Pagkapanganak ng mga nanay, ang kalusugan ng kanilang mga sanggol ang pangunahing priority nila at ng kanilang asawa. Sabi nga nila, kapag may anak ka na, mas iisipin mo ang kanilang kapakanan kaysa sa sarili mo. Ngunit hindi ito rason para pabayaan ng mga bagong ina ang kanilang sarili lalo na pagkatapos manganak.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2014, nasa 200 na sanggol ang ipinapanganak oras oras. Sa siyam sa sampung panganganak, may doktor o nurse o midwife na kasama ang mga nanay. Base naman sa ulat ng World Health Organization (WHO), UNICEF, United Nations Population Fund (UNFPA), World Bank Group at United Nations Population Division noong 2015, sa loob ng 100,000, mayroong 114 na bagong panganganak na nanay ang namamatay.
Narito ang dalawang pangunahing sakit na nararanasan ng mga babaeng bagong panganak.
-
Postpartum depression
Ito ay ang labis na pagkalungkot matapos manganak ng isang nanay. Mayroong tinatawag na 'baby blues'na nagtatagal lamang ng ilang araw hanggang dalawang linggo pagkatapos manganak. Ang nanay na mayroong 'baby blues' ay malungkot, balisa at hirap matulog. Ang postpartum depression ay maaaring mapagkamalang baby blues. Ang depression na nararanas ng mga bagong ina ay mas matagal at mas intense. Nakakaapekto ito sa kakayanan nitong mag-alaga ng anak at iba pang pang araw-araw na gawain.
Sintomas ng Postpartum depression
-
Umiiwas sa pamilya at kaibigan
-
Hindi na naalagaan ang sarili at anak
-
Nahihirapang makipag-bonding sa bagong anak
-
Natatakot na hindi sila mabuting ina
-
Nakakaranas ng malalang mood swings, pagkabalisa at panic attack
-
Sobra o kulang ang tulog
-
Nawalan ng interes sa pang araw-araw na gawin
-
Naiisip na saktan ang anak
-
Naiisip na magpakamatay.
-
Labis na pag-iyak
-
Madaling mairita at magalit
Kapag hindi naagapan at naikonsulta sa doktor, ang postpartum depression ay maaaring magtagal ng ilang buwan. Kasabay ng bagong anak ay ang pagbabago sa buhay ng isang babae, mapa-pisikal man o emosyonal. Tandaan na ang postpartum depression ay isang medical condition at hindi lamang basta bastang damdamin ng mga bagong panganak.
-
Postpartum Hemorrhage
Ito ay ang labis na pagdurugo pagkatapos manganak. Ito ang pangatlong sanhi ng pagkamatay ng mga nanay sa panganganak. Nangyayari ito kapag ang uterus ng babae ay hindi nag-contract pagkatapos manganak. Nagsisimula ang hemorrhage, isang linggo o higit pa.
-
Impeksyon ng matris
Ang placenta o inunan ng babae ay humihiwalay sa gilid ng matris habang nanganganak at lumabas sa katawan ng babae 20 minuto pagkatapos manganak. Maaaring magkaroon ng impeksyon kapag may natirang mga bahagi ng inunan sa matris.
Narito ang mga sintomas ng impeksyon ng matris:
-
Narito ang mga sintomas ng impeksyon ng matris
-
Mataas na lagnat
-
Mabilis na tibok ng puso
-
Abnormal na bilang ng white blood cells
-
Namamagang matris
-
Mabahong discharge
-
-
Pananakit ng Kaluban
Ang kaluban ay ang butas ng babae kung saan lumalabas ang bata. Normal lamang na sumakit ang bahaging ito dahil nahihila ito at minsan pa ay napupunit sa panganganak. Maghihilom din ito ilang linggo pagkatapos manganak. Makakatulong ang paglalagay ng malamig o mainit na tubig sa bahaging ito para maiwasan ang impeksyon at pamamaga. Importante ding maghugas nang maayos kung dudumi para makaiwas sa mga germs na nasa may pwetan. Kung nahihirapan sa pag-upo, maaaring gumamit ng unan para mabawasan ang pressure sa may kaluban.
-
Pamamaga ng suso
Dalawa hanggang apat na araw pagkatapos manganak, ang suso ng ina ay lalaki, titigas at mamamaga dahil sa gatas na mayroon ito. Para maging komportable, mahalagang magsuot ng bra na tama ang sukat at maglagay ng yelo sa apektadong bahagi. Mawawala ng bahagya ang pamamaga kapag mayroon ng breast-feeding patters o di kaya kapag tumigil na ang katawan sa paggawa ng gatas.
-
Impeksyon sa tahi ng C-section
Importanteng huwag kamutin ang sugat kapag ito ay nangangati. Maaaring maglagay ng lotion para mawala o mabawasan ang kati. Kapag naman namula at namaga ang balat kung nasaan ang tahi, agad magpakonsulta sa doktor.
Sources:
- http://www.webmd.com/parenting/baby/features/postpartum-problems#1
- https://psa.gov.ph/content/live-births-philippines-2014
- http://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/healthandwellness/571904/maternal-mortality-in-phl-declined-during-aquino-term-un-report/story
- http://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=the-new-mother---taking-care-of-yourself-after-birth-90-P02693
- http://health.wikipilipinas.org/index.php/Depresyon_matapos_manganak
- http://www.webmd.com/depression/postpartum-depression/understanding-postpartum-depression-symptoms#1
- http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/postpartum-depression/basics/symptoms/con-2002913