Natural lang na mag-alala para sa kalusugan ngayon ng ating mga mahal sa buhay dahil sa COVID-19 pandemic. Para sa mga buntis o manganganak sa panahon ngayon, may kaakibat na dagdag-kaba para sa magiging kalagayan ng mag-ina lalo na’t nababalitang nagkakaroon ng mga problema sa manpower at facilities sa mga ospital.
COVID and Pregnancy: Risks
Pag-usapan natin ang iba’t ibang klase ng stages ng pagbubuntis at anu-ano ang posibleng epekto ng COVID-19 sa ina at sa sanggol.
Sa kabuuan, mababa lang ang risk ng COVID-19 sa mga nagdadalang tao o may healthy pregnancy. Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi na dapat maging maingat at masunurin sa mga health protocol. Kapag tinamaan ng COVID-19 ang isang buntis, mas nangangailangan siya ng intensive care dahil sa mas mataas na risk sa pagkakaroon ng mga komplikasyon sa respiratory tract.
Ang mga ina na may history ng diabetes at iba pang chronic illness ay at-risk din sa pagkakaroon ng COVID-19 gaya ng mga taong hindi buntis ngunit may comorbidities.
Kung walang problema sa kalusugan bago at habang buntis, tamaan man ng virus ay hindi ito magiging malubha. Kakailanganin lang magpasugod sa ospital kung kumplikado na ang mga sintomas at may kaakibat nang panganib para sa bata.
Paalala: Kung buntis at nakakaranas ng mga sintomas ng COVID-19, agad na ipagbigay-alam ito sa inyong OB-GYN at pediatrician (kung kapapanganak pa lamang). Iwasan ang self-medication kung nagdadalang tao o nagpapasuso.
COVID Pregnancy: Check-ups
Kahit may mga regulasyon tungkol sa paglabas ng bahay, importante pa ring masunod ang inyong prenatal check-up schedule. Bago pa man pumunta sa clinic o ospital, siguraduhin muna ang schedule o appointment ng inyong check up, availability ng doktor, at seguridad sa inyong mga dadaanan papunta sa healthcare provider. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang matagal na exposure sa ospital at sa ibang tao.
Kung sakaling mag-positibo sa COVID-19 bago ang scheduled check up, alamin sa inyong OB-GYN kung posible ba ang teleconsultation. Sa gayon, masisigurado pa rin na nasa mabuting kalagayan ang inyong anak sa kabila ng pagkahawa ng ina sa virus.
Kung nasa inyong kapasidad, mag-invest sa blood pressure monitor at doppler para maging handa sa mga virtual checkup sa panahon na humigpit ang lockdown o restrictions sa inyong area.
COVID and Pregnancy: Labor and Delivery
Narito naman ang ilan sa mga paghahanda na pwede ninyong gawin kung palapit na ang inyong due date:
- Mag-research tungkol sa home birth at iba pang natural methods ng panganganak. Depende sa payo ng inyong doktor, maaaring magbago pa ang inyong birth plan dahil sa pandemic. Pwedeng ikonsidera ang panganganak sa bahay. Siguraduhing may valid license ang inyong healthcare provider para magsagawa ng ganitong mga procedure.
Image from:
- Kung naka-schedule para sa Caesarean operation, maging handa sa posibleng gastos para sa swab test kasama ang inyong partner o asawa sa loob ng 24 o 48 hours bago ang panganganak. Kapag nagpositibo sa virus bago ang operasyon, maaari itong i-reschedule kung hindi delikado para sa sanggol.
- Bago ang normal delivery, ihanda na agad ang mga gamit at dokumento na maaaring kailanganin sa ospital para maiwasan ang pagpapabalik-balik sa bahay. Mapapababa rin nito ang risk ng transmission. Hangga’t maaari, pwede nang isulat ang karaniwang mga detalyeng hinihingi kapag nanganganak para madali itong maipag-bigay alam sa hospital staff. Magdala rin ng sariling pen para hindi na humawak ng mga napagpasa-pasahang gamit.
- Maghanda para sa emergencies. Dahil walang kasiguraduhan sa mga posibleng mangyari sa inyong pagbubuntis at maging sa kalagayan ng bansa laban sa pandemic, buksan ang isip sa iba’t ibang posibilidad at kausapin ang inyong doktor para sa mga solusyon dito. Maaari ring magpaturo sa healthcare provider ng emergency measures na pwede ninyong gawin sakaling makaramdam ng komplikasyon sa pagbubuntis bago pa ang due date.
Maging mapang-unawa rin sa mga posibleng problemang kakaharapin sa panganganak. Hindi madali para sa kahit kanino ang ating sitwasyon, kaya naman ay kailangang maging alerto at kalmado oras na may mga peligro sa kapakanan ng ating pamilya.
Sources:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/coronavirus/in-depth/pregnancy-and-covid-19/art-20482639