatanggal ng dumi at toxins sa katawan at sa pag-iwas sa pagtatae. Bukod sa nasabing benepisyo, ang ilang high fiber foods ay naglalaman din ng antioxidants at marami pang ibang sustansya.
Ilang halimbawa ng mga pagkaing masagana sa fiber ay ang tinapay na whole wheat, oats, brown rice, sitaw, munggo, patani. Maliban dito, maganda ring pagkuhanan ng fiber ang saging, kamote, avocado, repolyo, at zucchini.
Omega Acids
Imbis na lagiang kumain ng mga mamantikang karne tulad ng steak o burger, piliin na lamang ang mga pagkaing mayaman sa omega acids, tulad ng omega-3, omega-6, at omega-9. Pinapabuti ng mga ito ang lahat ng operasyon ng katawan, kabilang ang digestive system at pangangalaga ng kabuuang gut health.
Ang mga pagkaing mayaman sa omega-3 – na tumutulong sa mga tungkulin ng digestive tract at puso – ay ang salmon, tuna, fish oil, mackerel, at iba pang lamang-dagat. Pagbibigay-lunas naman sa pamamantal at pamamaga na nagdudulot ng iba’t-ibang sakit ang pakinabang ng omega-6. Nakukuha ito sa palm oil, nuts, itlog, manok, at mga cereal. Ang omega-9 naman ay nagpapababa ng cholesterol at pinapalakas ang immune system. Kumain ng nuts, olives, at olive oil para makuha ang nasabing sustansya.
Probiotics
Ang tiyan natin ay nangangailangan ng good bacteria para matunaw ang ating mga kinain, at ang mga ito ay tinatawag na probiotics. Mahalaga ang mga ito sa pag-iwas sa pagtatae at mga sakit sa bituka. Tumutulong din ang mga ito sa pagtanggal ng dumi at toxins sa katawan. Sa katotohanan hindi mahirap hanapin ang probiotics dahil marami itong pinagkukunan:
-
Unsweetened yogurt
-
Kimchi
-
Miso
-
Pickles
-
Gatas na may probiotics
-
Apple cider vinegar
-
Olives
Enzymes
Kailangang matunaw ang mga kinain bago masala ng katawan ang mga sustansya na dapat likumin at dumi na dapat alisin. Dito pumapasok ang mga enzyme na tumtulong sa pagtunaw ng mga kinain sa tiyan at iba pang operasyon ng digestive system. Ang mga pinagkukunan ng mga ito ay naglalaman din ng iba’t-ibang sustansya na namamahagi ng benepisyong anti-inflammatory at anti-nausea.
Maraming prutas at gulay ang naglalaman ng enzymes, gaya ng luya at kimchi. Dagdagan ang konsumo sa mga ito upang makaiwas sa sakit sikmura at mga mas malubhang digestive problems.
Bukod sa pagkonsumo sa mga nabanggit na sustansya at pagkain, makakabuti sa iyong gut health ang pagkontrol sa konsumo ng soft drinks, matatabang pagkain, mamamantikang ulam, carbohydrate-rich foods at mga pagkaing mayaman sa asukal. Ang labis na konsumo sa mga ito ay maaaring magdulot ng mga digestive problems. Ngunit huwag mabahala, dahil ang iyong tiyan ay laging mayroong H.O.P.E. – high fiber, omega acids, probiotics, at enzymes,.
Sources:
- http://www.health.com/health/gallery/0,,20551987,00.html/view-all
- http://www.everydayhealth.com/digestive-health-pictures/superfoods-that-help-digestion.aspx
- http://www.bbcgoodfood.com/howto/guide/what-eat-better-digestion
- http://www.mindbodygreen.com/0-12848/7-foods-that-will-work-wonders-on-your-digestion.html
- http://www.globalhealingcenter.com/natural-health/benefits-of-omega-3-6-9-fatty-acids/
- http://www.webmd.com/digestive-disorders/features/what-are-probiotics#1
- http://www.webmd.com/diet/healthy-kitchen-11/omega-fatty-acids