Sabi nga nila, masarap daw ang bawal. Kaya naman kahit hindi mabuti para sa kalusugan ang maaalat at fatty o matatabang pagkain, panay-panay pa rin ang pagkonsumo nito. Ang mga ito ay mahirap iwasan lalo na ngayong holiday season kung kailan ang mga hapag-kainan ay napupuno ng mga ito. Dahil na rin sa selebrasyon, pinagbibigyan ang sarili na kumain ng mga ito bilang gantimpala sa ilang buwang pagpipigil.
Sa kabila ng kanilang lasa, hindi nakakapagdulot ng mabuti sa katawan ang mga nasabing pagkain. Ang labis na pagkonsumo ay may katambal na mga komplikasyon sa kalusugan. Ilan na lamang dito ang mga kondisyon o sakit sa puso tulad ng high cholesterol at hypertension o high blood pressure.
Nangangailangan ng maintenance na gamutan ang hypertension, at ang pag-unawa sa blood pressure at mga factors na nakapalibot dito ang unang hakbang para matukoy kung ano ang angkop na gamot sa high blood ang nararapat para sa kondisyon.
Bakit tumataas ang blood pressure?
Para masagot ito at ang relasyon nito sa maaalat at fatty food, mainam na malaman at maintindihan muna kung ano nga ba ang blood pressure.
Bawat pagtibok ng puso ay nangangahulugang nagpapadala ito ng dugo sa iba’t ibang parte ng katawan para makapag-supply ng oxygen na kinakailangan para mabuhay. Habang dumadaloy ang dugo sa pamamagitan ng mga ugat, nagigitgit nito ang mga wall ng blood vessels. Ang kalakasan o kahinaan ng pagtulak na ito ay tinatawag na blood pressure.
Kapag mayroong high blood pressure, ibig sabihin nito ay labis ang tindi ng pagtulak o strain ng pagdaloy ng dugo sa mga artery o mga ugat sa puso. Dahil dito, maaaring magkaroon ng atake sa puso at stroke.
Dahil may malaking risk ang mga taong may unhealthy weight sa pagkakaroon ng mataas na blood pressure, factor ang pagkonsumo ng maaalat at matatabang pagkain sa hypertension. Ang iba pang mga sanhi nito ay:
- Paggawa ng masamang bisyo gaya ng paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak;
- Kakulangan sa physical activity;
- Stress;
- Edad;
- Family history ng pagkakaroon ng high blood pressure; at
- Iba pang health conditions gaya ng chronic kidney disease at thyroid disorders.
Paano naman nalalaman ang blood pressure?
Sa tulong ng isang health professional, doktor, o maalam na indibidwal, may ibabalot na cuff sa braso. Ito ay mayroong gauge na tutukoy sa blood pressure. Mayroong pipisilin na parte ng cuff na ito para maipit ang parte ng braso na kinalalagyan nito. Matapos ito ay dahan-dahang papawalaan ng hangin sa cuff, kasabay ang pakikinig sa pulso gamit ang stethoscope at pagbabantay sa gauge. Sa pamamagitan nito, masusukat ang pressure ng dugo sa blood vessels. Mayroon naman ding digital devices na hindi na nangangailangan ng ganitong manual na pamamaraan. Ikinakabit lamang ang digital monitor sa braso at kusa na itong sisikip at luluwag para makuha ang blood pressure.
Photo from Pixabay
Mayroong dalawang importanteng numbers sa blood pressure. Halimbawa, ang lumabas na blood pressure sa monitor ay 120/80 (120 over 80) mmHg. Ibig sabihin nito:
Ang unang number ay tinatawag na systolic blood pressure. Ito ang sukat ng pressure sa mga blood vessels kapag tumitibok ang puso. Diastolic blood pressure naman ang tawag sa ikalawang numero. Pinapahiwatig nito ang sukat ng pressure sa blood vessels sa pagitan ng mga heartbeat.
Gamit ang sukatan na ito, maaaring matukoy kung normal, at-risk sa hypertension (pre-hypertension), o mataas ang blood pressure:
Normal |
Mababa sa 120 mmHg |
Systolic |
Mababa sa 80 mmHg |
Diastolic |
|
At-risk (pre-hypertension) |
120-139 mmHg |
Systolic |
80-89 mmHg |
Diastolic |
|
Mataas |
140 mmHg pataas |
Systolic |
90 mmHg pataas |
Diastolic |
Paalala: Factor din ang edad, timbang, kasarian, at medical conditions sa pagtukoy ng normal na blood pressure. Mabuting kumonsulta muna sa doktor para makasigurado.
Paano bumaba ang blood pressure?
Susi para makaiwas sa hypertension ang pagkakaroon at pag-maintain ng normal na blood pressure. Para makamtan ito, ilan sa mga pagbabago sa lifestyle na maaaring gawin ang mga sumusunod:
Photo from Unsplash
- Umiwas sa labis na pagkonsumo ng maaalat at matatabang pagkain.
- Magkaroon ng heart-healthy diet na mayaman sa omega 3 fatty acids gaya ng tuna at iba pang isda.
- Magsimula ng active lifestyle.
- Magpanatili ng healthy na timbang ayon sa edad, kasarian, at health condition.
- Itigil ang masasamang bisyo.
- Pag-aralang i-manage nang mabuti ang stress.
- Magkaroon ng sapat na pahinga at meditation.
Bukod dito, may mga gamot sa hypertension na maaaring inumin batay sa rekomendasyon ng doktor. Makakatulong ang mga ito para maiwasan ang pag-atake ng mga sintomas ng high blood pressure, pati na rin ang kaakibat na malulubhang komplikasyon ng mga ito. Kadalasan, maintenance na gamot sa high blood na ang silbi ng mga ito para mapanatiling normal ang blood pressure:
- Alpha blockers;
- Angiotensin II receptor blockers gaya ng losartan;
- Angiotensin-converting enzyme inhibitors gaya ng captopril;
- Beta blockers gaya ng atenolol;
- Calcium channel blockers gaya ng amlopidine besilate at felodipine;
- Diuretics o water pills gaya ng losarite; at
- Renin inhibitors.
Mayroon ding combination medication na maaaring ireseta ang doktor depende sa antas ng blood pressure. Kaya naman hindi inirerekomenda ang self-medication sa kaso ng hypertension. Nangangailangan ito ng payo ng mga eksperto gaya ng cardiologist upang matukoy ang angkop na lunas para sa specific condition at mga sintomas na nararanasan.
Lahat ng sobra ay masama sa katawan, kaya naman mainam na bantayang mabuti ang kinakain at kalidad ng pamumuhay lalo na kung may family history ng pagkakaroon ng iba’t ibang heart conditions. Ang pinakamabisang gamot pa rin sa anumang sakit ay ang pag-iingat at pag-iwas sa mga ito.
Hindi nangangailangang maranasan muna ang mga sintomas bago magsimula ng healthy lifestyle. Ang mga gamot sa highblood ay sangkap lamang sa pagpapagaling, ngunit mas malaki ang naiaambag ng malusog na pamumuhay sa pagpapanatiling normal ng blood pressure. Tiyaking magkaroon ng regular check-up para ma-monitor ang kalusugan ng puso at maagapan ang anumang komplikasyong maaaring pasimula pa lamang.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/hypertension
https://www.webmd.com/hypertension-high-blood-pressure/guide/blood-pressure-causes#1
http://www.bloodpressureuk.org/BloodPressureandyou/Thebasics/Bloodpressure
https://www.cdc.gov/bloodpressure/measure.htm