Cholera Disease: Mga Sanhi, Sintomas, at Tamang Gabay?

October 29, 2018

Kapag sumasakit ang tiyan, iilan lang ang mga sakit na posibleng maisip. Una na rito ang diarrhea, kung saan mayroong inconsistent o malambot na dumi ang isang tao dahil sa bacteria, viruses, o parasitic organisms – isa sa pinaka-common na dahilan ng pagsakit ng tiyan.

 

Dahil halos pare-pareho lang ang sintmas ng sakit ng tiyan, tila mahirap matukoy kung anong klase ng sakit ang tumama sa isang individual. Nangangailangan pa ng laboratory tests at doctor’s diagnosis ang ibang karamdaman gaya na ng cholera. Pag-usapan natin kung ano kinaiba nito sa iba pang waterborne diseases.

 

Ano ang cholera disease?

 

Ayon sa World Health Organization, ang cholera ay isang acute disease na nagsasanhi ng matinding diarrhea na maaaring mauwi sa dehydration at kamatayan sa loob lamang ng ilang oras kapag hindi agad napasailalim sa treatment.

 

Saan nakukuha ang cholera?

 

Ang cholera disease ay nakukuha sa pagkonsumo ng pagkain o inumin na kontaminado ng bacterium na tinatawag na vibrio cholerae. Nagkakaroon ng ganitong impeksyon kapag ang kinonsumo ay naapektuhan ng dumi ng taong mayroon ding impeksyon. Ang karaniwang sources nito ay:

 

  • Maduming water supply;
  • Yelo na gawa sa tubig gripo;
  • Pagkain at inumin na inilalako sa kalsada;
  • Hindi maayos na paghuhugas ng prutas at gulay;
  • Mga gulay na lumaki sa kontaminadong tubig na may dumi ng tao; o
  • Isda o seafood na hindi maayos ang pagkakaluto.

 

Gaano kataas ang risk ng pagkakaroon ng cholera disease?

 

Sa Pilipinas, dahil laganap ang pagbabaha sa mabababang lugar, mataas din ang kaso ng mga Pilipinong nada-diagnose nang may cholera. First quarter pa lamang ng 2018, may 111 nang reported cholera cases – dalawa rito ang nauwi sa kamatayan. Ito ay isang seryosong sakit na kailangang kilalanin, bigyan ng atensyon, at gawan ng ibayong pag-iingat.

 

Para naman sa mga lugar na hindi gaanong binabaha, mataas ang risk na magkaroon nito base sa sources ng pinagbibilhan at pinaghahandaan ng pagkain at inumin. Hindi ito nakukuha sa direct contact sa taong infected nito. Sa isang mag-anak, kung may mga myembro na parehong nagkaroon ng cholera, ito ay dahil sa parehong sources ng pagkain at inumin, hindi dahil sa pagkakahawa.

 

Sa hindi gaanong kalala na mga kaso ng cholera, maaaring ma-ingest ng tao ang bacteria ngunit hindi magkasakit. Sa kabilang dako, ang mga malulubhang kaso naman ay maaaring magdulot ng matindi at mabilis na pagkawala ng fluids at electrolytes sa katawan – sanhi ng kamatayan sa loob ng 2 hanggang 3 na oras kapag hindi naagapan. Makikita rito na hindi cholera ang cause of death kundi dehydration at shock na dala lamang ng cholera disease.

 

 

Signs and Symptoms of Cholera

 

Madaling mapagkamalang normal na diarrhea lang ang cholera. Ang mga sintomas nito ay maaaring magsimula makalipas ang ilang oras hanggang limang araw matapos makuha ang impeksyon. Sa malalalang kaso, matatagpuan ang mga sumusunod na cholera symptoms:

 

undefined

Photo from Pixabay

 

  • Diarrhea;
  • Pagsusuka;
  • Dehydration;
  • Mabilis na tibok ng puso;
  • Low blood pressure;
  • Pagkairita;
  • Labis na pagkauhaw;
  • Pulikat; at
  • Balat na bumaba ang elasticity.

 

Ang iba pa sa mga komplikasyong dala ng mga sintomas ng cholera ang mga sumusunod. Ang mga ito ay nangangailangan ng diagnosis mula sa doktor sa pamamagitan ng laboratory tests para masuri:

 

  • Low blood sugar o hypoglycemia;
  • Low potassium levels o hypokalemia; at
  • Kidney failure.

 

Isa sa pinakalaganap na sakit sa Pilipinas lalo na kapag tag-ulan ang cholera. Tingnan dito ang mga dapat mong malaman for cholera prevention.

 

 

Cholera Treatment

 

Bagama’t may vaccine kontra cholera, hindi ito gaanong inirerekomenda ng CDC at World Health Organization dahil tumatagal lamang ang bisa nito ng ilang buwan. Kailangang ma-confine ang pasyenteng na-diagnose nang may cholera disease para maiwasan ang mga malalang epekto ng dehydration at shock na dala ng mga sintomas nito.

 

undefined

Photo from Unsplash

 

 

Ang solusyon dito ay rehydration o ang pagsu-supply ng mga nawalang electrolytes at body fluids sa pamamagitan ng intravenous administration o paglalagay ng dextrose. Sa magagaang kaso, maaaring ipainom ang doxycycline para sa adults at azithromycin para sa mga bata at mga babaeng nagdadalantao.

 

Para rin sa mga bata edad lima pababa, importante na ma-supplyan sila ng sapat na dosage ng zinc upang mapabilis ang paggaling ng diarrhea na sintomas ng cholera. Inirerekomenda rin ang breastfeeding para sa mga sanggol na apektado nito. Siguraduhin lamang na walang nakuhang impeksyon ang ina.

 

Cholera Prevention

 

Dahil ang cholera ay isang waterborne disease, ang pinakamahusay na pag-iwas na pwedeng gawin para dito ay ang pagkakaroon ng access sa malinis na tubig-inumin at panggamit araw-araw. Sa maayos na sanitation ng tubig, masisigurado na ligtas ang kinokonsumong tubig at ang tubig na ginagamit para sa personal hygiene.

 

Ilan pa sa steps na maaaring isagawa kontra cholera disease ang mga sumusunod:

 

  1. Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon lalo na matapos gumamit ng palikuran at bago humawak ng pagkain. Kung wala namang available na hugasan sa paligid, siguraduhing laging may baong sanitizer o alcohol para mapanatiling malinis ang mga kamay.

 

  1. Uminom lamang ng tubig na malinis at safe gaya ng mineral water o kaya naman ay tubig na pinakuluang mabuti. Kung iinom naman mula sa mga lata o bote gaya ng softdrinks, siguraduhing linisan muna ang lugar kung saan ilalagay ang bibig. Iwasan din ang pagbili ng yelo lalo na kung hindi ito gawa sa mineral o purified water. Mas mabuti kung gagawa ng sariling yelo para masigurado ang kalidad nito.

 

  1. Kumain ng pagkain na maayos ang pagkakaluto. Hangga’t maaari, maghain ng mga pagkain na kayo mismo ang naglinis, naghanda, at nagluto kaysa sa pagbili sa mga nilalako sa kalsada.

 

  1. Linisin ang kapaligiran. Huwag hayaang may maimpok na maruming tubig sa paligid ng inyong bahay o sa mga sulok-sulok kung saan maaaring tumalsik ang maruming tubig papunta sa bahagi ng katawan – gaya na lang ng gilid ng kubeta at mga lababo.

 

  1. Iwasan ang pagkonsumo ng mga hilaw na gulay at mga prutas na hindi personal na binalatan. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagiging infected ng anumang bacteria na maaaring naroon sa mga nasabing pagkain.

 

Gaya ng sa ibang sakit, higit na ipinapayo na magkaroon ng tamang nutrisyon, ehersisyo, at pahinga para makaiwas sa cholera disease at iba pang karamdaman. Ang kalinisan at pag-iingat sa sarili ay bigyan ng importansya para maging malayo sa health conditions na maaaring makaapekto sa pamumuhay. Huwag din mahiyang magtanong at magpakonsulta sa doktor kung nakakaranas ng mga nasabing sintomas.

 

Sources:

 

http://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/cholera

https://www.doh.gov.ph/sites/default/files/statistics/2018%20FWB%20Surveillance%20Report%20MW1-5.pdf

https://www.webmd.com/a-to-z-guides/cholera-faq#2

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cholera/symptoms-causes/syc-20355287

https://wwwnc.cdc.gov/travel/yellowbook/2018/infectious-diseases-related-to-travel/cholera