Mga Paraan upang Mapanatiling Ligtas mula sa Filariasis

November 15, 2023

Ang filariasis ay karaniwan sa mga bansa na may tropikal na klima. Kaya naman, mas mataas ang bilang ng mga kaso nito sa mga bansa sa Asia, Africa, at South America.

Noong 2021, humigit kumulang 882.5 milyong tao sa 44 na bansa ang apektado ng Filariasis at nangangailangan ng preventive chemotherapy upang mapigilan ang pagkalat ng impeksyon. (1)

Ayon sa Department of Health (DOH), 44 sa 46 na probinsya sa bansa kung saan ang lymphatic filariasis ay itinuturing na endemic ay itinanghal na Filariasis-free. Subalit, hindi pa rin tayo dapat maging kampante dahil mahalaga pa ring malaman ang tungkol sa filariasis upang mapanatili nating malusog ang ating sarili at tuluyang maging filariasis-free ang buong bansa.(2)

Ang filariasis ay isang karamdaman na dulot ng isang bulate o filarial worm na naililipat o naipapasa sa pamamagitan ng mga kagat ng lamok na Aedes at Anopheles. Maaaring ang mga taong may filariasis ay hindi magpakita ng sintomas, samantalang ang iba naman ay pwedeng magkaroon ng sintomas.

Ang ilan sa mga karaniwang sintomas nito ay:

  • pamamaga ng ilang bahagi ng katawan tulad ng mga bisig, binti, paa, suso at bayag
  • lagnat
  • panginginig
  • masakit na kalamnan
  • pamamaga ng mga kulani

Bagamat dalawa sa bawat tatlong taong may filariasis ay hindi nagkakaroon ng malubhang sintomas, ang filariasis ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon tulad ng lymphedema (pamamaga ng lymphatic system), hydrocele (pamamaga ng bayag), o elephantiasis (paglaki ng binti). (3) Ang mga ganitong deformity sa katawan ay madalas na nagdudulot ng stigma sa lipunan, epekto sa mental health, pagkawala ng oportunidad na magtrabaho, at pagtaas ng gastusing medikal para sa mga pasyente at mga tagapag-alaga. (4)

Ano ang Sanhi ng Filariasis?

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/anti-mosquito-sign-on-blue-background-2358210677

Ito ay dulot ng filarial worms na nagiging sanhi ng impeksyon sa lymphatic system ng katawan. Ito ay tinatawag na lymphatic filariasis kapag ito ay nakakaapekto sa lymphatic system ng tao. Mayroong iba’t ibang uri ng filarial worms. Ang Wuchereria bancrofti ang nagiging sanhi ng 9 sa bawat 10 impeksyon, samantalang ang Brugia malayi ay nagiging sanhi ng karamihan ng natitirang mga kaso. Ang Brugia timori ay maaari rin maging sanhi ng impeksyon.

Ang filariasis ay kumakalat sa pamamagitan ng mga kagat ng lamok. Nagsisimula ito sa isang tao na may impeksyon, kung saan ang mga maliliit na uod na tinatawag na microfilariae ay umiikot sa dugo. Kapag nakagat ng lamok ang taong ito, ini-infect nito ang lamok at nagiging uod ang mga microfilariae sa loob ng lamok. Kapag ang lamok na apektado ng filariasis ay may nakagat muli na ibang tao, ini-inject nito ang mga uod sa katawan ng tao, at doon ito nagiging matatandang bulate. Sa dugo ng tao, ang mga uod ay lumalaki at nagpo-produce ng milyun-milyong uod. Ang filariasis ay kumakalat mula sa tao patungo sa lamok, at mula sa lamok, ito ay naipapasa muli sa ibang tao. (4)

Paano Malalaman Kung may Filariasis?

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/doctor-going-take-blood-sample-vein-1218329833

Ang impeksyon ng filariasis ay maaaring matukoy sa pamamagitan ng pagsusuri ng dugo o microscopic testing kung saan kumukuha ng blood sample sa gabi upang tingnan at icheck kung may filarial worms. Ang isa pang paraan ay ang antibody testing. Ang katawan ang nagpproduce ng antibodies laban sa impeksyon. (3)

Paano Nagagamot ang Filariasis?

Sa ngayon, wala pang bakuna para sa filariasis. Maaaring uminom ng mga anti-parasitic na gamot tulad ng ivermectin, diethylcarbamazine, o albendazole. Ang mga gamot na ito ay pumapatay sa mga uod sa dugo at nakakatulong upang mapigilan pa ang pagdami ng mga uod. Sa pamamagitan nito ay maaari ring maiwasan ang pagkalat ng impeksyon sa ibang tao.

Ang isa pang paraan ay surgery. Maaaring magsagawa ng operasyon upang alisin ang mga patay na bulate. Ang mga taong may hydrocele o may paglaki ng bayag ay maaari ring operahan upang alisin ang fluid build-up sa bayag.

Paano Maiiwasan ang Filariasis?

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/green-mosquito-coil-blue-background-coils-2057598893

Ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang filariasis ay ang pag-iingat laban sa mga kagat ng lamok, lalo na sa mga tropikal na lugar. Kung ikaw ay nakatira o maglalakbay sa mga lugar kung saan posible ang impeksyon ng filariasis, sundan ang mga hakbang na ito para maiwasan ang mga kagat ng lamok:

  1. Matulog sa ilalim mosquito net o kulambo.
  2. Gumamit ng insect repellent sa mga exposed na balat, lalo na sa gabi.
  3. Magsuot ng pantalon at damit na may mahabang mangas. (3)

Sa mga komunidad kung saan karaniwang nagkakaroon ng filariasis, inirerekomenda ng World Health Organization ang paggamot sa buong lugar ng preventive chemotherapy. Ang mga tao na nasa panganib na magkaroon ng impeksyon ay umiinom ng isang dose ng gamot na makakatulong upang alisin ang microfilariae mula sa dugo ng mga tao at mapigilan ang pagkalat ng impeksyon sa pamamagitan ng mga kagat ng lamok. Ang pagsugpo sa lymphatic filariasis ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng preventive chemotherapy. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng Mass drug administration o MDA. Bagamat limitado ang epekto nito sa mga matatanda at malalaking bulate, epektibo naman ang gamot sa pagbaba ng dami ng microfilariae sa dugo at sa pagpigil ng paglipat ng mga parasites sa mga lamok. (4)

Kung ikaw ay may filariasis, mahalaga ang regular na pagsusuri at pagtutok sa kalusugan. May mga hakbang na maaaring gawin para mapabuti ang kalidad ng buhay ng may filariasis, kabilang ang paggamot para sa mga episode ng adenolymphangitis, pamamahala sa lymphedema, operasyon para sa hydrocele, at iba pa.

Ang filariasis ay isang seryosong karamdaman na maaaring maiwasan at magamot kung tayo ay magtutulungan at mag-iingat. Mahalaga na magkaroon tayo ng kaalaman tungkol dito upang mapanatili nating malusog ang ating mga komunidad at ang buong bansa.

 

REFERENCES:

WHO. 2022. “Lymphatic Filariasis.” Who.int. World Health Organization: WHO. March 16, 2022. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/lymphatic-filariasis.

Montemayor, Teresa. 2023. “DOH: 44 of 46 Identified Provinces in PH Already Filariasis-Free.” Philippines News Agency. July 2023. https://www.pna.gov.ph/articles/1205662.

Cleveland Clinic. 2021. “Filariasis: Lymphatic Filariasis, Symptoms, Treatment.” Cleveland Clinic. October 15, 2021. https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/21925-filariasis.

WHO. 2022. “Lymphatic Filariasis.” Who.int. World Health Organization: WHO. March 16, 2022. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/lymphatic-filariasis.