Ang banta ng pagkakasakit ay hinaharap ng lahat ng tao sa dami ng maaaring maging sanhi nito. Para sa kababaihan, may mga sakit na mas mataas ang posibilidad na dumapo sa kanila, at gayun din ang kalalakihan. Upang mapangalagaan ang women’s health, dapat kilalanin ang mga ito.
Ang ilan sa women’s diseases ay malubha, gaya ng breast cancer at lupus, kaya dapat pagtuunan-pansin ang mga tatalakaying sakit. Kung nakaranas ng kakaiba o kung hinala mong mayroon ka ng mga ito, maaaring sumangguni sa iyong doktor.
Breast Cancer
Lahat ng uri ng cancer ay nakamamatay, lalo na kung ito ay hindi agarang naagapan. Sa kabutihang palad, ang breast cancer ay napapagaling kung maaga itong natuklasan, gamit ang breast cancer screening, at pagkatapos sumailalim sa therapy o operasyon. Napipigilan din ang pagkalat ng cancer cells sa katawan sa masusing pag-inom ng mga gamot tulad ng tamoxifen, raloxifene, anastrozole, at letrozole.
Kabilang sa mga sintomas ng breast cancer ay ang pagkakaroon ng kakaibang bukol sa suso, biglaang pagkakaroon ng inverted nipple, pagtutuklap ng balat sa may nipple, at pag-iiba ng hugis at anyo ng suso. Pumunta agad sa ospital kung maranasan ang mga ito para maisalang ka agad sa mammogram na tumutulong sa pagtuklas ng mga tumor sa suso.
Bukod dito, maaari ka ring sumailalim sa pap smear upang malaman kung ikaw ay may cervical cancer na karaniwan din sa kababaihan.
Osteoporosis
Ang osteoporosis ang lubos na panghihina ng buto, kung saan ang simpleng kilos gaya ng pag-ubo o pag-uunat ay maaaring magresulta sa pagkabali ng buto. Maski na nagagamot ang sakit, mas maganda kung mapigilan ito sapagkat masakit ang kondisyon at magiging limitado ang iyong mga galaw. Habang bata pa, palakasin ang mga buto sa pag-eehersisyo at pagkonsumo sa mga pagkain na mayman sa protein, calcium, at Vitamin D. Iwasan din ang paninigarilyo.
Ang mga sintomas ng osteoporosis ay ang pananakit ng likod at iba pang bahagi ng katawan, pagiging iba ng postura, ang madaling pagkabali ng buto, at ang dahan-dahang pagbawas sa height. Sa pagbisita sa ospital, ikaw ay maaari kang sumailalim sa therapy at resetahan ng alendronate, zoledronic acid, risedronate, at ibadronate.
Depression
Mas maraming kaso ng depression sa kababaihan kaysa sa kalalakihan dahil sa kanilang hormones at pangangailangan magkaroon ng emosyonal na koneksyon sa ibang tao. Hindi biro ang kondisyon na ito sapagkat apektado nito ang gana kumain, pagtulog, at paggawa sa mga pang-araw-araw na gawain. Ang matitinding kaso ay maaaring magresulta sa suicide at pwede rin itong dalhin habang-buhay.
Kadalasan ay nangangailangan ng gamot ang depression, kaya huwag mag-atubiling sumangguni sa isang psychiatrist. Bukod sa gamot, ikaw ay kaniyang papayuhan upang bumuti ang kondisyon.
Lupus
Ang lupus ay isang kondisyon kung saan inaatake ng immune system ang iba’t ibang bahagi ng katawan. Hindi ito madaling matukoy sapagkat ang mga sintomas ng nasabing sakit ay katulad ng sa ibang karamdaman, kaya importante ang pagkuha ng second opinion pagkatapos magpatingin sa doktor. Dahil mahirap itong matuklasan, ikaw ay sasailalim sa ilang pagsusuri.
Kabilang sa mga sintomas ng lupus ang panghihina ng muscles, pananakit at pamamaga ng mga kasukasuan, biglaang pagkakaroon ng lagnat, pagpapantal sa mukha, at paglagas ng buhok.
Heart Disease
Ang sakit sa puso ay isa sa mga nangungunang killer na sakit sa buong mundo, maging sa babae man o lalaki. Madalas kasing pagmulan ng sakit ang pagkakaroon ng high blood, high cholesterol, pagiging overweight, paninigarilyo, at kakulangan sa pisikal na gawain – na kaakibat ng pamumuhay ng maraming Pilipino. Upang makaiwas, dapat bawasan ang konsumo ng matatabang pagkain, damihan ang kain ng high fiber foods, at mag-ehersisyo araw-araw. Umiwas din sa paninigarilyo dahil dinadagdagan nito ang panganib ng nasabing sakit.
Maliban sa mga napag-usapang kondisyon, ang kababaihan ay prone din sa hypertension, mga thyroid problem, anorexia, bulimia, at UTI. Kung UTI ang problema, huwag mag-atubiling kumonsulta sa iyong ob-gyn.
Sources:
-
http://www.healthline.com/health-slideshow/7-womens-diseases-that-affect-men#8
-
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/breast-cancer/symptoms-causes/dxc-20207918
-
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/lupus/basics/tests-diagnosis/con-20019676
-
https://www.nimh.nih.gov/health/publications/depression-in-women/index.shtml
-
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/osteoporosis/symptoms-causes/dxc-20207860
-
http://www.webmd.com/women/features/5-top-female-health-concern#1