Nang dahil sa COVID-19 pandemic, naging mas mataas ang kamalayan ng marami ukol sa importansya ng matibay na mental health. At isa nga sa mga naging madalas nating mabasa o marinig mula sa iba ay ang terminong “anxiety” na walang isang kasing-kahulugan sa salitang Filipino.
Normal na parte ng buhay ang paminsan-minsang nakararanas ng anxiety ang isang tao. Lalo ngayon sa panahon ng pandemya, maraming bagay at pangyayari ang maaaring makapag-trigger ng anxiety nang hindi napapansin ng nakararanas nito o ng mga tao sa kanyang paligid. Kaya naman mahalaga na talakayin kung ano ba talaga ito, anu-ano ang mga sanhi at signs of anxiety, at paano nito naaapektuhan ang pangkalahatang kalusugan ng isang indibidwal.
Ang tatalakayin natin dito ay ang anxiety disorders na ibang-iba sa ordinaryong anxiety na nararamdaman mo kung ikaw ay bagong lipat sa isang lugar o magsisimula sa bagong trabaho o kapag may sasagutang exam. Kung ang iyong nararamdaman ay nakaaapekto na sa pang-araw-araw na gawain mo, tinutukoy na ito ng mga bihasa bilang anxiety disorder.
Iba’t ibang uri ng anxiety disorders
Kung ang simpleng paglabas ng bahay dahil sa matinding pangamba na mahawahan ng coronavirus, halimbawa, ay hindi mo na magawa, maaaring may nakararanas ka na ng isang uri ng anxiety disorder. Pinipigilan ka nitong ma-enjoy ang bagay na madalas mo namang ginagawa noon
Ang ilan sa mga halimbawa ng anxiety disorders ay generalized anxiety disorder, panic disorder, social anxiety disorder, separation anxiety disorder, at phobia sa isang partikular na bagay o pangyayari. Maaari kang makaranas ng higit sa isang klase ng karamdaman.
- Generalized anxiety disorder – ito ay ang paulit-ulit na sobrang pangangamba sa isang aktibidad o pangyayari gaano man ito kaordinaryo. Labis-labis na ang anxiety at out of proportion na ito sa aktwal na pagkakataon sa puntong hindi mo na ito makontrol kaya naaapektuhan na rin pati ang iyong pisikal na kalusugan. Kadalasan ay nangyayari ito kasabay depression at iba pang uri ng anxiety disorders.
- Panic disorder – ito ang isa sa mga rason kung bakit dapat pagtuunan ng pansin ang mental health dahil maaaring mauwi sa kapahamakan. Ang taong may panic disorder ay nakararanas ng epekto ng generalized anxiety disorder na may kasamang pananakit ng dibdib, kakulangan ng hininga, at mabilis na pagtibok ng puso o heart palpitations.
- Social anxiety disorder – tinatawag din bilang social phobia, ito ay ang pag-iwas sa mga social situation dahil sa labis na pangamba at pagkahiya na mahusgahan ng ibang tao.
- Separation anxiety disorder – ito ay ang pangangamba dahil malayo sa tahanan o mga mahal sa buhay. Madalas itong makita sa mga bata at isa mga malaking dagok sa kanilang developmental level na may kinalaman sa kanilang magulang o mga taong tinuturing na magulang.
- Specific phobia – ito ay ang labis na pagkatakot sa isang partikular na bagay, sitwasyon, o aktibidad dahil sa hindi magandang karanasan na may kinalaman sa mga ito. Ang pobya ay maaaring magbunsod ng panic o anxiety attack para sa ibang tao.
Ito ay lima lamang sa maraming uri ng anxiety disorder. Kaya mahalaga na magpatingin sa eksperto para matiyak kung aling partikular na karamdaman ang mayroon ka at mas maging epektibo ang lunas na mairekomenda sa iyo.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/silhouette-depressed-asian-man-sitting-on-1727342716
Sintomas at sanhi ng anxiety disorders
Walang pinipiling edad at kasarian ang anxiety disorders. May mga pagkakataon na nag-uumpisang lumabas ang anxiety symptoms sa childhood or teenage years ng isang indibidwal at tumutuloy hanggang sa pagtanda. Pero ayon sa pag-aaral, mas mataas ang tyansa na ma-diagnose ang isang babae na may ganitong sakit kumpara sa lalaki.
Ito ang mga pangkaraniwang sintomas ng anxiety disorder na dapat mong bantayan:
- Mabilis na paghinga
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Hindi mapakali o pagkabalisa
- Nahihirapan makatulog
- Hindi makapag-concentrate
- Pananakit ng ulo at sikmura
- Sobrang pagpapawis
- Mabilis magalit at labis na pagka-irita
- Madalas na pagkabagot
- Pag-igting ng kalamnan
- Pagkagitla at pagiging matarantahin
Para sa mga sanhi naman, maaari itong medikal na madaling mapuna ng mga doktor kagaya ng diabetes, heart disease, at drug misuse at withdrawal. Pwedeng sanhi rin ang hyperthyroidism, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), asthma, irritable bowel syndrome (IBS), withdrawal sa pag-inom ng alcohol, anti-anxiety medications, at iba pang klase ng gamot, at tumor na nagpo-produce ng partikular na fight-or-flight hormones.
May mga kadahilanan pang pwedeng magpataas ng risk na magkaroon ka ng anxiety disorder tulad ng stress dahil sa sakit, trauma, pagkatao, ibang mental health disorder, droga at alcohol, at pagkakaroon ng kadugong may anxiety disorder din.
Kahit na ang anxiety ay ang natural response ng katawan sa stress, hindi ito dapat isantabi lang. Kapag ito ay nakasasagabal o nakaaapekto na sa pang-araw-araw na gawain mo, maaaring ito ay anxiety disorder na, lalo kung ang nararamdaman mo ay mas matindi, labis, at paulit-ulit na pangangamba sa mga bagay-bagay. Kung ano’t anuman, mahalaga na kumonsulta agad sa doktor para sa agarang lunas dito. Ang anxiety disorder ay maaaring malunasan ng gamot, psychotherapy, o kombinasyon ng dalawa. Panatilihin nating malakas ang ating mental health sa gitna ng pandemya.
Sources:
https://www.healthline.com/health/anxiety
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/anxiety/symptoms-causes/syc-20350961