Ano ang Hand, Foot and Mouth Disease?

February 15, 2023

Ang Hand, Foot, and Mouth Disease, o HFMD, ay isang impeksyon na dulot ng Coxsackie virus at Enterovirus A71, kung saan nagkakaroon ng sugat o lesion sa kamay, paa, bibig, at maaari rin sa pwet at hita.Ito ay dulot ng virus na tinatawag na Coxsackie virus at Enterovirus A71. Karaniwan itong  makikita sa mga bata (madalas sa mas bata sa pitong taong gulang), ngunit maaari rin itong makita sa mga matatanda. 1

Paano nakukuha ang hand, foot, and mouth disease?

Nakukuha ang HFMD kapag ang isang tao ay:

  • Nakahawak ng mga bagay tulad ng laruan o hawakan ng pinto kung saan naroon ang virus at pagkatapos ay hahawakan ang mata, ilong, o bibig
  • Kapag humawak sa dumi o tae ng isang taong HFMD (halimbawa, kapag magpapalit ng lampin ng bata), pagkatapos ay hahawakan ang iyong mata, ilong, o bibig
  • Kapag may close contact sa taong may HFMD – halimbawa kapag nakipaghalikan, o naghiraman ng baso o mga kubyertos
  • Contact sa respiratory droplets na inilalabas ng isang taong may HFMD na umubo o bumahing

Ang incubation period o panahon magmula nang ma-expose ang tao sa virus hanggang sa magkaroon siya ng sintomas ay karaniwang mula 3 hanggang 5 araw. Maaari ring kasing-ikli ang incubation period ng 2 araw lamang o di kaya ay umabot hanggang pitong araw.3

Ano ang sintomas ng taong may hand, foot, and mouth disease?

Maaariitong magsimula sa lagnat, kawalan ng gana sa pagkain, at maaaring maging matamlay o mas mabilis mapagod ang isang tao. Ang pinaka karaniwang nararamdaman ay kirot sa bibig o lalamunan dulot ng pagsusugat. Para sa mga batang hindi pa nakakapagsalita, isang sintomas rin ay kapag ayaw nilang kumain.

Nagkakaroon din ng mga butlig sa iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng kamay, paa, pwet at braso. Ang mga butlig ay may pamumula sa palibot nito at maaaring pumutok at mag-iwan ng ulcer o na sugat parang singaw. Ang singaw ay hindi masakit at hindi nagpepeklat. Maaari ring rashes na nakaangat o flat ang lumabas at hindi butlig.1

 undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/red-spot-on-mouth-hand-foot-1173128977

Paano gamutin ang hand, foot, and mouth disease disease?

Kadalasan, ang taong may sakit na HFMD ay gumagaling sa loob ng 7 - 10 na araw kahit hindi bigyan ng gamot. 1 Walang tiyak na antiviral na gamot ang nakalaan para sa mga enterovirus na sanhi ng HFMD. Maaaring uminom ng pain reliever o mga gamot laban sa lagnat para mabigyan ng lunas ang sakit ng katawan at lagnat. Importante rin na hydrated o maraming naiinom na tubig ang pasyente. Mainam na magpakonsulta sa doktor upang masigurado na HFMD nga ang sakit.

Kailan dapat tumawag sa doktor o pumunta sa ospital?

Mainam bumalik sa ospital o kausapin ang inyong doktor ulit kung: 4

  • Ang mga butlig o lesions sa balat ay mukhang may senyales ng impeksyon

- namumula o mainit sa paligid ng lesions

- mahapdi o masakit kapag hinahawakan

- may nana na lumalabas

- may mabahong amoy na nanggagaling sa lesion

  • Nahihirapan kumain o uminom ang pasyente
  • Hindi madalas umihi

- sa mga sanggol, kapag hindi basa ang kanilang lampin sa loob ng 4 - 6 na oras;

- para sa mga bata o teenager, kapag hindi sila umiihi sa loob ng 6 - 8 oras habang gising

  • Hindi gumaganda o gumagaan ang pakiramdam pagkatapos ng 2 - 3 araw

May mga diagnostics o lab tests ba na kinakailangan ipagawa?

Ang diagnosis ng HFMD ay matutukoy dapat clinically, o gamit lamang ang pakikipag-usap sa doktor at eksaminasyon. Hindi kinakailangan ng test sample maliban na lang kung hindi malinaw ang diagnosis na ito ay HFMD. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang kumuha ng sample sa lalamunan, dumi, o sa mga butlig upang masuri.3

Kaninong doktor specialty ako dapat magpatingin?

Para sa mga bata, maaaring magpatingin sa  General Pediatrician, General Practitioner o Family Medicine Physician.  Para sa matatanda, maaaring magpatingin sa  General Practitioner, Family Medicine Physician o General Internist.

Delikado ba ang hand, foot, and mouth disease?

Karamihan ng kaso ay kusang gumagaling sa loob ng 7 - 10 na araw, ngunit may ilan na maaaring maging sanhi ng mga komplikasyon tulad ng:

  • meningitis (pamamaga ng lining ng utak)
  • pancreatitis (pamamaga ng lapay, bihira o rare ito)
  • conjunctival ulceration (sugat sa lining ng mata; bihira o rare ito
  • myocarditis (pamamaga ng puso)

Kapag malala ang sugat sa bibig, maaaring hindi makakain o makainom nang maayos ang maysakit, lalo na ang mga bata, na maaaring humantong sa dehydration. Para sa mga ganitong kaso, kinakailangan maadmit sa ospital para sa mas masinsinang gamutan. 1

Paano makakaiwas sa pagkakaroon ng kondisyon na ito?

  • Mainam na umiwas sa taong may mga senyales at sintomas na nabanggit sa naunang bahagi ng article. Ang mga taong may HFMD ay karaniwang hindi na nakakahawa pagkatapos ng 7-10 na araw.
  • Importante na paghiwalayin ang kubyertos at baso na ginagamit ng may sakit. .
  • Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig lalo na pagkatapos gumamit ng banyo, magpalit ng lampin ng anak, bago maghanda ng pagkain, at bago kumain.
  • Kung ang inyong anak ay may mga senyales ng HFMD, mahalaga na ipaalam na umabsent muna sila sa eskwela upang hindi makahawa ng iba at para makapag pahinga.
  • Sa pagpapalit ng lampin o diaper, tandaan na ang HFMD virus ay makikita pa rin sa dumi ng mga bata kahit paglipas ng sintomas ng bata. Maaaring umabot ng hanggang anim na linggo o mas matagal pa1.
  • Linisin ang hapag-kainan, doorknob o hawakan ng pinto, at iba pang mga paligid na madalas hawakan ng tao
  • Iwasang hawakan ang mata, ilong, o bibig kung may suspetsa na may kahalubilo sa bahay na may ganitong karamdaman. 5

Madalas na mild lamang ang mga kaso ng HFMD, ngunit mainam na malaman kung ano ang mga sintomas nito. Malaking tulong sa mga doktor at sa ating mga kamag-anak at kaibigan ang simpleng pag-alam sa sintomas nito upang makatulong rin tayong mapigilan ang pagkalat nito.

References:

  1. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK431082/#_article-22561_s5_
  2. https://www.cdc.gov/hand-foot-mouth/about/transmission.html
  3. https://www.uptodate.com/contents/hand-foot-and-mouth-disease-and-herpangina?search=hand%20foot%20mouth%20disease&source=search_result&selectedTitle=1~29&usage_type=default&display_rank=1#H456270593
  4. https://www.uptodate.com/contents/hand-foot-and-mouth-disease-and-herpangina-the-basics?search=hand%20foot%20mouth%20disease&topicRef=96219&source=see_link#H5696282
  5. ttps://www.aad.org/public/diseases/a-z/hand-foot-mouth-self-care