What is Cancer: 5 Facts & Myths Tungkol Dito

March 24, 2020

Ayon sa Department of Health, pangatlo ang cancer sa pangunahing sanhi ng morbidity at mortality sa bansa. Isa ito sa apat na non-communicable diseases at tinatawag ding “silent killer.” Dahil dito, ang cancer ay isang health priority sa Pilipinas.

Sa kasamaang palad, hindi pa rin laganap ang tamang kaalaman tungkol dito. Ang pagkakaroon ng wastong impormasyon ukol sa isang sakit ay nakakapag-bigay ng gabay para sa pag-iingat at pagpapabuti ng kalusugan.

 

Talakayin natin kung ano nga ba ang mga dapat nating matutunan tungkol sa cancer at paano natin maiingatan o mas maaalagaan ang mga mahal natin sa buhay.

 

 

What is cancer?

 

Sa pinakasimpleng paliwanag, nagiging cancer ang kondisyon ng isang tao kapag may abnormal na pagdami ng cells sa loob ng katawan.

 

Ang cells sa ating katawan ay buhay – may abilidad ang mga ito na mag-reproduce ng bagong uri nito para manatiling healthy. Nagsisimula ang cancer kapag may mga cell na naiba ang ginagawa, dahilan para sa ‘di-makontrol na pagdami nito. Kapag nagtagal, ang ganitong abnormal cells ay bumubuo ng tumpok o cluster na kung tawagin ay tumor.

 

Maliban sa tumor, may iba pang mga paraan para matukoy kung may cancer ang isang tao.

 

 

What are the symptoms of cancer?

 

Iba-iba ang cancer symptoms sa depende sa uri nito. Karamihan sa mga may cancer ay tinutubuan ng tumor, ang iba naman ay hindi. Matutukoy ang uri ng cancer base sa mga sintomas na dala nito.

 

 

Anu-ano ang mga uri ng cancer?

 

May humigit-kumulang 100 na uri ng cancer. Narito ang mga pangunahing klasipikasyon ng nasabing sakit:

 

 

  • Leukemia – Kilala rin bilang cancer sa dugo, hindi ito nagdadala ng matitigas na tumor.

 

  • Carcinoma – Ito ang pinaka-karaniwang nada-diagnose na cancer. Nagsisimula ito sa organs at glands. Kasama rito ang mga cancer sa breast, balat, pancreas, at baga.

 

  • Sarcoma – Nabubuo ito sa muscle, blood vessels, litid, mga buto, muscles, at iba pang tissue sa katawan. Bihira ang ganitong klase ng cancer.

 

  • Melanoma – Nagsisimula ang cancer na ito sa cells na nagbibigay-kulay sa ating balat.

 

  • Lymphoma – Ito ang cancer ng lymphocytes o mga uri ng white blood cells na panlaban ng katawan mula sa mga sakit.

 

undefined

 

 

Ito naman ang ilan sa mga kilalang uri ng cancer:

 

  • Breast cancer – Sinasamahan ng mga sintomas gaya ng bukol sa suso, madugong discharge, at kapansin-pansing pag-iiba ng kulay ng balat sa dibdib. Pwede itong invasive ductal carcinoma (pinaka-karaniwang breast cancer) o invasive lobular carcinoma.

 

  • Colon cancer – Dahil large intestine ang apektado rito, makakaranas ng matinding pagbabago sa bowel movement gaya ng malubhang diarrhea o constipation. Mayroon ding dugo sa dumi, ‘di-nawawalang pananakit ng tiyan, at biglaang pagbagsak ng timbang.

 

  • Lung cancer – Mayroon itong dalang ubo na hindi gumagaling na may kasamang dugo, sakit ng ulo, kakapusan sa paghinga, pagkapaos, pananakit ng dibdib, pagbaba ng timbang, at pananakit ng mga buto.Kahit ang non-smokers ay maaaring tamaan nito.

 

  • Cervical cancer – Kadalasang dala ng human papillomavirus (HPV), pinaparanas nito ng sakit at pagdudugo ang pasyente matapos makipagtalik. May mga bleeding din na nangyayari bago o matapos ang buwanang dalaw, at madugong discharge na may mabahong amoy.

 

 

Masyadong malawak ang mga pag-aaral tungkol sa cancer dahil na rin sa dami ng posibleng uri nito. Makakabuti kung maitatama ang mga sumusunod na haka-haka tungkol dito:

 

 

Myth #1: Nakakahawa ang cancer.

 

Fact: Ang cancer ay hindi isang sakit na naipapasa sa ibang tao. Posible lang itong mangyari kung nakatanggap ng organ o tissue transplant mula sa isang cancer patient.

 

 

Myth #2: Kapag mayroong tumor sa katawan, siguradong may cancer.

 

Fact: Hindi lahat ng tumor ay cancerous. Maaari itong benign o malignant. Benign ang isang tumor kung noncancerous ito. Ibig sabihin ay hindi ito kumakalat sa ibang bahagi ng katawan at nanganganak pa ng ibang tumor. Malignant naman ang tumor na cancerous. Dinudumog nito ang healthy cells, humihigop ng sustansya sa mga tissue sa katawan, at gumugulo ng body functions. Gumagapang ang malignant cancer cells sa mga blood vessels, kaya naman nakakapagkalat ito ng mga tumor sa ibang parte ng katawan. Ang prosesong ito ay tinatawag na metastasis.

 

 

Myth #3: Madaling makita ang cancer symptoms.

 

undefined

Fact: Silent killer kung tawagin ang cancer dahil hindi agad natutukoy ang mga sintomas nito. Karamihan sa mga kaso ay sa malalang stage na nada-diagnose dahil hindi kapansin-pansin ang mga senyales. Dahil dito ay hinihikayat ang regular na pagpapa-check-up kahit walang nararamdamang sakit. Ang early diagnosis ng kahit anong karamdaman ay may malaking naitutulong sa tuluyang paggaling mula rito.

 

 

Myth #4: Napapagaling ng herbal medicine ang cancer.

 

Fact: May mga natural remedies na posibleng makapagpagaan ng mga sintomas, pero ang mga ito ay hindi tinuturing na panggamot laban sa cancer. Ang iba sa mga herbal medicine ay nagkakaroon din ng negatibong resulta kapag naihahalo sa chemotherapy at iba pang  Inirerekomenda ang pagpapakonsulta sa oncologist o doktor na espesyalista para sa cancer para sa angkop na treatment.

 

 

Myth #5: Siguradong ikamamatay ng isang tao ang cancer.

 

Fact: Maraming cancer patients na ang gumaling mula sa iba’t ibang treatment. Bagama’t hindi lahat ay nakakaligtas dito, hindi pa rin dapat mawalan ng pag-asa ang sinumang mayroon nito.

 

 

Cancer Treatment

 

May angkop na treatment para sa lahat ng uri ng cancer. Nakabase sa oncologist at sa kondisyon ng katawan kung anong pagsusuri at lunas ang maaaring subukan para tuluyang mawala ang cancer cells. Posibleng kombinasyon ng mga sumusunod na treatments ang isagawa, at pwede naman ding nakatuon lamang sa iisang paraan:

 

  • Chemotherapy – Paggamit ng iba’t ibang gamot para malusaw ang cancer cells;

 

  • Radiation therapy – Ine-expose sa mataas na radiation ang cancer cells para lumiit o mawala ang mga tumor;

 

  • Surgery – Ang pag-alis ng tumor sa katawan o kaya naman ng parte ng katawan na lubha nang naapektuhan ng galamay ng cancer; at

 

  • Stem cell transplant – Ibinabalik ang nasira stem cells na naapektuhan dahil sa matataas na dosis ng radiation o chemotherapy.

 

 

Maging malaya at malayo sa pag-aalala tungkol sa kalagayan ng inyong kalusugan sa pamamagitan nga healthy lifestyle. Magkaroon ng tamang nutrisyon, sapat na pahinga, aktibong pamumuhay, panatag na mental and emotional health, at wastong kaalaman nang sa gayon ay mapatibay ang katawan mula sa kahit anong sakit.

 

 

 

 

Sources:

 

https://www.doh.gov.ph/philippine-cancer-control-program

 

https://www.webmd.com/cancer/understanding-cancer-basics

 

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/colon-cancer/symptoms-causes/syc-20353669

 

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/lung-cancer/symptoms-causes/syc-20374620

 

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cervical-cancer/symptoms-causes/syc-20352501

 

https://www.cancer.gov/about-cancer/causes-prevention/risk/myths

 

https://www.cancer.gov/about-cancer/treatment/types