Sa araw-araw nating pamumuhay, karaniwan nating nararanasan ang iba't ibang reaksyon ng ating katawan pagkatapos kumain. Minsan, pagkatapos ng isang masarap na hapunan, maaaring tayo'y kumain ng dessert o inumin na nauuwi sa pangangati ng balat o pamamantal. May mga pagkakataon din na ang isang simpleng pagkain ay nagdudulot sa atin ng pananakit ng tiyan. Ngunit alam mo ba na maaaring ito'y dulot ng iba't ibang mga kondisyon tulad ng food allergy, food intolerance, o food sensitivity?
Ang mga kondisyong ito ay maaaring magdulot ng iba't ibang mga sintomas, at magdulot ng panganib sa buhay. Kaya naman mahalaga na malaman natin ang pagkakaiba ng bawat isa.
Food Allergy: Sobrang Reaksyon ng Immune System
https://www.shutterstock.com/image-photo/happy-asian-woman-vegetarian-healthy-eating-1926734096
Ang food allergy ay isang uri ng kondisyon kung saan nagkakaroon ang katawan ng sobrang reaksyon sa isang particular na pagkain. Ang immune system ay nagkakaroon ng overreaction sa isang pagkain, at ito'y maaaring magdulot ng malubhang mga sintomas.
Ang mga karaniwang sintomas ng food allergy ay:
- Pangangati ng katawan
- pangangati ng bibig
- Pagkakaroon ng mga pantal
- Pamamaga ng labi, mukha, dila o mga mata
- Pagsakit ng tiyan, pagtatae, pagsusuka, at pagduduwal
Sa ibang tao naman ay maaaring magdulot ng malubhang allergic reaction na tinatawag na anaphylaxis na sadyang mapanganib kung di kaagad maagapan. Ang mga sintomas nito ay:
- Pamamaga ng lalamunan na pwedeng magdulot ng hirap sa paghinga
- Hirap sa paghinga
- Pagbaba ng blood pressure
- Pagbilis ng pulso
- Pagkahilo at pagkawala ng malay (1)
Karamihan sa mga food allergies ay naiuugnay sa ilang uri ng pagkain tulad ng mani, isda, gatas, itlog, at marami pang iba. Para sa mga taong may food allergy, kailangan maging alisto sa mga sintomas at alamin ang tamang paraan ng pagtugon sa mga ito. Maaaring magsagawa ng allergy testing upang malaman kung mayroon pang mga allergens na pwedeng magdulot ng allergic reaction sa isang tao. Iwasan ang mga pagkain na naglalaman ng allergen at magbasa nang mabuti ng mga label ng mga pagkain upang magkaroon ng kaalaman at maiwasan ang mga potensyal na panganib.
Food Intolerance: Problema sa Digestion
https://www.shutterstock.com/image-photo/young-woman-drinking-milk-healthy-nutrition-1942133005
Ang food intolerance ay naiuugnay sa kakulangan ng kakayahan ng katawan na magproseso o magtunaw ang ilang uri ng pagkain. Ang food intolerance ay may kinalaman sa digestive system, samantalang ang food allergies ay reaksyon ng immune system. Ito ay mas karaniwan kaysa sa food allergy, ngunit ang sintomas ay nagdudulot pa rin ng hindi kanais-nais na pakiramdam. Halimbawa nito ay ang lactose intolerance, kung saan ang katawan ay nagkukulang ng enzyme na tinatawag na lactase, na kinakailangan para maproseso ang lactose, isang uri ng asukal na matatagpuan sa gatas. Maaari itong magdulot ng pagtatae at pananakit ng tiyan matapos kumain ng mga pagkain na naglalaman ng lactose.
Iba't ibang mga uri ng food intolerance ay maaaring magdulot ng iba't ibang sintomas, kabilang ang pananakit ng tiyan, pagiging bloated, heartburn, sakit ng ulo o migraines, panghihina ng katawan, at marami pang iba. (2) Para sa mga taong may food intolerance, ang karaniwang solusyon ay ang pag-iwas sa mga pagkain na nagdudulot ng reaksyon. Maaaring magkaroon ng lactase enzyme supplements o iba pang treatment depende sa kondisyon. (3)
Food Sensitivity: Hindi Malalang Reaksyon
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-beauty-woman-has-dry-skin-1518121019
Sa kabila ng lahat ng ito, may mga pagkakataon na nararanasan natin ang mga hindi kanais-nais na sintomas matapos kumain ng ilang mga pagkain, ngunit ito ay hindi sobrang malubha. Ito'y maaaring dulot ng food sensitivity, isang kondisyon na hindi gaanong malubha ngunit nagdudulot ng paminsan-minsang mga sintomas. Ang mga sintomas ng food sensitivity ay maaaring maging iba-iba, kabilang ang pananakit ng katawan, pananakit ng tiyan, pangangati, at brain fog. (3) Karaniwang hindi ito nagdudulot ng panganib sa buhay ngunit maaaring magdulot ng abala sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Ang pinakamainam na paraan upang malaman kung ano ang mga pagkain na nagdudulot ng food sensitivity ay ang paggawa ng elimination diet. Sa elimination diet, ang ilang mga pagkain na pinaniniwalaang nagdudulot ng reaksyon ay tinatanggal sa diyeta sa loob ng ilang linggo. Pagkatapos, isa-isa itong binabalik sa diet para malaman kung alin dito ang nagdudulot ng sintomas. (3)
Kung ikaw ay may mga sintomas pagkatapos kumain, maaaring magpa-konsulta sa doktor upang malaman kung ikaw ay may food intolerance o food sensitivity. Sila ay maaaring magrekomenda ng mga hakbang para mapabuti ang iyong kalagayan, kabilang ang pagsunod sa espesyal na diet o paggamit ng mga gamot na makakatulong sa pangangalaga ng iyong digestive system.
Sa huli, ang pagkakaiba sa pagitan ng food intolerance, food allergy, at food sensitivity ay mahalaga para malaman ang tamang paraan ng pag-aalaga para sa ating kalusugan. Ang food intolerance ay mas karaniwan kaysa sa food allergy, at ito ay hindi nagdudulot ng malubhang panganib sa buhay. Ang mga taong may food allergy ay dapat maging alisto sa mga sintomas at alamin ang tamang paraan ng pagtugon sa mga ito upang maiwasan ang malubhang reaksyon.
Sa pag-aalaga ng ating kalusugan, mahalaga ring magkaroon ng kamalayan sa mga kinakain natin at maging maingat sa mga pagkain na maaaring magdulot ng reaksyon. Minsan, kinakailangan natin ang tulong ng mga doktor at nutritionist-dietitian upang mas mapabuti ang ating kalagayan.
Mahalaga ang pangangalaga sa ating sariling kalusugan, at ito ay maaaring makamit sa pamamagitan ng wastong kaalaman at kamalayan sa mga kondisyon tulad ng food intolerance, food allergy at food sensitivity. Ang pag-unawa sa mga ito ay maaaring magbigay daan para sa mas maayos at mas malusog na pamumuhay.
REFERENCES:
- Mayo Clinic. n.d. “Food Allergy - Symptoms and Causes.” Mayo Clinic. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/food-allergy/symptoms-causes/syc-20355095#:~:text=Food%20allergy%20is%20an%20immune.
- Brazier, Yvette. 2020. “Food Intolerance: Causes, Types, Symptoms, and Diagnosis.” Www.medicalnewstoday.com. November 27, 2020. https://www.medicalnewstoday.com/articles/263965#summary.
- MD, Marcelo Campos. 2020. “Food Allergy, Intolerance, or Sensitivity: What’s the Difference, and Why Does It Matter?” Harvard Health Blog. January 30, 2020. https://www.health.harvard.edu/blog/food-allergy-intolerance-or-sensitivity-whats-the-difference-and-why-does-it-matter-2020013018736.