Bakit Nagkakaroon ng Allergy ang mga Bata?
Ang pagkakaroon ng allergy ay kadalasang namamana mula sa mga magulang ng bata. Ngunit, hindi dahil may allergy ang magulang ay tiyak na na maipapasa ito sa anak. Bukod dito, may mga bata rin na nagkakaroon ng allergy kahit na walang miyembro ng pamilya nila ang may allergy. Kadalasan, kapag allergic ang bata sa isang bagay ay maaaring allergic din ito sa marami pang ibang bagay.
Tulad ng mga matanda, ang mga maliliit na bata ay maaari ring magkaroon ng allergy sa mga pagkain, sa mga bagay na kanilang nahahawakan, at sa mga hindi nakikitang mga bagay na kanilang nalalanghap sa loob at labas ng bahay.
Kapag ang bata ay nakakaranas ng kahit anong sintomas, maaaring mahirap malaman kung ano ang nangyayari dahil hindi rin ito maipaliwanag nang maayos ng bata.
Paano Nagkakaroon ng Allergy?
Sa tuwing umaatake ang allergy, napagkakamalan ng immune system na may manlulusob na nakapasok sa katawan. Dahil dito, sobra ang ginagawang pagtugon ng katawan upang labanan ang bagay na sa tingin nito ay magdudulot ng pinsala. Ang bagay na ito na napagkakamalan ng katawan na mapanganib ay tinatawag na allergen. Ito ang bagay na sanhi ng allergic reaction.
Bilang proteksyon sa katawan, gumagawa ang immune system ng mga panlaban na nagpapakalat ng kemikal sa dugo. Isa sa mga kemikal na ito ang histamine na nagdudulot ng sintomas ng allergy. Maaaring makaranas ng sintomas sa mata, ilong, lalamunan, baga, balat, at sa tiyan. Ang pagkakaroon ng exposure sa allergen ay maaaring mag-trigger muli ng panibagong reaksyon sa susunod na makatagpo ito ng katawan.
Mga Sanhi ng Allergy
Maraming maaaring sanhi ng allergy, ngunit maaaring hatiin ang mga ito sa tatlong kategorya:
-Pagkain at gamot
-Kapaligiran
-Pana-panahon na pag-atake
Ang allergic reaction sa pagkain o gamot ay kadalasang nararanasan pagkatapos ma-expose rito. Maaaring hindi gaanong matindi ang maging reaksyon, ngunit maaari ring nakamamatay. Ang mga allergy sa kapaligiran ay maaaring makuha sa mga bagay na dumidikit sa balat ng bata, tulad ng detergent sa damit, o sa mga nalalanghap na bagay, tulad ng alikabok. Maaaring makaapekto ito ng bata sa kahit anong panahon. Ang mga allergy naman na pana-panahon lamang ang pag-atake ay nagiging problema lamang sa ilang lugar sa partikular na panahon kada-taon. Kadalasan, nagmumula ito sa mga bagay na nasa labas ng bahay tulad ng mga puno o halaman na tumutubo sa isang lugar. Ang katagang “hay fever” ang naglalarawan sa mga allergy na ito.
Mga Sintomas ng Allergy
https://www.shutterstock.com/image-photo/girl-scratch-itch-hand-concept-healthcare-724708591
Iba’t-iba ang sintomas ng allergy depende sa klase ng allergy at sa taong nakakaranas ng reaksyon. Sa mga sanggol, karaniwang mas kakaunti ang mga bagay na nagdudulot sa kanila ng allergy dahil kailangan ma-expose muna sila sa mga allergen ng ilang pagkakataon bago sila magkaroon ng allergic reaction sa mga ito. Halimbawa, ang mga pana-panahon na sanhi ng allergy ay hindi karaniwan sa mga sanggol dahil hindi pa sila nabuhay ng ganoon katagal upang maranasan ang paglipas ng iba’t ibang panahon. Dahil dito, ang mga allergy sa nalalanghap na pollen ay hindi kadalasang nakikita sa mga batang edad dalawang taong gulang pababa.
Paano Malaman kung may Allergy ang Bata?
Ang tanging paraan upang makasigurado na may allergy ang isang bata, at hindi ordinaryong sipon o ibang kundisyon, ay ang pagsasagawa ng doktor ng mga allergy test. Kaya lang, ang ekasminayon na ito ay hindi wastung-wasto ang nakukuhang resulta sa mga bata. Maaaring ang magsagawa ng pagsusuri ay isang pediatrician o allergologist.
Skin test
Sa pamamagitan ng karayom, ang doktor ay tutusok ng maliit na butil ng partikular na mga allergen sa ilalim ng balat. Ito ay tinatawag na skin prick test. Maaari ring maglagay ng allergen sa hiringgilya na itinuturok sa balat, na tinatawag na intradermal test. Ang balat ay babantayan sa loob ng labinlimang minuto upang malaman kung magkakaroon ng reaksyon. Kung walang makitang reaksyon sa balat, maaaring hindi ito ang dahilan ng allergic reaction at maaaring sumubok ulit kung magkakaroon ng positibong reaksyon sa ibang allergen. Ang skin test ay ligtas para sa sanggol na anim na buwan pataas, ngunit dahil sa edad at iba pang mga kundisyon, maaaring hindi perpekto ang makuhang resulta ng pagsusuri.
Blood test
Maaaring hindi kasing-sensitibo ng skin test ang blood test ngunit maaaring mas mainam ito para sa mas maliliit na bata o sa mga pagkakataon na hindi angkop ang pagpapagawa ng skin test. Ang mga ilang gamot, katulad ng mga anti-histamine, ay maaaring makaapekto sa resulta ng skin test.
Elimination diet test
Sa pinaghihinalaang pagkain na sanhi ng allergy, maaaring magpayo ang doktor na umiwas sa pagkain nito sa loob ng isang linggo upang malaman kung may mangyayaring pagbabago sa sintomas ng allergy. Maaaring mahirap gawin ito, dahil may mga partikular na allergen, tulad ng gatas, na makikita sa maraming produkto.
Paano Nagagamot ang Allergy?
Walang lunas para sa allergy, ngunit ang mga sintomas ay kayang makontrol. Ang pinakamainam na paraan upang maagapan ang sintomas ay ang pag-iwas sa mga sanhi ng allergy. Dapat kausapin ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa allergy at sa mga reaksyon nila kapag kumain o na-expose sila sa bagay na sanhi ng kanilang allergic reaction. Dapat ipaalam rin sa mga taga-alaga ng bata o sa mga madalas nitong nakakasalamuha ang tungkol sa allergy nito.
Kung ang pag-iwas sa mga allergen ay imposible o hindi nakakatulong upang mabawasan ang sintomas, maaaring magrekomenda ang doktor ng ilang gamot, kabilang na ang anti-histamine, pampatak sa mata at pang-spray sa ilong. Marami rin rito ay nabibili kahit walang reseta.
Sa ilang mga kaso, maaaring magrekomenda ang doktor ng pag-iiniksyon (immunotherapy) upang masanay ang katawan ng tao sa allergen. Ang gamutang ito ay nakakatulong lamang para sa ilang allergen tulad ng alikabok, amag, pollen, hayop at kagat ng insekto. Hindi ito ginagamit para sa allergy sa pagkain.
Makipag-ugnayan sa pediatrician, allergologist, at sa lahat ng taong nag-aalaga sa bata, tulad ng mga tauhan sa eskwelahan at yaya, upang maagapan ang sintomas ng allergy ng bata.
References:
https://www.healthline.com/health/parenting/baby-allergies#TOC_TITLE_HDR_1