Marami ang excited na bumalik sa eskwela para sa face to face classes ngunit marami pa rin ang nangangamba dahil sa pandemya.
May lagpas dalawang taon ring hindi nakapasok sa paaralan ang mga estudyante dahil sa COVID-19 pandemic. May mga batang napabuti ang mental health dahil sa dami ng oras kasama ang pamilya at bawas na pressure sa pag-aaral. May iba namang nakaranas ng social isolation at hirap manumbalik sa kanilang mga nakagawian.
Sa harap ng malaking pagbabagong ito, ang kailangan ng mga bata ay ang tamang pag-iisip at positibong pananaw.Sa pagbubukas muli ng pinto ang mga eskwelahan, inaalam pa ang mainam na paraan upang magbigay ng suporta sa mga bata base sa kanilang edad at format ng kanilang mga klase.
Narito ang ilang mga payo mula sa mga eksperto kung paano masusuportahan ng mga magulang ang mental health ng kanilang mga anak na magbabalik-eskwela.
Mga Tips upang Mapanatili ang Mental Health ng mga Bata
- Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na maglabas ng kanilang mga saloobin.
Ang mirroring, o ang pagsasalamin ng karanasan ng bata, ay isa sa mga pinakamahalagang kakayahan ng isang magulang. Kung ang bata ay nagmimistulang problemado, pumili ng tamang pagkakataon upang sabihing “Napapansin ko na matamlay ka nitong mga nagdaang araw. Pakiramdam ko ay may mas malalim kang nararamdaman kaysa sa ibinabahagi mo sa amin.” Ang pag-eengganyo sa mga batang sumubok ng mga malikhaing aktibidad, tulad ng paglalaro at pagguhit, sa isang kapaligirang payapa at nagbibigay-suporta ay makakatulong sa kanilang maipahayag ang mga damdamıng hindi nila mailalabas sa mga karaniwang pagkakataon.
- Mas makinig at bawasan ang pagsasalita.
Kadalasan, ang mga bata ay sumusunod sa ginagawa at pinapahiwatig ng mga nakatatanda, kaya mahalaga na manatiling kalmado, makinig sa mga alalahanin ng bata, maging mahinahon sa pagsasalita, at ipanatag ang kanilang kalooban. Hayaan ang batang manguna sa usapan. Gamitin ang konsepto ng W.A.I.T - Why Am I Talking. Isipin muna ang iyong sasabihin, kung ano ang intensyon nito, at kung makakatulong ito upang lalong maintindihan ang sitwasyon bago magpahayag ng saloobin.
- Kilalanin na ang pagkabalisa ay normal.
Ipaalam sa bata na lahat ng tao ay nakakaranas ng mga pagsubok paminsan-minsan. Ito ay inaasahan, lalo na sa gitna ng isang pandemya. Dapat ipaalam ng mga magulang na normal lang ang pagkakaroon ng alinlangan at lilipas din ito. Ipaalala sa mga bata na kung mayroon silang problema, nariyan ang kanilang mga magulangupang tulungan at gabayan sila sa paghanap ng kalutasan nito.
- Huwag itago ang sariling stress.
Maging modelo ng mabuting stress management kapag may pagkakataon. Kung ang magulang ay nakakaranas ng stress, ibahagi ang damdaming ito sa mga bata. Maaaring sabihin na, “Nahihirapan ako sa nararamdaman kong stress ngayon.” Paalalahanan sila na nagbabago ang emosyon, at it’s okay to not be okay sa lahat ng pagkakataon.
- Bigyan ng panahon ang mga bata na mag-adjust.
Dahil sa matagal na panahon na nasa bahay lamang ang mga bata at pamilya lamang ang kasama, maaaring mas matagal mapalapit ang loob nila sa mga guro at kaklase. Ang pagsusuot ng mask ay mabuti para sa ating kaligtasan ngunit balakid ito sa pakikipag-ugnayan at pagpapakita ng emosyon. Makipagtulungan sa mga guro ng bata upang magkaroon ng mga bagong routine na makakatulong bumuo ng matibay na ugnayan sa ibang tao at maging matagumpay ang transisyon mula sa bahay papunta sa eskwelahan.
- Hikayatin ang mga bata na huwag magmadali.
Ang mga estudyante na sabik na bumalik sa eskwelahan upang makita ang kanilang mga kaibigan ay maaaring makaranas ng mas matinding pagod na higit sa kanilang inaasahan. Turuan silang masanay na magkaroon ng mga study break at oras para magpahinga.
- Pag-usapan ang mga takot tungkol sa COVID-19.
Sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng mga batang nagkakaroon ng COVID-19, marami ang siguradong magtatanong tungkol sa pagbabalik-eskwela sa kabila ng pandemya. Alamin kung ano ang mga kinatatakutan nila at bigyan sila ng direktang sagot na nababagay sa kanilang edad. Kung hindi sigurado kung paano ito sasagutin, maaaring hanapin ang sagot online sa mga mapagkakatiwalang organisasyon tulad ng UNICEF at World Health Organization.
- Pabakunahan ang mga bata.
Ang bakuna kontra-COVID-19 ay ligtas at epektibo. Ang pagkakaroon ng bakuna ay nakakapagbigay ng kapayapaan ng isip, dahil alam ng mga bata na protektado sila laban sa COVID-19 at nagiging parte sila ng solusyon upang matigil ang pagkalat ng virus sa komunidad. Para sa mga dagdag-kaalaman tungkol sa sa COVID-19 vaccine bisitahin ang link na ito. Para naman makapag schedule ng appointment para sa pagpapabakuna laban sa COVID-19 sa inyong lokal na pamahalaan bisitahin ang link na ito.
- Bigyang-diin ang pag-aalaga sa sarili.
Mahalaga na kilalanin ang mental health bilang isang aspeto ng pangkabuuang kalusugan ng isang tao. Kung may masamang nararamdaman ang isang tao, kailangan nilang magpakonsulta sa doktor. Kung tingin ng magulang na makakatulong ang pagpapatingin sa pediatrician o sa isang therapist, hikayatin ang batang subukan ito kahit isang beses lamang.
Emergency Hotlines at Helplines
Naglunsad ang Department of Education (DepEd)-Disaster Risk Reduction Management Service (DRRMS) ng mental health helpline system na nagbibigay ng impormasyon kung paano makikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon upang suportahan ang mga mag-aaral, guro, at ang publiko sa mga panahong nakakaranas sila ng mental at psychological distress.
Ang mga organisasyon na ito ay maaaring tawagan sa mga susunod na numero:
-Hopeline PH: (02) 8804 46 73, (+63) 917 558 4673, (+63) 918 873 4673, Globe/TM toll-fee 2919
-NCMH Crisis Hotline: 0917 899 8727, 1553 Luzon-wide landline toll-free
Para sa kumpletong detalye, maaaring bisitahan ang Facebook page ng DepEd-DRRMS (https://www.facebook.com/DepEdDRRMS). Para sa karagdagang impormasyon at mga katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa DRRMS sa pamamagitan ng pagpapadala ng e-mail sa [email protected]
References:
https://www.unicefusa.org/stories/back-school-9-ways-support-childrens-mental-health/38857
https://newsnetwork.mayoclinic.org/discussion/mayo-clinic-q-and-a-back-to-school-mental-health-tips/
https://theempowermentdynamic.com/why-am-i-talking-the-power-of-w-a-i-t/