Ano ang Alzheimer's Disease?

September 11, 2018

Ang ating utak o brain ang isa sa pinaka-importanteng organ sa ating katawan. Ito ang nagkoontrol kung paano tayo kumilos, mag-isip, at pati na rin paano tayo makaramdam. Ito rin ang organ na kung saan ang mga alaala o memories ay nakaimbak, at alam nating lahat kung gaano kahalaga ang mga alaala.

 

Tuwing third week ng September taon-taon ay idinaraos ang Alzheimer’s Disease Awareness Week na nilagdaan pa taong 2006. Ang annual event na ito ay naglalayon na bigyang kamalayan ang lahat tungkol sa sakit na ito at mai-address ang anumang concerns na may kinalaman sa treatment, prevention, at pati na rin sa pangagalaga sa taong nakakaranas ng sakit na ito.

 

Ano ang Alzheimer’s Disease?

 

Ang Alzheimer’s Disease ay isang neurological illness kung saan ang cells sa ating utak ay namamatay at nagdudulot ng memory loss o pagkalimot. Ito ay nagkakaroon din ng epekto sa mental functions ng isang tao, at dahil ito ay isang klase ng progressive disease, sa una ang pasyente ay makararanas ng madalas na pagkalito hanggang sa makalimutan na nito ang ilang mahahalagang tao at pangyayari sa kanyang buhay. Ang taong may Alzheimer’s Disease ay mayroon ding pagbabago sa personalidad.

 

Dementia vs Alzheimer’s

 

Maraming nag-aakala na ang Alzheimer’s Disease at dementia ay iisa. Sa katunayan, ang dementia ay isang grupo o range ng mga kondisyon na may kinalaman sa cognitive functioning ng isang tao. Ito ay general na term sa mga disorder sa ating utak na nagiging sanhi ng pagkawala o deteriorate ng skills gaya ng socialization o pakikipagsalamuha.

 

Ang Alzheimer’s Disease ay isang uri ng dementia; sa katunayan, ito ang pinaka karaniwan sa lahat.

 

 

Alzheimer’s Symptoms

 

Isa sa pinakaunang senyales ng Alzheimer’s Disease ay ang pagiging makakalimutin at ang unti-unting paglala nito. Ano pa nga ba ang symptoms ng pagkakaroon ng sakit na ito? Narito ang mga dapat tandaan.

 

  • Ang pinaka-kapansin-pansing sintomas ng sakit na ito ay memory loss. Natural ang pagkakaroon ng memory lapses sa isang tao, ngunit ang memory loss na lumalala at nakakaapekto sa iyong pang araw-araw na functioning ay senyales ng mas malaking problema;
  • Paulit-ulit na mga kwento o salaysay;
  • Paulit-ulit na pagtatanong nang hindi namamalayan;
  • Ang madalas na pagkalimot kung saan inilagay ang mga gamit o bagay lalo na sa mga lugar na di-pangkaraniwan;
  • Madalas na pagkaligaw sa mga lugar na pamilyar;
  • Pagkalimot sa mga pangalan ng family members at mahal sa buhay;
  • Hirap maglabas ng saloobin o hirap sa pagtukoy sa mga simpleng bagay;
  • Biglaang difficulty sa pag-concentrate o kaya naman sa pagbibilang;
  • Mas napapadalas na suliranin sa paggawa ng simpleng desisyon na kailangan gawin araw-araw;
  • Pagkalimot sa maraming activities na nakasanayan na; at
  • Pagbabago sa personalidad at pag-uugali.

 

May ilang mga pagbabago sa personalidad at pag-uugali na mapapansin sa taong mayroong Alzheimer’s Disease. Narito ang ilan sa mga halimbawa:

 

  • Delusion o maling akala sa mga pangyayari;
  • Paiba-ibang mood o mood swings;
  • Kawalan ng tiwala sa mga tao maski sa kapamilya;
  • Madalas na paglilibot-libot mag-isa kung saan saan;
  • Pagbabago sa sleeping patterns o habits; at
  • Kawalan ng interes sa mga bagay.

 

 

Mga Sanhi ng Alzheimer’s Disease

 

Ano nga ba ang sanhi ng Alzheimer’s Disease? Bagama’t hindi pa malinaw ito, naniniwala ang mga eksperto na ang sanhi ng Alzheimer’s ay kombinasyon ng ilang factors. Ang factors na ito ay environmental, genetic, at ang lifestyle ng isang tao. Ang isang tao na apektado ng sakit na ito ay mayroong kakaunting brain cells at habang dumarami ang brain cells na namamatay, ang brain ay lumiliit rin. May dalawang klase ng abnormalities sa brain ng isang tao na mayroong Alzheimer’s Disease. Ito ay ang:

 

  • Plaques na nakikita sa mga brain cells na namamatay; at
  • Tangles mula sa tau proteinna nakikita sa mga nerve cell

 

 

Risk Factors sa Pagkakaroon ng Alzheimer’s Disease

 

Ang pagkakaroon ng Alzheimer’s Disease ay kondisyon na maaaring makaapekto sa kahit sino. Narito ang ilan sa mga factors sa pag-develop nito sa isang indibidwal:

 

  • Aging o pagtanda;
  • Family history ng pagkakaroon ng Alzheimer’s; at
  • Pagkakaroon ng genes na at-risk sa pagkakaroon nito.

 

Lifestyle Changes and Management Strategies

undefined

Photo from Unsplash

Ang Alzheimer’s Disease ay isang kondisyon na nangangailangan ng pang-unawa at pasensya. May mga ilang bagay tayong magagawa para makatulong sa pag-manage ng sakit na ito na nakakaapekto sa ating mahal sa buhay. Narito ang ilan sa management strategies:

 

  1. Pagbibigay ng tamang medications na inireseta ng doktor para sa paglala ng memory loss at Alzheimer’s symptoms.

 

  1. Pagbibigay ng supportive environment sa pasyente na kung saan ay mararamdaman niya na siya ay ligtas dito.

 

  1. Paniniguradong makakapunta ang pasyente sa appointment sa doktor sa tamang oras at araw.

 

  1. Hindi pagpapahintulot na magsuot ang pasyente ng sapatos o tsinelas na hindi kumportable o walang support dahil maaari itong maging risk ng aksidente kapag sila ay naglalakad mag-isa.

 

  1. Importante sa isang tao na may Alzheimer’s Disease ang pagkaroon ng activity o regular exercise para sa mas maayos na pagtulog at pag-maintain ng mas malusog na muscles at heart. Mabuti ang daily walks habang may kasamang guide na kamag-anak o mahal sa buhay bilang form of exercise ng pasyente.

 

  1. Siguruhin na mayroong dala-dalang ID sa lahat ng oras ang pasyente. Maaaring magpasuot ng bracelet na mayroong identification, pati ang address at contact number ng pamilya.

 

  1. Ang mga taong mayroong Alzheimer’s Disease ay maaaring makalimot na kumain o kaya naman ay mag-prepare ng mga pagkain na makakabuti sa kanilang kalusugan. Tulungan ang pasyente na makakain ng tama at nasa oras upang maiwasan ang pagkakaroon ng hindi magandang mood.

 

  1. Madalas ay nakakalimutan nila ang pag-inom ng tama na maaaring mag-lead sa dehydration at constipation. Maaari silang bigyan ng protein milkshake, healthy shakes, juice, at higit sa lahat ang tubig. Iwasan silang painumin ng caffeinated drinks gaya ng kape dahil nagiging sanhi ito ng kahirapan sa pagtulog lalo na sa gabi. Ito ay nagiging sanhi rin sa madalas na pag-ihi lalo na sa mga matatanda.

 

Sa ngayon ay wala pang nakikitang gamot para sa Alzheimer’s Disease na tuluyang makakapagbigay ng guarantee ng paggaling. Importantengang isang taong nakakaranas nito ay napapaligiran ng mga taong pinagkakatiwalaan niya at magbibigay suporta sa kanya.

 

Sources:

https://www.medicalnewstoday.com/articles/159442.php

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/alzheimers-disease/symptoms-causes/syc-20350447

https://www.nia.nih.gov/health/alzheimers-disease-fact-sheet#symptoms

https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/11825-stages-and-treatment-of-alzheimers-disease/management-and-treatment

http://www.shakerclinic.com/alzheimers/symptoms-effects

http://www.officialgazette.gov.ph/2006/09/08/proclamation-no-1136-s-2006-2/