Ang kababaihan ay may mga partikular na pangangailangan na hindi ugnay sa mga katangian ng mga lalaki. Dahil dito, may mga karagdagang bagay na dapat alamin ukol sa women’s health sa tuwing nagpapa-check up. Ang resulta ng mga test ay handang ibigay ng doktor, ngunit kung minsan, dahil sa dami ng inaasikasong pasyente, nakakaligtaan na ang ilang bagay. Maganda kung makapaghanda ka ng mga tanong upang matugunan ang maaaring problema sa katawan.
Ano nga ba ang mga katanungang ito? Narito ang ilang tanong na maaari mong isangguni sa susunod na doctor’s consult.
Ano ang maari kong gawin para hindi ako magkakaproblema sa panganganak?
Sa pagtatanong nito, susuriin ng doktor ang sensitibong bahagi ng iyong katawan at aalamin ang iyong fertility. Makikita rin ng doktor kung meron kang sakit na maaaring humadlang sa iyong pagdadalang tao. Kung wala namang makitang problema, bibigyan ka niya ng makabuluhang payo upang makasiguradong hindi magkakaroon ng aberya ang iyong pagbubuntis balang araw.
Para naman sa may sakit, makikita ng doktor kung makakaapekto ito sa iyong pagbubuntis; gaya ng diabetes, kung saan pinapayuhan ang pasyente na huwag magpabuntis habang mataas ang blood sugar.
Ano ang probabilidad na magkaroon ako ng breast cancer?
Ang breast cancer ay isa sa mga pinakakaraniwang concern para sa women’s health, at dahil dito, importanteng malaman agad kung ikaw ay mayroon nito. Maaaring gumaling sa naturang karamdaman, ngunit kailangang mabigyang lunas agad ang sakit bago ito lumala o kumalat. Aalamin ng doktor kung ikaw ay mayroong kakaibang bukol sa iyong dibdib, na senyales ng cancer. Maaari ka ring sumailalim sa x-ray upang makita ng doktor kung may namuo nang tumor sa iyong suso.
Healthy ba ang aking timbang?
Kapag ikaw ay payat o may kaunting katabaan, hindi nangangahulugang wasto na agad ang iyong timbang. Magkakaiba ang uri ng pangangatawan ng tao, at maraming factor ang kailangang tingnan bago masabing mainam ang iyong timbang para sa iyong pangangatawan. Upang makasigurado, itanong ito sa susunod na doctor’s consult. Aalamin ng doktor ang wastong timbang para sayo at ang mga hakbangin upang makamit ito.
Tandaan na ang labis na kapayatan ay maaaring senyales na hindi nakakakuha ang katawan ng sapat na nutrisyon, samantalang ang katabaan naman ay naglalapit sayo sa malulubhang sakit gaya ng stroke at atake sa puso.
Tuwing kailan ako dapat magpa-check up?
Kung ikaw ay malusog, maaaring magpa-check up kada taon o dalawang taon. Subalit, kung ikaw ay may sakit, may dinadalang injury, o may chance magkaroon ng breast cancer, mas madalas kayo dapat kumonsulta sa doktor. Kaniyang sasabihin kung kailan ka dapat magpa-schedule ng appointment pagkatapos ng check-up.
Mga katanungan tungkol sa sensitibong bahagi ng katawan
Kung magpapatingin sa iyong gynecologist, huwag mahiyang tanungin o aminin kung may kakaibang napapansin sa iyong ari o inilalabas ng iyong ari. Maaaring normal lamang ito o sintomas ng sakit. Propesyonal ang doktor sa mga ganitong bagay kaya wala kang dapat ikabahala.
Maaari ka ring magtanong tungkol sa pakikipagtalik, libido, at iba pang kaugnay na tanong upang magkaroon ng kapayapaan ng isip.
Malaki ba ang panganib sa akin ng high blood at diabetes?
Ang pagkakaroon ng mataas na blood pressure at blood sugar level ay nagdadala ng mga nakamamatay na sakit kaya dapat mapababa ito agad. Bukod dito, hindi agad nararamdaman ang sintomas ng high blood at diabetes hanggang sa nakapagdulot na ang mga ito ng pinsala. Ipatingin sa doktor ang iyong blood sugar, blood pressure, at cholesterol level upang makita kung ikaw ay ligtas sa mga nasabing sakit at malaman kung paano iiwasan ang mga ito.
Bukod sa pagtatanong, mainam ang magpatingin sa pagamutan kung saan ikaw ay mayroon nang medical record upang mas madalian ang doktor malaman ang antas ng iyong kalusugan. Mas madali din niyang makikita kung ikaw ay may sakit base sa iyong mga nakaraang bisita. Kung kilala ka na ng doktor, hindi siya mahihirapang bigyan ka ng magagandang payo.
Sources:
· http://www.huffingtonpost.com/entry/questions-to-ask-doctor_us_5630d5a7e4b00aa54a4bfd62
· http://www.livestrong.com/blog/7-questions-ask-doctor-better-checkup/
· http://www.health.com/health/article/0,,20411731,00.html
· http://www.shape.com/lifestyle/mind-and-body/13-questions-youre-too-embarrassed-ask-your-ob-gyn