Bakit Kailangan Mag – Ingat sa Street Food?

February 15, 2023

Ang Street Food ay uri ng pagkain na sikat at kilala kahit saan, hindi lamang sa Pilipinas. Kinagisnan ito ng mga Pilipino dahil ang mga pagkain tulad ng isaw, kwek – kwek, banana cue, fish ball - bukod sa iba pa - ay tunay nga namang napakasarap. Sa panig ng mga naglalako, ito ay madaling lutuin at nakapagbibigay sa kanila ng simpleng pangkabuhayan. Maliban sa angking sarap ay may ambag ang street food sa kultura ng bawat siyudad o probinsya nito.

Bagama’t magandang pakinggan, importante rin mapagtanto na ang pagkain ng street food ay may kaakibat ding health risk.

Ano ang Street Food?

Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO), ang street food ay ready – to – eat na pagkain at inumin na inihanda ng mga naglalako sa kalsada o iba pang pampublikong lugar.1  Ito ay isang madaling paraan upang makakain sa pang – araw – araw, ngunit walang pormal na regulasyon sa kalakaran ng street food. Dahil rito, ang street food vending ay maaaring kadahilanan ng pagkalat ng mga sakit sa publiko.

Ano ang mga Health Risks na maaaring maengkwentro sa pagkain ng Street Food?

Ang pangunahing panganib na dulot ng street food ay food poisoning sa pamamagitan ng pagkalat ng mga bacteria. Ang mga sintomas nito ay:2

  • Diarrhea o malabnaw o matubig na dumi
  • Lagnat
  • Sakit ng tiyan
  • Pagsusuka

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/virus-infectious-disease-concept-1006851670

Ang mga sumusunod ang ilan sa mga salik na nakapagdudulot sa ganitong katangian ng street food:3

  • Lokasyon. Karaniwang hindi akma ang lugar kung saan hinahanda ang mga street food. Madalas ay sa bahay lamang o sa tabi – tabi, na minsan ay marumi ang kapaligiran. Ang mga pagkaing mula sa unang luto at naiwan sa pinaglutuan ay maaaring mapanis at maka-kontamina sa mga susunod na lulutuing pagkain. Kapag hindi nakatakip ang iba sa mga pagkaing ito, maaaring maalikabukan at madapuan ng langaw.
  • Paghahanda ng pagkain. Maaaring hindi malinis ang paghahanda sa street food na kadahilanan ng kontaminasyon. Ang mga kamay ng mga nagbebenta ay isa sa mga karaniwang dahilan ng pagkalat ng mga bacteria mula sa dumi, ilong, o balat papunta sa pagkain.
  • Pagtatapon ng basura. Ang lokasyon kung saan binebenta ang street food ay madalas sa mataong lugar kung saan walang tamang sistema para itapon ang mga kalat at  paraan upang maglinis ng kamay pati ng mga gamit sa pagluluto. Ang mga basura ay kadalasang tinatapon sa may kalsada o kanal malapit sa tindahan ng street food. Ito ay maaaring pagbahayan ng mga daga at langaw na maaaring magdulot ng pagdami ng bacteria.
  • Tubig. Ang tubig ay importanteng bahagi ng street food operations. Kung ang tubig na ginagamit sa paghuhugas ng kamay, kubyertos, o pagkain ay nakontamina, maaari itong magdulot ng malawakang pagkalat ng sakit o disease outbreak.
  • Mga kubyertos na ginamit. Kung hindi napapanatili nang maayos ang mga kubyertos na ginagamit sa pagluluto, maaari itong maging sanhi ng pagtubo ng mga mikrobyo, na maaaring mapunta sa pagkain.
  • Pag – imbak ng pagkain. Napag – alaman sa mga pag – aaral4 na kapag matagal na nakatago ang pagkain bago ito lutuin ay may posibilidad na magdulot ito ng food poisoning.
  • Kalinisan ng mga nagtitinda. May mga ilang food handler na maaaring makontamina sa pagkain kung sila mismo ay may sakit. May mga nakasanayan rin na gawain kung saan nakabalot sa plastik ang pagkain, pero binubugahan ng hangin ang plastik upang lumobo ito, at dito maaaring magkaroon ng kontaminasyon ang pagkain ng kostumer.

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/antipolo-city-philippines-september-7-2017-713413570

Maliban sa public health concern na ito, karamihan sa mga street food ay deep fried. Ang ganitong klase ng pagluluto ay nagpapataas ng calories at taba na nakukuha sa pagkain. Tayo ay mas maaaring magkaroon ng sakit sa puso o diabetes kung ang ating pang – araw – araw na kinakain ay madalas ganito, hindi lamang natatangi sa mga street food.

Paano ko malalaman kung ligtas ang aking kakainin na Street Food?

Walang tiyak na paraan upang matukoy kung ang kakainin na street food ay 100% ligtas, dahil ito nga ay tinitinda sa kalsada. May mga ilang panuto na maaaring tandaan upang makatulong sa pagdesisyon kung dapat ka ba bumili sa isang pwesto.5
- Kalinisan. Mukha bang malinis at organisado ang lutuan? Magkahiwalay ba ang hilaw sa lutong pagkain? May bahid ba ng mga insekto, ipis, daga, o mga peste? Mukha bang malinis rin ang mga kamay o pananamit ng nagtitinda?

-Temperatura. May tamang temperatura na dapat nakatago ang pagkain. Kung mainit ang pagkain, dapat mapanatiling mas mataas sa 63°C ang temperatura nito, at kung malamig ang pagkain ay mapanatiling mas mababa sa 5°C. Halimbawa ng mga mainit na pagkain ay mga noodles, meatballs, fishballs, banana cue, o karamihan ng street food. Para sa mga mainit na pagkain, dapat itapon na ito pagkatapos ng dalawang oras kung hindi pa nakain.

Ang mga halimbawa naman ng malamig na pagkain ay mga katulad ng  halo halo, mais con yelo, pati na ang mga smoothie o iskrambol. Para sa malamig na pagkain, kung patuloy na mas mataas sa 8°C ang temperatura - ibig sabihin ay nakaimbak ito sa lugar na hindi ganoon kalamig - kinakailangang itapon na ito sa loob ng apat na oras kung hindi pa nakain.

Ngunit mahirap matukoy ang mga temperatura sa isang street food setup. Kung sa tingin mo ay lumalampas na sa mga temperatura o oras ang tinitinda, huwag na itong kainin. Ang isang palatandaan ay kapag maraming kawa ng pagkain ang nakalatag, maaaring napatagal na ito at hindi ligtas kainin. Ang mga malalaking bowl ng pagkain ay mahirap rin panatilihin na mainit ng matagal – mas maigi na fresh to order ang mga ganitong klaseng pagkain.

 -Pag -iimbak. Ang hilaw at lutong pagkain ay dapat magkahiwalay upang maiwasan ang cross-contamination. Maiging iwasan ang tindahan kung kita na may mga hilaw na sangkap na nakahalo sa mga ready-to-eat na pagkain. Halimbawa, kung magkatabing hilaw at lutong  barbeque o isaw.

Hindi na lamang ba ako dapat kumain ng Street Food?

Ang pagkain ng street food ay natatanging karanasan, depende sa lugar at panahon. Marami sa street food ay hindi pasok sa mga tamang regulasyon ng pagkain at laging may kaakibat na risk dahil sa naturang uri ng kalakaran na ito. Kung aalamin natin paano mapuna ang paraan ng paghahanda nito, pati na rin ang lugar, at ang nagbebenta, maaari itong maging masarap at masayang karanasan, na bawas ang kaakibat na panganib ng pagkakasakit.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/mixed-philippine-street-foods-506898181

References:

  1. https://bmcpublichealth.biomedcentral.com/articles/10.1186/s12889-019-7475-9
  2. https://www.cdc.gov/foodsafety/food-poisoning.html
  3. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3209856/
  4. https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/8880315/
  5. https://www.highspeedtraining.co.uk/hub/street-food-safe/