Alam natin na ang Alzheimer’s Disease ay isang sakit na nagdudulot ng dementia, o pagkawala ng cognitive functioning - pag – iisip ng tuwid, pag – alala ng mga bagay – bagay at matinong pakikipagdiskusyon. Maaari ring apektado ang emosyon at personalidad ng taong may Alzheimer’s. Ang sakit ay nakakaapekto sa pang-araw-araw na gawain ng isang tao.
Pamilyar tayo sa sakit na Alzheimer’s – mula sa balita, palabas, o kaya naman ay mga kamag – anak o kakilala natin na nagkaroon o mayroon nito.
Ngunit ano ba ang sanhi ng Alzheimer’s Disease? Maaari ba itong maiwasan?
Ano ang Sanhi ng Alzheimer’s Disease?
Mahalagang maintindihan na ang Alzheimer’s ay hindi normal na parte ng pagtanda. Ito ay resulta ng mga pagbabago sa utak na nagsimula ilang taon na bago pa nagkaroon ng sintomas at nagdulot ng pagkawala ng mga brain cells at nakaapekto sa mga koneksyon nito.
Hindi pa talaga natutukoy ang kabuuan ng dahilan ng pagkakaroon ng Alzheimer’s disease, ngunit ito ay maaaring kombinasyon ng:
- Mga pagbabago sa utak na dulot ng edad na maaaring makasama sa mga neurons at makaapekto sa iba pang brain cells tulad ng pagliit nito, pamamaga, problema sa mga daluyan ng dugo sa utak, at pagkabawas ng nutrisyon sa loob ng brain cells.
- Mga pagbabago sa genes na maaaring maipamana sa kamag-anak. Ang dalawang uri ng Alzheimer’s – ang early onset na nakikita mula edad 30 hanggang mid-60s at ang mas pangkaraniwang late onset Alzheimer’s na nakikita sa mga taong lampas 60 ang edad – ay maaaring nasa lahi o sa pagkakaroon ng pagbabago sa genes. Ang mga taong may Down Syndrome ay maaaring magka-Alzheimer’s habang tumatanda at magkaroon ng sintomas simula pa lang sa edad 40.
- Ang mga health at lifestyle factors at mga bagay sa kapaligiran ay maaari ring may kaugnayan dito, tulad ng pagkakaroon ng sakit sa puso, stroke, high blood, diabetes at obesity at exposure sa mga pollutants.
Maaring walang isang punong dahilan kung bakit nagkakaroon ng Alzheimer’s Disease.
Ano ang mga Risk Factor para sa Alzheimer’s Disease?
Kung walang punong dahilan para sa Alzheimer’s, may mga risk factor o mga katangian na nagpapataas (ngunit hindi ibig sabihin ay nagdudulot) ng posibilidad na magkaroon ng Alzheimer’s:
Edad. Napansin sa mga pag – aaral na ito ang pinakaimportanteng risk factor sa pagkakaroon ng Alzheimer’s disease. Napansin din na karamihan sa mga pagbabago sa utak ng taong may Alzheimer’s ay nakikita rin sa taong may edad. Sa mga datos sa pag – aaral sa ibang bansa, ang pagiging laganap ng Alzheimer’s ay umaabot sa 19% sa mga taong may edad na 75 – 84 years old, at 35 – 50% sa mga taong may edad na 85 pataas. Walang kaparehas na datos na naisagawa pa sa ngayon para sa mga Pilipino.
Genes. Maraming genes ang natukoy na maaaring may koneksyon sa Alzheimer’s ngunit ang pagkakaroon ng first degree relative na may Alzheimer’s ang may pinakamalakas na ebidensya na mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon din ng Alzheimer’s disease.
Traumatic Brain Injury o Matinding Pinsala sa Utak. Nakita sa mga pag-aaral na mas mataas ang chance na mag-develop ng Alzheimer’s kapag nagkaroon ka na ng previous brain injury o head trauma.
Diet. Ang mga sumusunod na salik ay mayroon ring koneksyon sa Alzheimer’s disease:
- Malnutrition
- Obesity
- Diabetes
Sakit sa Puso (Cardiovascular Disease) o mga Daluyan ng Dugo (Vascular Disease)
Sa mga taong may dementia na sumailalim sa autopsy, napansin na may connection ang Vascular Disease at Alzheimer’s. Maaaring ito ay may kinalaman sa pagdaloy ng dugo papunta sa utak.
Sa kabuuan, hindi isang risk factor ang magdudulot ng Alzheimer’s, ngunit kombinasyon ng pagkakaroon ng mga ito.
Ano pa ang alam natin tungkol sa Alzheimer’s Disease?
- Edad ang pinakatiyak na risk factor para sa Alzheimer’s disease. Habang mas tumatanda, mas tumataas ang posibilidad na magkaroon ng Alzheimer’s disease.
- Family history. Kung may kamag – anak ka na nagka – Alzheimer’s, maaari ring magkaroon ka ng Alzheimer’s, ngunit hindi ibig sabihin na automatic na magkakaroon ka ng Alzheimer’s kung mayroon ang kamag-anak mo. Maaaring mabawasan ang chance na mag-develop ng Alzheimer’s sa pamamagitan ng pag – eehersisyo, pagkain ng wasto, paglimita ng alcohol consumption, at hindi paninigarilyo.
- Ang mga pagbabago sa utak na magdudulot ng Alzheimer’s disease ay maaring magsimula ilang taon pa bago makita ang sintomas ng Alzheimer’s disease.
Ano ang mga sintomas ng Alzheimer’s?
Mahalagang tandaan na ang Alzheimer’s ay HINDI bahagi ng normal na pagtanda. Ang pinakaunang mga senyales ng Alzheimer’s ay memory problems.
Ito ang ilan sa mga sintomas ng Alzheimer’s:
- Pagkalimot na nakakaantala sa pang – araw – araw na gawain katulad nang pagkawala sa isang pamilyar na lugar, o pag – uulit ng mga tanong
- Problema sa pag- aayos ng pera at pagbabayad ng mga bills tulad ng kuryente at tubig
- Hirap sa pagkumpleto ng mga nakasanayan nang gawain sa bahay, sa trabaho o kahit sa paglalaro
- Bawas sa kakayahang mag-desisyon ng tama
- Pagkawala ng mga gamit at bawas na kakayahan sa pag-alala kung saan ito huling nakita o naiwan
- Pagbabago sa ugali
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-senior-woman-confused-because-she-1710659530
Ano ang maaari kong gawin upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ako ng Alzheimer’s Disease?
Ang pinakaepektibong paraan upang hindi magkaroon ng Alzheimer’s disease ay ang pagtutok nang maigi sa lifestyle changes. Dalasan ang physical activity at layuning maglaan ng oras para sa ehersisyo. Ang mga stratehiya para mapabagal ang pag – edad ay nakakatulong. Ang pagpapanatiling aktibo ng cognitive activity o pag – iisip sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga bagong kaalaman ay maaari ring makatulong. Ipinapayo rin ang pagtigil sa paninigarilyo.
Ang Alzheimer’s Disease ay isang sakit na mabagal ang pag-develop at hindi ganoong napapansin ngunit ang epekto sa pang – araw – araw na buhay ng pasyente at maging sa kapamilya ay mabigat. Kapag may hinala na ang iyong kamag – anak ay may Alzheimer’s Disease, makabubuting magpakonsulta sa isang neurologist, doktor na nagpakadalubhasa sa mga sakit sa utak, o psychiatrist, doktor na nagpakadalubhasa sa pag – iisip at mental health.
Sa panahon ngayon, magandang bigyan natin ng oras na alamin ang mga pinagdadaanan ng mga pasyenteng mayroong Alzheimer’s at ng kanilang pamilya. Sa pamamagitan nito, mas maiintindihan nating maaaring hindi lamang “tumatanda” ang ating mga magulang, lolo at lola at mapaghahandaan natin kung mayroong tayong mahal sa buhay na magkakaroon nito.
References:
https://www.cdc.gov/aging/aginginfo/alzheimers.htm#AlzheimersDisease?
https://www.alzheimers.gov/alzheimers-dementias/alzheimers-disease