Kadalasan ay napapawalang-bahala natin ang kahalagahan o importance ng ating dugo. Ito ay mayroong napakalaking role sa ating katawan dahil ito ang nagdadala ng oxygen at iba’t ibang nutrients sa ating tissues. Kaya naman tuwing Setyembre ay idinaraos ang Blood Diseases Month, ang taunang event na naglalayong mag-raise ng awareness o kamalayan sa mga tao tungkol sa mga sakit na may kinalaman sa ating dugo. Kasama rin sa layunin nito ang mabigyangg kaliwanagan ang mga sanhi at posibleng solusyon dito.
Mayroong iba’t ibang blood-related diseases. Ang isa sa pinaka-common nito ay ang anemia. Ano nga ba ang anemia at ang maaaring gawin upang maiwasan at magamot ito?
Anemia Causes
Ang anemia ay isang kondisyon kung saan mayroong kakulangan ang iyong katawan sa malusog na red blood cells o hemoglobin para magdala ng sapat na oxygen sa tissues ng ating katawan. Ang pagkakaroon ng anemia ay kadalasang nagiging sanhi ng panghihina at mabilis na pagkapagod.
Maaaring magkaroon nito ang kahit sino, ngunit mataas ang risk na magkaroon ng kondisyon na ito ang mga kababaihan, mga bata, at sino man na mayroong chronic diseases. Ilan sa mga anemia causes ay ang mga sumusunod:
- Hindi pagproduce ng sapat na red blood cells ang katawan;
- Labis-labis na pagdurugo;
- Ang pagkasira ng red blood cells ng iyong katawan;
- Namanang kondisyon; at
- Maling diet at ibang medical condition.
Photo from Unsplash
Ano ang red blood cells?
Sa dugo, mayroong white blood cells, platelets, at red blood cells. Ang white blood cells ay responsable sa paglaban ng viruses at bacteria na maaaring magdulot ngimpeksyon o sakit sa ating katawan. Ang platelets naman ay importante para sa blood clotting o sa pagbubuo ng structure ng dugo. Ang red blood cells ay ang tagapagdala ng oxygen sa buong katawan. Nagtataglay ito ng hemoglobin. Ang pagkakaroon ng maraming abnormal na hemoglobin o kakulangan nito ay nagiging sanhi ng hindi pagkakaroon ng sapat na oxygen ang cells sa katawan.
Anemia Symptoms
Narito ang mga halimbawa ng sintomas na maaari mong maranasan kung ikaw ay may anemia:
- Panghihina;
- Pananakit ng ulo o headache;
- Panlalamig ng mga kamay at paa;
- Irregular heartbeat;
- Paninikip ng dibdib;
- Madalas na pagkahilo;
- Pamumutla ng balat; at
- Madalas na pamamanhid ng mga binti.
Photo from Pixabay
Types of Anemia and Anemia Treatment
Mayroong iba’t ibang types of anemia na nararapat na malaman. Bawat isa ay may kaakibat na sintomas na maaaring maranasan ng tao na mayroon nito. Ang bawat isang uri ng anemia ay dapat tugunan ng tamang anemia treatment.
Iron Deficiency Anemia
- Ang Iron Deficiency Anemia ay ang pinaka-karaniwang uri of anemia. Ito ay ang pagkakaroon ng kakaunting red blood cells dahil hindi sapat ang iron sa katawan sanhi ng poor diet, madalas na pagdo-donate ng dugo, blood loss due to menstruation para sa kababaihan, at pagkakaroon ng condition sa digestive system.
- Para sa Iron Deficiency Anemia, ang karaniwang treatment ay iron supplements. Maaaring uminom ng ferrous sulfate o folic acid na supplements tablet once a day na mabisa para para sa production ng healthy at sapat na red blood cells sa katawan.
Vitamin B12 Deficiency Anemia
- Ang Vitamin B12 Deficiency Anemia naman ay ang kakulangan ng nasabing bitamina at folate sa katawan. Gaya ng iron, importante ito para makapag-produce ng healthy blood cells. Kadalasan, ang kakulangan nito ay dahil sa poor diet.
- Para sa kondisyon na ito, maaaring uminom ng Vitamin B12 supplements. Importante rin na palaging kumain ng pagkain na mayaman sa bitaminang ito gaya ng isda, eggs, at gatas.
Chronic Diseases Anemia
- Ang Chronic Diseases Anemia ay nakukuha sa mga karamdaman gaya ng cancer, rheumatoid arthritis, kidney disease, Crohn’s disease, at HIV/AIDS. Ang iba pang inflammatory diseases ay nagiging sanhi rin ng anemia.
Sickle Cell Anemia
- Ang Sickle Cell Anemia ay inherited o namamana. May pagkakataon na ito ay seryosong kondisyon at sanhi ng defective form na hemoglobin na nagdudulot sa red blood cells ng katawan ng hindi normal na crescent o sickle na shape, at namamatay agad. Dahil dito,nagkakaroon ng kakulangan sa sapat na red blood cells sa katawan.
- Ang treatment para sa Sickle Cell Anemia ay nangangailangan ng antibiotics, folic acid supplements at blood transfusion. Maaari ring sumailalim sa oxygen therapy para sa pain relief.
Aplastic Anemia
- Itoay isang rare na klase ng anemia nanagaganap kapag hindi kaya mag-produce ng red blood cells ang katawan. Kadalasan ay sanhi ito ng ibang karamdaman o exposure sa chemicals. Ito ay kino-consider na malubhang klase ng anemia.
- Kinakailangan ng blood transfusion at bone marrow transplant para sa treatment nito.
Hemolytic Anemia
- Ang Hemolytic Anemia ay nararanasan kapag ang red blood cells ay nasisira agad at hindi agad mapalitan ng bone marrow transplant. Karaniwan itong nagaganap kapag ang isang tao ay mayroong red blood cell disease. Maaari rin itong mamana o kaya naman ay mag-develop ng kusa.
Thalassemia Anemia
- Mayroong ibang types of anemia gaya ng Thalassemia na maaaring magamot ng folic acid supplement. Sa ibang cases, kinakailangan ng blood transfusion at bone marrow transplant.
Paano nga ba maiiwasan ang pagkakaroon ng anemia?
May dalawang pinaka-mabisang paraan upang maiwasan ang pag-develop ng Anemia. Isa na rito ay ang tamang diet. Ang mga pagkain na mayaman sa iron na nakukuha sa beans, vegetables at ibang meat ay nakakatulong, pati na rin ang pagkain ng fruits, nuts at grains para makapag-produce ng sapat na folate ang katawan. Vitamin B12 at Vitamin C naman ay dalawa sa pinaka-importanteng vitamins na kinakailangan para sa healthy red blood cells.
Ang ikalawang mabisang paraan upang maiwasan ang Anemia ay ang sapat na tulog sa araw-araw. Nagiging sanhi ng iron deficiency at iba pang health problems ang maling sleep cycles at kakulangan sa sapat na tulog.
Sources:
http://www.eaglenews.ph/september-is-blood-diseases-month/
https://www.wilmingtonhealth.com/news/the-importance-of-blood
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/anemia/symptoms-causes/syc-20351360
https://www.webmd.com/a-to-z-guides/understanding-anemia-basics
https://www.medicalnewstoday.com/articles/158800.php
https://ods.od.nih.gov/factsheets/VitaminB12-HealthProfessional/