Ang bronchitis ay nagsisimula kapag namaga ang tinatawag na “bronchial tubes” o ang daluyan ng hangin papunta sa baga. Ito ay nagdudulot ng mga sumusunod na sintomas:
- matinding pag-uubo
- kahirapan sa pag-hinga
- pananakit ng dibdib
- lagnat
- matinding pagkapagod o fatigue
Nakakahawa nga ba ang bronchitis?
May dalawang klase ng bronchitis at naka-depende sa uri ng bronchitis kung ito ay nakakahawa o hindi. :
Chronic bronchitis
Kapag palaging exposed sa polusyon, alikabok, amoy kemikal, usok ng sigarilyo, maaaring magkaroon ng chronic bronchitis. Ang chronic bronchitis ay maaaring tumagal ng ilang buwan at maaaring bumabalik taun-taon.
Hindi nakakahawa ang chronic bronchitis pero ito ay malubhang karamdaman na dapat ipatingin sa doktor.
Acute bronchitis
Kapag na-infect ang tao ng virus, gaya ng sa sipon at trangkaso, maaari siyang magkaroon ng acute bronchitis. Ang pag-uubo na dulot ng acute bronchitis ay maaaring tumagal kahit lumipas na ang sipon at trangkaso.
Ang acute bronchitis ay lubhang nakakahawa at kailangan ng atensyon ng doktor.
Paano kumakalat ang acute bronchitis?
Dahil virus ang pinagmumulan ng acute bronchitis, ito ay maaaring makuha sa hangin o sa mga bagay na nahawakan ng maysakit. Ang taong may acute bronchitis ay maaaring makahawa kapag siya ay:
- Huminga
- Umubo
- Bumahing
- Suminga
- Humawak sa anumang bagay sa kapaligiran
Depende sa uri ng virus, ang acute bronchitis ay maaaring tumagal ng ilang araw hanggang isang linggo.
Paano malalaman kung ikaw ay may acute bronchitis?
Magpatingin kaagad sa doktor sa mga sumusunod na pagkakataon:
- Hindi gumagaling ang ubo pagkatapos ng 10 araw
- Hindi makatulog dahil sa ubo
- May pananakit ng dibdib
- Hirap sa paghinga
- Biglang pagbaba ng timbang
- May lagnat na umaabot ng 100°F.
- May dugo na lumalabas sa pag-uubo
Paano maiiwasan ang acute bronchitis?
- Umiwas sa mga taong may acute bronchitis at may sintomas ng sipon o trangkaso
- Magsuot ng flu mask para hindi makasagap ng virus
- Palaging maghugas ng kamay
- Iwasan ang paghawak ng mata, ilong o bibig
- Gumamit ng disinfectant sa paligid
- Magpabakuna kontra trangkaso
Kung ikaw ay may acute bronchitis, magsuot ng flu mask para hindi makahawa. Maghugas ng kamay para hindi kumalat ang virus sa iyong paligid.
References:
https://www.webmd.com/lung/is-bronchitis-contagious#1
https://familydoctor.org/condition/acute-bronchitis/
https://www.healthline.com/health/is-bronchitis-contagious
https://familydoctor.org/condition/acute-bronchitis/