What is Prediabetes?

March 15, 2023

Ano ang Diabetes?

Bago natin talakayin ang prediabetes, importante muna balikan kung ano ang diabetes, at ano ba ang kaakibat ng sakit na ito.

Ang diabetes ay isang kondisyon kung saan masyadong mataas ang ating blood sugar. Nangyayari ito kapag hindi na kaya ng ating lapay (o pancreas) gumawa ng insulin (Type 1 Diabetes) o kaya naman kulang na o hindi na gumagana ang insulin na ginagawa ng ating katawan. Ang insulin ay hormone na tumutulong sa ating katawan gumamit ng blood sugar na nakukuha natin sa pagkain.

Ang diabetes ay maaaring magdulot ng ilang sintomas tulad ng laging pagka-uhaw, madalas na pag – ihi, pangangayayat, o paglabo ng paningin. Maaaring magdulot ng mga komplikasyon ang diabetes tulad ng tuluyang panlalabo ng paningin, paghina ng ating kidneys o bato, at pagkakaroon ng problema sa ating mga nerves o ugat na tumutulong sa pakiramdam at paggalaw. Importanteng maintindihan na hindi agad-agad nagpapakita ang mga komplikasyon na ito – maaaring abutin ng taon – bago malaman. Karamihan ng mga taong napag – aalaman na may diabetes ay mayroon na ng mga komplikasyon na ito. Ang diabetes rin ay salik sa pagkakaroon ng sakit sa puso, stroke, at altapresyon.1

Ano naman ang Prediabetes?

Ang prediabetes ay isang kondisyon kung saan mataas ang blood sugar ng isang tao, ngunit hindi pa ito pasok sa cutoff para maturing na diabetes. Ang ibang tawag sa prediabetes ay impaired fasting glucose (IFG) o impaired glucose tolerance (IGT).2

Bakit mahalaga malaman kung ako ay mayroong Prediabetes?

Isang salik o risk factor ang prediabetes sa pagkakaroon ng diabetes at sakit ng puso. Importante malaman kung mayroong prediabetes ang isang tao dahil magaganahan silang aksyunan ito at gawin ang kailangan bago lumala ang kanilang kondisyon.

Ang prediabetes ay reversible – ibig sabihin nito ay maaari pang mapigilan ang paghantong nito sa diabetes. Ayon kay Dr. Gutierrez,  mula sa Philippine College of Endocrinology and Metabolism – maaari itong ihalintulad sa pagtawid ng tulay. Sa kabilang dako ng tulay ay diabetes, pero kung ikaw ay nasa gitna pa lamang ng tulay (prediabetes), maaari ka pang bumalik at hindi ipagpatuloy ang hakbang patuloy doon – kumbaga may kapasidad ka pang baguhin ang kurso ng prediabetes.3
Paano nagkakaroon ng Prediabetes?

Ang ating  lapay o pancreas ay gumagawa ng hormone na insulin. Ang insulin ay tumutulong sa ating katawan gumamit ng  blood sugar – ang blood sugar na ito ay tinatawag rin na glucose at nanggagaling sa carbohydrates na matatagpuan sa ating pagkain. Kapag hindi gumagana ang insulin, nananatili lamang ang glucose sa dugo at tumataas ang ating blood sugar. Ang tawag rito ay insulin resistance. 4

Hindi pa tuluyang natutukoy kung ano ang dahilan ng insulin resistance. Sa tingin ng mga eksperto ay ang obesity, lalo na ang taba sa paligid ng tiyan, ay isa sa mga pangunahing dahilan. 5

Ano ang sintomas ng taong may Prediabetes?

Karaniwan ay walang sintomas ang prediabetes. Ang ibang tao ay may maiitim na balat sa kili – kili o likod ng leeg na tinatawag na acanthosis nigricans.5

Dapat ba akong magpa – test para sa Prediabetes/Diabetes?

Maiging magpakonsulta sa iyong doktor upang malaman kung ikaw ay kandidato na magpatest. Ilan sa mga salik na pwedeng gamitin ng iyong doktor upang malaman kung kailangan kang itest:6

  • Edad >40 years old
  • History na nagkaroon ng diabetes noong pagbubuntis o gestational diabetes mellitus, o kaya ay nanganak ng bata na tumitimbang ng 8 lbs o mas mataas pa
  • Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS)
  • Overweight (Body Mass Index >23kg/m2)
  • Waist circumference katumbas ng o mas higit sa 80 cm (para sa mga babae) at 90 cm para sa mga lalake
  • Kamag – anak (first degree relative) na may type 2 diabetes
  • Altapresyon
  • Pagkakaroon ng mga sakit sa daulyan ng dugo tulad ng stroke o coronary artery disease
  • Pangingitim ng kili kili o batok (acanthosis nigricans)
  • Schizophrenia, isang mental health disorder
  • HDL  o good cholesterol na mas mababa sa 35 mg/dL at/o triglycerides na mas mataas sa 250 mg/dL (makukuha ang mga ito sa isang lipid profile test, isang uri ng blood test)

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/image-obese-woman-thinking-something-while-1464360383
 

Paano ko malalaman kung mayroon akong Prediabetes?

Matutukoy kung mayroon kang prediabetes sa pamamagitan ng blood sugar testing. Bago isagawa ang test na ito ay kailangan wala kang kinain na pagkain o tubig ng walong oras. Ito ang tinatawag na Fasting Blood Sugar.

Maaari ka rin painumin muna ng 75 gramo ng glucose na nasa tubig at kukuhanan ka ng dugo pagkalipas ng dalawang oras. Ang tawag rito ay 75 g oral glucose tolerance test. Ang isa pang paraan ay kuhanan ka ng isa pang blood test, ang tinatawag na HbA1c.

Maituturing na mayroon kang PRE – DIABETES  kung ang iyong blood sugar result ay:3,7

  1. Fasting Blood Sugar: 100 – 125mg/dL (Impaired Fasting Glucose)
  2. 75 oral glucose tolerance test: 140 – 199 mg/dL (Impaired Glucose Tolerance)
  3. HbA1c: 5.7 – 6.4%

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/blood-samples-hba1c-sugar-test-diagnosis-2030524727
 

Kung ako ay may prediabetes, ano ang maaari kong gawin upang hindi ito humantong sa diabetes?

Lifestyle modification o pagbabago sa ating pang araw-araw na gawain ang pangunahing gamutan para sa prediabetes. Ang pangunahing pakay ay pagbabawas ng timbang at ang pagbaba ng blood glucose o sugar levels sa normal. Importante rin ang pageehersisyo at pagpili ng tamang pagkain. Para sa dyeta, maaaring subukan ang Dietary Approaches to Stop Hypertension (DASH) na dyeta o kaya naman ang Mediterranean – Style Diet.  Importante rin na tumigil manigarilyo kung ikaw ay naninigarilyo.

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/two-overweight-happy-women-doing-workout-708076393

Maaaring subaybayan ang progress sa pamamagitan ng pagkuha ng fasting blood sugar  o Hba1C kada taon o ayon sa rekomendasyon ng inyong doktor.8

Para sa mas detalyadong paraan ng pagtukoy sa akmang gamutan sa inyo, maiging magpakonsulta sa isang:

  1. Board–Certified Endocrinologist o Board–Certified General Internist o Internal Medicine Doctor
  2. Nutritionist/Dietitian (para makatulong sa pagbabawas ng timbang)

Maaari mong isipin na ang pagkakaroon ng prediabetes ay isang paalala ng iyong katawan na maging mas maingat sa pagkain at paglalaan ng oras sa paggalaw o ehersisyo. Sa tamang pamamaraan, maaantala o mapipigilan ang pagtuloy nito sa diabetes.

References:

  1. https://www.uptodate.com/contents/overview-of-general-medical-care-in-nonpregnant-adults-with-diabetes-mellitus?sectionName=Diabetes-related%20complications&search=impaired%20fasting%20glucose&topicRef=1812&anchor=H2&source=see_link#H2
  2. https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/diabetes-pre-diabetes
  3. https://endo-society.org.ph/pre-diabetes-reversible-path-diabetes/
  4. https://www.cdc.gov/diabetes/basics/prediabetes.html
  5. https://www.niddk.nih.gov/health-information/diabetes/overview/what-is-diabetes/prediabetes-insulin-resistance#causes
  6. https://www.pcdef.org/philippine-clinical-practice-guidelines-for-diabetes
  7. https://diabetes.org/diabetes/a1c/diagnosis
  8. https://www.uptodate.com/contents/prevention-of-type-2-diabetes-mellitus?search=prediabetes&source=search_result&selectedTitle=3~150&usage_type=default&display_rank=2