Pag-iwas sa Stress at Anxiety Ngayong Panahon ng Pandemya
Ang pandemyang ating kinakaharap ngayon ay nagdudulot ng stress sa maraming tao. Hindi lamang ang pisikal na kalusugan ang nasa peligro kundi pati na rin ang ating mental health. Ang takot at anxiety dahil sa nakababahalang COVID-19 ay maaaring lumalala at makaapekto sa mga matatanda at bata. Ang mga patakaran gaya ng social distancing ay nagdudulot ng kalungkutan o pakiramadam na sila ay “isolated” – kaya naman marami ang nagkakaroon ng emotional stress at anxiety attack.
Mga Epekto ng Stress at Anxiety
Narito ang mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa stress at anxiety, ang mga epekto nito sa iyong mental health, at kung paano maiiwasan ang mga ito.
Ang stress sa panahon ng pandemya na tulad ng kinakaharap natin ngayon ay maaaring magdulot ng mga sumusunod:
- Takot at pag-aalala sa sariling kalusugan at mahal sa buhay, pinansyal na katayuan, trabaho, at kawalan ng mga serbisyong kinakailangan
- Pagbabago sa pagtulog at pagkain
- Hirap sa pagtulog o sa pagco-concentrate
- Paglala ng mga karamdaman
- Paglala ng mga mental health condition
- Pagdalas ng paninigarilyo at pag-inom ng alak
Ang iyong paraan ng pagharap sa stress ay nakadepende sa napakaraming salik gaya ng iyong background, suportang nakukuha mo sa iyong mga mahal sa buhay, pinansyal na katayuan, lakas ng iyong pisikal at emosyunal na kalusugan, kalagayan ng komunidad, atbp. Ang mga pagbabagong dala ng pandemya at ang ating paraan upang matugunan ang mga ito ay maaaring makaapekto sa bawat isa.
Ang mga taong mas apektado ng stress dahil sa krisis ay ang mga sumusunod:
- Mga taong may higher risk sa mga malubhang sintomas ng COVID-19 gaya ng mga nakatatanda, bata, teen-ager, at iyong may iba pang iniindang karamdaman
- Mga taong mayroong mental health condition, disability, o developmental delay
- Mga frontliners gaya ng mga nagtatrabaho sa ospital, mga first responders, at mga nagtatrabaho sa food industry
- Mga taong nangangalaga sa mga kapamilya o ibang mahal sa buhay
- Mga taong nawalan ng trabaho o naapektuhan ang trabaho at kita
- Mga taong walang tirahan
- Mga taong “socially isolated” gaya ng mga naninirahan mag-isa at yung mga nakatira sa malalayong lugar
- Mga taong kabilang sa katutubo at minoryang grupo na walang access sa impormasyon sa kanilang wika
Pangangalaga sa iyong sarili at sa komunidad
Ang pangangalaga sa iyong mga mahal sa buhay ay dapat lamang na tumbasan ng wastong pangangalaga sa iyong sarili. Ang pagtulong sa kapwa upang mabawasan ang kanilang stress, gaya ng pagbibigay ng social support, ay nakakatulong upang mapagtibay ang komunidad laban sa kinakaharap na suliranin. Sa panahon ng social distancing, maaari pa ring panatilihin ang social connection upang mapahalagahan ang mental health. Ang simpleng pagtawag o video call ay nakakatulong upang maibsan ang kalungkutan, pangungulila, at stress ng mga kamag-anak at kaibigan.
Narito ang ilan pang mga paraan upang maiwasan ang emotional stress at anxiety symptoms:
- Alamin ang mga dapat gawin kapag nagkasakit at naghihinalang may sintomas ng COVID-19. Tumawag agad sa isang health professional bago magsagawa ng anumang self-treatment.
- Alamin kung saan at paano makakakuha ng lunas at iba pang support services kaugnay ng iyong kalagayan, kagaya ng counseling at therapy.
- Alagaan ang iyong emotional health. Ang wastong pag-iingat sa iyong emotional health ay makakatulong upang mabilisang matugunan ang iyong kalagayan at maprotektahan ang iyong sarili at pamilya.
- Paminsan-minsang umiwas sa panonood at pagbabasa ng mga balita tungkol sa pandemya. Maaaring magdulot ng pagkabahala at pag-aalala ang regular na pakikinig sa mga negatibong balita.
- Pangalagaan ang iyong pisikal na kalusugan. Ugaliin ang paghinga ng malalim upang ma-relax ang utak at mag-stretching upang marelax naman ang katawan. Huwag kalimutan uminom ng bitamina na nagpapalakas sa katawan. Kumain ng masustansya at balanseng pagkain at simulan ang regular na pag-eehersisyo. Tiyaking laging may sapat na tulog at pahinga at umiwas muna sa labis na pag-inom ng alak at iba pang bisyo.
- Maglibang at sumubok ng iba’t-ibang activities.
- Makipag-usap sa mga mahal sa buhay. Huwag mahiyang magpahayag ng iyong mga nararamdaman at agam-agam sa mga kapamilya at kaibigan.
Hindi biro ang ating pinagdadaanan ngayong pandemya. Dahil dito mas dapat nating pangalagaan ang ating sarili at ang mga taong nakapaligid sa atin. Ang stress, anxiety, at depression ay maaaring mapuksa sa pamamagitan ng wastong kaalaman at suporta mula sa pamilya at kaibigan. Huwag mahihiyang humingi ng tulong kung ikaw ay nakakapansin ng depression at anxiety symptoms. Ugaliin din ang pagkumusta sa mga kamag-anak at kaibigan at ipaalam sa kanila na ikaw ay handang makinig sa kanilang mga problema at nararamdaman.
Sources:
https://www.webmd.com/balance/stress-management/stress-anxiety-depression
https://www.cdc.gov/coronavirus/2019-ncov/daily-life-coping/managing-stress-anxiety.html
https://www.helpguide.org/articles/anxiety/coronavirus-anxiety.htm