Paano Gumawa ng Isang Healthy Routine?

February 24, 2017

 

Mayroong dalawang importanteng aspeto ang isang healthy routine: ang pagkakaroon ng healthy at balanced diet o tamang pagkain, at regular exercise at pagkakaroon ng aktibong pangangatawan. Kung mayroon kang healthy lifestyle, makakaiwas ka sa maraming sakit at magiging mas malakas ang iyong katawan.

 

Sa pagkakaroon ng healthy routine, maaaring maraming babaguhin sa iyong mga nakasanayan. Ang pagsasaayos ng iyong diet at ilan sa mga nakasanayang gawain ay mahalaga sa pagiging healthy at disease-free. Tunghayan ang hinanda naming mga tuntunin.

 

Step 1: Magsaliksik

 

Alamin ang mga importanteng detalye ng tamang diet plan, fitness plan, at kung ano ang mga dapat gawin sa pagkakaroon at pagpapanatili ng isang healthy routine. Para sa healthy diet, magsaliksik tungkol sa tamang nutrisyon, mga pagkain na dapat iwasan, tamang oras ng pagkain, healthy foods, at iba pa.

 

Ganito rin para sa ehersisyo. Magsaliksik tungkol sa regular exercise at mga uri ng ehersisyo. Alamin ang mga pangangailangan ng iyong katawan at ang mga exercise na pupunan ang mga ito. Maaaring magsimula sa full-body exercise, para magkaroon ng work out ang lahat ng parte ng katawan, bago pagtuunang pansin ang mga partikular na bahagi gaya ng dibdib o mga binti.  

 

Kasama sa unang hakbang ang pagkonsulta sa espesyalista. Sumangguni sa doktor para malaman kung may mga ehersisyo na bawal o dapat iwasan. Kumonsulta naman sa fitness coach o gym instructor para malaman at magawa nang tama ang bawat ehersisyo.

 

Step 2: Magtakda ng petsa, araw, o panahon

 

Mahalaga ang gagampanang papel ng pagtatakda ng panahon sa pagkakaroon ng healthy routine. Una, ito ang maghuhudyat ng panimula ng healthy routine, patungkol man sa diet plan o ehersisyo. Pangalawa, para maipagpatuloy ang nasimulang healthy routine, kailangan ding magtakda ng petsa sa bawat gawaing hinaharap. Ikaw ay mao-obligang kumilos dahil mayroon kang mga deadline na hinahabol.

 

Step 3:  Humanap ng paraan para manatiling nakapokus at ganado sa pagsunod sa healthy routine

 

undefined

 

 

Ang hamon sa isang healthy routine ay ang kakayanan ng isang tao na sundin ang nakatakdang diet plan at ehersisyo. Maraming dahilan para ang isang tao ay tamarin o mawalan ng gana. Maaaring maghanap ng kasama sa pag-eehersisyo para ikaw may makakausap sa tuwing tatamarin. Kapag may kasama, lalo na kung pareho kayo ng layunin, maaari niyong udyukan ang isa’t-isa sa pagpapatuloy ng fitness routine. Sa pagdyedyeta naman, laging isaisip ang iyong layuning maging mas healthy para hindi mawalan ng gana.  

 

Step 4: Sanayin ang istriktong pagsunod sa healthy routine

 

Makakasanayan lamang ang isang bagay kung istriktong susundin ang lahat ng gawaing hinaharap. Iwasang lumihis sa nakalatag na plano at iwasang gumawa ng dahilan para makaiwas sa planong ehersisyo o pagkain. Kapag tuloy-tuloy na ang pagtupad sa mga nakaplanong pagkain at ehersisyo sa araw-araw, dito na magsisimula ng pagkakaroon ng healthy routine.

 

Matinding disiplina ang kailangan dito kaya kumuha ng suporta sa iyong mga kaibigan at mahal sa buhay kung nahihirapan ka sa mga pagbabago. Huwag mag-alala; dadali ang lahat kapag ikaw ay nagsimulang masanay sa panibagong pamumuhay.

 

Step 5: Magsaliksik muli upang mapagbuti o ma-improve ang kasalukuyang healthy routine

 

undefined

 

 

Maaaring baguhin ang healthy routine, ngunit ito ay sa ngalan lamang ng pagpapabuti ng nasimulang mga gawain at kaugalian sa pagkain at ehersisyo. Pwedeng maglatag ng bagong pangkat ng ehersisyo at maghanda ng panibagong diet plan kung gusto mong pagandahin pa lalo ang iyong mga layunin. Kumonsulta rin sa espesyalista upang masukat kung gaano ka-epektibo ang iyong ginagawa.

 

Sa pagbubuo ng healthy routine, laging tandaan na hindi ka dapat lubos na nastre-stress-out sa mga gawain. Kailangan din ang pagkakaroon ng sapat na tulog dahil ito ang nagbibigay sa’yo ng enerhiya para gampanan ang fitness plan. Importante rin ang pag-iwas sa bisyo dahil pahihinain nito ang iyong katawan.
 

Sources: