Ano ang Probiotics?
Ang katagang Probiotics ay galing sa Latinong salita na ang ibig sabihin ay “for life” o “para sa buhay”. Ito ay mga buhay na mikroorganismo na may health benefits kapag kinain. Matatagpuan ang probiotics sa yogurt at iba pang fermented o binurong pagkain, dietary supplement, at mga beauty products. Tumutulong ang mga mikroorganismo sa pagtunaw ng pagkain, sa pagpatay ng mga cells na nagdudulot ng sakit, o gumagawa ng bitamina.1
Upang maintindihan ang konsepto ng probiotics, mahalagang malaman na ang ating katawan at ang mga bacteria na nasa loob nito ay nagbibigayan o nasa isang symbiotic relationship. Ang karamihan ng bacteria, kasama na ang ibang organismo, ay naglalagi sa bituka - at ang karaniwang tawag sa komunidad na ito ay gut microbiome. Dumarami ang mga ebidensya na ang gut microbiome na ito ay may importanteng trabaho sa ating kalusugan at pagkakaroon ng sakit.
Ang fermentation ay isang uri ng food preservation technique. Ginagawa ito noong sinaunang panahon para sa mga pagkain at inumin tulad ng beer at alak. Sa fermentation, nabubuo ang lactic acid pagkatapos kainin ng mga natural na bacteria ang sugar at starch sa pagkain. Sa prosesong ito, nape-preserve ang pagkain at dumarami ang bitamina, mineral at good bacteria. Ang ilang halimbawa ng pagkain na nababago pagkaraang dumaan sa fermentation ay mga soybean na nagiging miso, gatas na maaaring maging yogurt, cheese, o sour cream. Sa Pilipinas, ang karaniwang tawag sa mga pagkaing fermented ay buro.
Sa Pilipinas, ang mga karaniwan na ginagawang buro ay mustasa, manggang hilaw, at angkak.2 Karaniwang matapang ang amoy at lasa ng fermented na pagkain, kaya hindi nagugustuhan ng karamihan.3
Mahalaga ang probiotics sa panahon ngayon dahil posible na ang mga kinakain natin araw-araw – tulad ng processed foods – ay maaaring nakakasama sa ating gut health.
https://www.shutterstock.com/image-photo/homemade-yogurt-sour-cream-wooden-bowl-524060941
Ano ang mga Halimbawa ng mga Probiotics?4,5
- Yogurt. Isa sa mga sikat na pinanggagalingan ng probiotics ang Yogurt. Isa itong produkto ng gatas na pinaasim o fermented ng probiotics. May iba’t ibang health benefit ang pagkain ng yogurt tulad ng pagpapatibay ng buto. Maaari rin itong makatulong kung may diarrhea. Akma rin ang yogurt para sa mga taong may lactose intolerance. Tandaan lamang na hindi lahat ng yogurt ay may live probiotics. Piliin ang mga klase ng yogurt na may active o live culture.
- Kimchi. Ang kimchi ay isang klase ng pagkain mula sa Korea. Madalas na ginagawa ito gamit ang repolyo, ngunit maaaring ibang gulay rin ang ginagamit. Ang kimchi na gawa sa repolyo ay mataas sa bitamina at mineral, tulad ng Vitamin K, Vitamin B2, at iron.
- Atsarang Pipino (Pickled Cucumbers). Ang pipino na ito ay naiwan sa halo ng tubig at asin. Kapag hinayaang mag - ferment – gamit ang kanilang sariling lactic acid bacteria – ay aasim ang mga ito. Mababa rin sa calories ang pipino at mayaman sa vitamin K.
- Keso. May mga klase ng keso na may probiotics, tulad ng gouda, mozzarella, cheddar, at cottage cheese. Maigi na hanapin ang mga salitang “live cultures” o “active cultures” kapag pumipili ng keso.
- Miso. Ang miso ay isang uri ng Japanese seasoning. Ginagawa ito sa pamamagitan ng fermentation ng soybeans gamit ang asin at isang fungi na tinatawag na koji. Karaniwan na maalat ang Miso at puno ng protein at fiber. Mayaman din ito sa bitamina, mineral, vitamin K, manganese, at copper.
- Kombucha. Ang kombucha ay madalas gawa sa green o black tea na fermented ng isang buwan gamit ang kombinasyon ng mga bacteria. Kalasa ng kombucha ang mabula at maasim na cider o apple juice.
- Yakult. Ang yakult ay household name o kilalang-kilala na pagdating sa probiotics, lalo na sa mga bata. Maaaring makatulong ang yakult sa araw–araw na pagtunaw na pagkain at maaari ring makatulong maiwasan ang constipation. Pero mataas din ang inumin na ito sa sugar.
- Green olives. Natural na dumadaan sa fermentation ang green olives – ibig sabihin nito ay puno sila ng Lactobacillus, isang klase ng bacteria na mabuti para sa ating digestive system.
Ano ang magandang epekto ng probiotics sa aking kalusugan?6,7
- Ang probiotics ay may lamang good bacteria. Ang pagkonsumo ng probiotics ay nagpapanatili ng balanse ng good at bad bacteria sa ating bituka. Nakatutulong ang probiotics upang hindi magkaroon o mabawasan ang tindi ng diarrhea dulot ng pag-inom ng antibiotics.
- Nakatutulong rin ang probiotics sa ilang mental health conditions tulad ng anxiety at depression.
- Nababawasan rin ang masamang kolesterol (LDL) sa ating katawan sa pag-inom ng probiotics. Sa pag-breakdown ng bile na gawa ng apdo ng ilang lactic acid-producing bacteria, ang bile ay napipigilang pumasok sa dugo bilang kolesterol.Sa kondisyon tulad ng eczema o allergies, maaaring mabawasan nito ang epekto ng sakit.
- May mga ilang pag–aaral na nagsasabi na maaring makatulong sa pagbabawas ng timbang ang probiotics.
- Maaari rin mapababa ng kaunti ng probiotics ang altapresyon.
- Pinapalakas rin ng probiotics ang ating immune system at maaaring mas mabawasan ang pagkakaroon natin ng mga impeksyon.
Sa Pilipinas, hindi pa gaanong laganap ang kaalaman tungkol sa probiotics. Ayon sa pag – aaral gamit ang group discussion sa mga nanay, alam nilang pinaka - karaniwang pinanggagalingan ng probiotic ay yogurt, fermented milk product (tulad ng Yakult), miso, at tausi. Yakult ang pinakamadalas na inumin na probiotic at ang kanilang pagkakaalam sa mga produkto na ito ay galing sa telebisyon.2
Sa mga darating na taon, dadami pa ang mga pag–aaral at health claims patungkol sa probiotics. Maraming posibleng benepisyo ang probiotics pero hindi pa rin ito kapalit ng mga gamot para sa iba’t-ibang sakit. Paalala lang na pwede nating isama ito sa pang-araw-araw na pagkain bilang supplement para sa mga benepisyo pero hindi dapat gawing kapalit ng mga gamot.
https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-on-blurred-background-using-digital-1647269665
References:
- https://academic.oup.com/cid/article/60/suppl_2/S85/379032
- https://actamedicaphilippina.upm.edu.ph/index.php/acta/article/view/3007/2062
- https://www.health.harvard.edu/staying-healthy/how-to-get-more-probiotics
- https://www.bbcgoodfood.com/howto/guide/top-probiotic-foods
- https://www.healthline.com/nutrition/11-super-healthy-probiotic-foods#TOC_TITLE_HDR_11
- https://www.healthline.com/nutrition/8-health-benefits-of-probiotics
- https://www.healthline.com/nutrition/probiotics-101#other-benefits